KABANATA 42 • Maitim Na Plano

230 21 11
                                    

•••★•••
Kabanata 42
M

aitim na Plano

 

SA aking harapan ay nakatayo ang haring huwad.

"Saan mo ako dinala?! Anong ginagawa mo?! Hindi pa rin ba tapos ang kasamaan mo?!" panggagalaiti ko.

Nagawa niya akong dalhin sa ibang lugar gamit ang kakayahan niyang paglaho. Talagang pinaghandaan niya ang pagkakataong ito't pinag-aralan niyang mabuti ang salamangka ng Westwoodian.

"Kung mamamatay ako ay mamamatay ka rin!" bulyaw niya.

"Hindi ako natatakot sa'yo! Kung may taglay kang salamangka, taglay ko naman ang makapangyarihang Tahaklaw."

Inihanda ko ang aking sarili sa magiging pag-atake niya.

Napansin ko ang sunod-sunod na pagkumpas ng kanyang mga kamay sa hangin at sunod-sunod ring nagsibulusok ang mga pulang liwanag na mistulang naglalagablab na apoy patungo sa akin.

Mabilis kong hinugot ang aking espada at ito ang nagsilbi kong proteksyon. Isa-isa kong sinalag ang mga pulang liwanag sa pamamagitan ng pagkumpas ko ng hawak kong armas. Sa ganitong kaparaanan, nagawa ko siyang lapitan nang hindi nagagalusan. Masasabi kong malaking tulong sa akin ang ginintuang baluting bumabalot sa aking katawan.

Nang malapitan ko siya ay hindi ako nagdalawang isip na idampi sa kanyang sikmura ang bumubulusok kong kamao na naging dahilan ng pagtalsik niya. Malayo pa sana ang mararating ng kanyang katawan, subalit pinigilan siya ng dingding na yari sa bato.

Parang lantang gulay siyang napaupo sa sahig. May dugong umaagos mula sa kanyang noo, ngunit masasabi kong malayo pa rin siya sa kanyang limitasyon.

"Naiintindihan ko na sa puntong ito, mas lamang ka kaysa sa akin. Dahil sa Tahaklaw ay nasisiguro kong kaya mo akong talunin. Ngunit hindi ako nag-aalala sa bagay na 'yan. Sapagkat sa puntong ito, hindi na ako ang iyong makakalaban."

"Anong sinasabi mo? Kung hindi ikaw, sino?"

Umugong sa aking pandinig ang nakabubuwisit niyang halakhak.
   

    
"Ang iyong Ama," tugon niya. "Si Ellmir!"
  

   
Isang malakas na dagok ang naramdaman ko sa aking batok, dahilan upang ako'y matumba at upang tumalsik ang metal na bumabalot sa aking ulo.

Nang tingalain ko ang may kagagawan nito, nasilayan ko ang mukha ng aking ama. Ngunit bakit?

Pinagmasdan ko siyang mabuti. Bahagyang nabawasan ang kanyang timbang, habang nadagdagan ang dami ng kanyang bigote at balbas.

Huli nang mapagtanto kong balot na pala ng kadiliman ang kanyang mga mata. Dito ko napagtantong napapasailalim rin siya sa itim na salamangka ni Vyen.

"Papa!" pagtawag ko sa kanya at nagbabakasakaling baka makilala niya ako ngunit hindi ito umepekto.

Nilapitan niya ako at ako'y itinayo mula sa pagkakaupo sa pamamagitan ng paghila sa aking mga balikat.

At naramdaman ko na lamang ang kanyang dalawang kamao na sunod-sunod na humahampas sa aking mukha. Unti-unti kong naramdaman ang hapdi at kirot na dulot nito. Nararamdaman ko ang pag-agos ng aking dugo maging ang unti-unting pangangapal ng pisngi ko.

Eastwood: The World Of ZodiacTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon