KABANATA 15 • Linlang

62 13 20
                                    

•••★•••
Kabanata 15
Linlang


 
AKO'Y natigilan.

"Bukod sa pagkamatay ni Fidel, isa pang Taurean ang pinaghahahanap ngayon. Ilang oras na siyang hindi natatagpuan. Evan, ikaw ang kanilang pinaghihinalaang may kagagawan sa lahat."

"A-Ano?!" Para bang paulit-ulit na tinutusok ang utak ko gamit ang isang matalas na karayom.

Nanlambot ang tuhod ko nang mabalitaan ko ang pagkamatay ni Fidel, pero, mas lalo akong nanghina nang malaman kong ako ang pinagsususpetyahan ng ibang Taurean na gumawa sa krimeng 'yon.

"H-H-Hindi. Hinding-hindi ko 'yon magagawa. Si Ava lang ang kasama ko sa buong maghapon at kaya kong patunayan 'yon," depensa ko at hindi mapawi ang kunot sa aking noo.

"Kailangan mo nang bumalik sa aming kuta."

Hindi ko siya sinang-ayunan. Sa halip, naglakad ako patungo sa ibang direksyon. Wala akong pakialam kahit hindi ko kabisado ang daang tinatahak ko.

"Saan ka ba pupunta?" tanong ni Rasvan habang ako'y sinusundan.

"Kahit saan," sagot ko. "Hindi ko pa kayang bumalik sa lugar n'yo. Gusto ko munang mapag-isa. Hindi ko na maintindihan ang mga nangyayari."

Nagpatuloy lang ako sa pagtahak ng daan at patuloy lang rin ang pagsunod sa akin ni Rasvan.

Mahaba-mahaba na ang aming nalalakad at nararamdam ko na ang pangangawit ng aking mga binti. Nagtatagaktakan na rin ang mga pawis mula sa aking noo at ang mukha ko ay para bang hinilamusan na ng tubig.

"Evan, malapit nang lumubog ang araw. Baka maulit na naman ang nangyari noong nakaraan. Halika na! Bumalik na tayo!" pag-aalala ni Rasvan na tila nababagot na.

"Umalis ka na. 'Wag mo na akong sundan."

"Hindi kita maaaring iwan. Hindi mo gaanong alam ang pasikot-sikot dito sa kagubatan. Hindi ka maaaring manatili dito. Kailangan mong magpakita sa kanila. Dahil kung hindi, mas lalo nilang iisiping may kinalaman ka sa pagkamatay ni Fidel."

Huminto ako sa paglalakad at napabuntong-hininga. "Natatakot ako. Paano kung--"

"Evan, naniniwala pa rin ako na wala kang kinalaman sa mga nangyayari. 'Wag kang mag-alala, dahil handa akong magbigay ng anumang tulong," wika niya.

"Salamat," sabi ko habang pilit na ngumingiti.

Nagawa niyang ipaintindi sa 'kin na tama ang kanyang sinabing mas lalo akong paghinalaan ng mga taong-toro kung hindi ako magpapakita sa kanila. Dahil dito'y nagdesisyon akong sumama sa kanya. Tinahak namin ang direksyon pabalik sa kuta ng mga Taurean habang unti-unting nagtatago ang araw sa likod ng kabundukan.

Sa aming paglalakad, isang 'di inaasahang tagpo ang naganap. Dalawang nilalang na kakaiba sa aking mga mata ang humarang sa aming dinadaanan.

Pawang pagkabigla ang mababatid sa aming mga mukha.

Maihahalintulad ang dalawang ito sa isang matapang at mabangis na liyon. Ang kanilang balat ay pinaiibabawan ng mga balahibong dilawan ang kulay. Kapansin-pansin sa kanilang mga balahibo ang mga pinta na may iba't ibang disenyo na animo'y marka sa kanilang katawan. Ang kanilang mga mata ay natural nang may matutulis na titig at ang nababasa ko sa kanilang tindig ay pawang katapangan.

Eastwood: The World Of ZodiacTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon