KABANATA 30 • Enoch

23 1 0
                                    

•••★•••
Kabanata 30
Enoch

MATAPOS kong marinig ang usapan ng aking mga magulang, hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa. Agad akong lumisan upang magtungo sa piitan kung saan matatagpuan ang 'magnanakaw' na Maharlika na nagngangalang Enoch.

Nang mapasok ko ang piitan, una kong natanaw ang nangangyayat na si Fidel at nang minsang magtama ang aming paningin, binigyan niya ako ng isang masamang titig.

Isinawalang-bahala ko na lamang siya at nagpatuloy sa paghakbang palalapit sa selda ni Enoch.

Nasilayan ko siyang iba na ang saplot at mukhang nanghihina habang nakaupo sa sahig at nakatulala.

"Enoch," banggit ko ng kanyang ngalan.

Tumunghay siya at sinipat ang aking mga mata. "Ikaw na naman?" aniya.

Ang kanyang kawalan ng gana ay biglang napalitan ng pagkagulat at mistulang nabuhayan ang kanyang sistema nang marinig niya ang isang tanong mula sa akin.

"Ikaw ang anak ng reyna, hindi ba?"

"A-Ano?!" gulat niyang tanong.

"Hindi ba't ikaw ang kasalukuyang prinsipe ng Eastwood?" Sa Ikalawang tanong na ito ay mas lalo pang lumaki ang pagdilat ng kanyang mga mata.

Iniangat niya ang kanyang puwitan at mabilis na tumayo mula sa sahig. "Sino ka? At paano mo nalaman?!"

"Hindi na 'yon mahalaga. Subalit, kailangan mong sumama sa akin," bigkas ko.

"At bakit naman ako sasama sa 'yo?!" tanong niya kasabay ang pagbulusok ng matatalas niyang paningin.

"Huwag ka nang magtanong," saad ko at aking nilingon ang mga tagapagbantay na Taurean. "Mga taong-toro, kailangan kong isama si Enoch patungo sa aming tinutuluyan dahil sa isang mahalagang bagay."

"Masusunod, Maharlika," sambit ng isang tagapagbantay at agad nilang binuksan ng kanyang kasama ang selda upang mailabas mula rito si Enoch.

"Bakit mo 'to ginagawa? Anong meron?" tanong ni Enoch sa akin.

Hindi ko siya nagawang sagutin.

"Mga Taurean, hawakan ninyo siyang mabuti at nakikiusap akong dalhin n'yo siya sa aming tinutuluyan."

Hindi ako nakasisiguro kung ano ang tumatakbo sa isip niya. Kaya, mas mabuti nang ang mga Taurean ang umalalay sa kanya upang makasigurong hindi siya makatatakas.

Kailangang malaman ng reyna, ng aking ina, na naririto lamang ang kanyang anak at siya'y hindi na dapat pang mag-alala.

Lumipas ang ilang minuto, sa aking pagbalik sa aming tirahan ay kasama ko na ang matagal nang pinaghahahanap na prinsipe. Kaya, hindi maiwasang makaramdam ng pananabik na ibalita ito sa reyna.

Sa pagbukas ng pinto, agad ko siyang natanaw, kasama ang aking ama, na mukhang naghahanda na upang lisanin ang Earth Sector.

Mabilis ko silang nilapitan at tila lumikha ng isang eksenang pipigil sa kanilang plano. "Hindi n'yo na kailangan pang umalis," saad ko.

Eastwood: The World Of ZodiacTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon