"Hello! Anong pangalan mo? Saan kayo nakatira?" madumi ang damit niya.

Tinanggap niya ang pera. "Diyan kami sa plaza natutulog. Ako pala si Luz."

"Ah ganon ba. Sana makatulong yang binigay ko. Alam mo kasi, wala rin ako e. Pero hayaan mo, tuwing makikita kita dito...bibigyan kita! Ako pala si Sol."

"Salamat Sol." malungkot siyang ngumiti. Napanguso ako at tumalikod na.

Bumili ako ng mga notebooks at dalawang ballpen tsaka papel. Gustong gusto kong bilhin ang bagpack pero nang tiningnan ko ang presyo 'nun..

"360..." nanlumo ako at binalik nalang iyon. "Sa susunod nalang!" kumbinsi ko sa sarili pero ang totoo baka hindi na naman. Ito rin kasi ang sinabi ko noong nakaraang taon pero hindi ko naman nabili. Mas importante sakin ang gamot at uulamin namin.

"Ito na po ang bayad ale!"

"Hmmm, ikaw pala yan hija. Tandang tanda ko last year ikaw rin ang bumili ng notebook at papel dito. Gandang ganda ako sayo. Gusto ko ang pagka morena mo."

Napatingin tuloy ako sa aking balat at tumawa. "Kasi po tide labada po ang sabon ko. Mga tira tira po iyon sa sabon ni lola."

Humalakhak ang tindera. "Naku, loka ka! Ito bag para sayo."

Napamulagat ako. "Ale, wala po akong pambayad diyan."

Umiling ito at hinawakan ang aking kamay para makuha ko.

"Ayos lang! Sayo na yan. Nakakaawa rin kasi kayong mga mangyan at nagpupursiging makapag tapos. Sayo na yan."

Walang kupas tuloy ang aking ngiti hanggang sa huminto ako sa karinderya para bumili ng kare kare. Nakabili narin ako ng balot ni lolo at mga gamot ni nanay.

Huminga ako ng malalim ng mabayaran ko na ang kare kare na 50 pesos. Nang bilangin ko ang natirang pera nasa 80 pesos pa iyon.

"Ale, may bigas po kayo?"

"Mayroon ineng."

"Mayroon pong 40 pesos ang kilo?"

"Mayroon ineng! Magkano ba?"

"Dalawang kilo po."

Umuwi ako sa bahay na masaya dahil may dala akong ulam, may bigas pa!

Dumaan ako ulit sa palayan para malapit sa aming baryo. Medyo mababa na ang araw kaya mas binilisan ko. Kahit na sanay na ako minsan na ginagabi, natatakot parin ako.

Kung may klase kasi, marami kaming umuuwi at nilalakad ang palayan para makauwi, mga kapit bahay lang rin namin. Magkadikit lang kasi ang elementarya at highschool.

Nakita ko sila Jenessa sa ilalim ng kahoy at sumisilong doon. Nakita kong may kasama siyang lalaki at may motor sa gilid. Rinig na rinig ko ang hagikhik niya.

"Oh! Ikaw pala Sol! Yan ang bag mo sa pasukan?"

Napuna pala nito ang bag kong dala. Dahan dahan akong tumango at pinagpatuloy ang paglalakad.

"Ang cheap naman. Ba't kulay blue e babae ka?"

Napahinto ako ulit. "Uh, ayos lang to sakin."

Tumawa ito. "Oh, uwi kana. Baka mapanis yang ulam mong dala. Kawawa kayo at baka wala pang makain."  nang uuyam ang boses nito.

Tumango ako. Nakita ko ang pagmamasid nila sa likod ko.

"Titingnan ko kung may buntot ba talaga sila-Ayy! May dugo ka?!" sapo nito ang dibdib at nandidiri na nakatingin sakin.

Kahit ako kinabahan at itinabon ang bag sa aking likuran. Hindi ako makasagot. May nakita akong dalawang sasakyan na mukhang papatungo rin dito sa palayan kaya nagpagilid ako.

Napasinghap ako ng hawakan ni Jenessa ang braso ko.

"Hoy! Sabi ko may tagos ka! Ambastos mo! Hindi ka nagpasalamat! Mangyan ka nga."

Tumawa ang lalaking kasama niya at lumapit rin sakin.

"Jenessa tama na. Lasing kalang!"

Kinuha ko iyong pagkakataon para tumakbo. Hindi ko na natabunan ang puwet ko dahil sa aking pagtakbo. Sobra ang aking kaba lalo na nang marinig na lasing pala si Jenessa!

Hinihingal ako nang huminto ang siyang paghinto rin ng dalawang magarang sasakyan malapit sa sapa kung saan papasok sa baryo namin.

Natigil ako para titigan iyon nang lumabas doon ang lalaking nagtanong pangalan ko!

Napalunok ako sa sobrang kaba.

"Hey.." aniya sakin na ikinaatras ko. Hiyang hiya ako dahil alam kong nakita niyang may tagos ako!

"P-Po?"

"Soledad ,right?"

Tumango ako.

"Who's that Frost?" may babaeng lumabas sa isang sasakyan.

Nanatili parin ang tingin ni Frosto sakin.

"Oh! Kayo yung sa baryo ng mga mangyan! Goodness, ang ganda mo."

Ngumiti ako yumuko.

"Salamat po." Pasimple kong tinabunan ang aking puwetan ng bag tsaka lumakad palayo. Nang lumingon ako ay nahuli ko ang tingin ng lalaking si Frosto na nasa akin parin.

Nakahawak siya sa labi niya tila nilalaruan niyon at nakahilig sa kanyang sasakyan kahit kinakausap siya ng babaeng kasama niya.

Unang Halik Where stories live. Discover now