KABANATA 7 • Taurean

75 21 7
                                    

•••★•••
Kabanata 7
Taurean

  

ISANG malawak na hardin ang aming dinaanan patungo sa dikit-dikit na mga tirahang gawa sa kahoy at ratan. Sa 'di kalayua'y natanaw ko ang iba pang mga Taurean. Abala sila sa pagtatanim ng kung ano-anong halamang damo na sa tingin ko'y pagkain nila.

Hindi lamang ako gaanong naging komportable, dahil bawat isa sa kanila'y nagtitinginan sa akin. Nakatatakot ang isa, pero mas nakakatakot pa pala kapag mas maraming taong-toro sa paligid mo. Para bang manghang-mangha sila habang pinagmamasdan ako.

Habang ako'y humahakbang, nagtataasan na ang aking mga balahibo dahil ang kanilang nag-iitiman na mga mata ay para bang sinasabing gusto nila akong kainin.

"Kahlo, hindi ba sila nananakit?" bulong ko kay Kahlo.

"Mababait ang mga Taurean, maging ang iba pang lahi na nabibilang sa Sektor ng Lupa," tugon ni Kahlo. "Huwag mo lamang gagalitin ang matatandang Taurean dahil iba na sila kung mag-isip," banta niya.

Hindi gaanong nasisinagan ng araw ang hardin dahil natatakluban ng matatayog na puno ang sinag ng araw. Sa isang malawak na pwesto sa loob nito, napansin ko ang iba pang mga Taurean na abala sa pag-uukit ng mga kahoy na may iba't ibang klaseng imahe na hindi ko mawari kung ano.

Bigla kong naalala si Papa. Mahilig rin siya sa paglililok. "Libangan n'yo ba ang pag-uukit?" aking pag-usisa.

"Trabaho naming mga Taurean ang paglililok. Ginagamit namin ito sa kalakalan. Binibili ang aming mga likha kapalit ng mga pataba para sa halaman, alak at pagkain," tugon niya.

"Wala ba ritong pera?"

"Pera? Ano 'yon?" tanong niya.

"A-h. Sa mundo ng mga tao, 'yon ang ibinabayad sa bagay na ibinebenta," seryoso kong sagot.

"Pagkain?" muli niya tanong.

"Hindi. Gawa siya sa papel, pwedeng gawa sa metal. At kapag may pera ka, p'wedeng mong bilhin ang mga gugustuhin mong bagay. Mas maraming pera, mas marami kang mabibili," paliwanag mo at nakita ko sa kanyang mukha na pinag-isipan niya ang aking tinuran.

Inakala kong ang palasyo ang aming pupuntahan, ngunit, ang daan patungo sa isang malaking kubol ang aming tinahak.

"Saan tayo pupunta?" Tanong ko.

Sagot niya, "Sa lugar kung saan nagpapalipas ng oras ang mga Taurean."

Sabik akong malaman kung anong bagay ang nasa loob ng malawak na kubol na 'yon, kaya't binilisan ko ang aking mga hakbang.

Gawa sa malalaking piraso ng kahoy ang kubol at ang bubong nito ay mga pinagpatong-patong na pinatuyong kugon.

Sa tabi nito ay mayroon ding iba pang mga nakatayong maliit na kabahayan, sa tingin ko'y doon nagpapalipas ng gabi ang mga Taurean.

Sa labas pa lamang ay dinig na dinig ko na ang masasayang sigawan at kantiyawan ng mga nilalang na nasa loob.

Mabilis na binuksan ni Kahlo ang pinto. Unang bumungad sa akin ang matapang na amoy na sa tingin ko'y nagmumula sa alak. Kamuntikan na akong maduwal. Hindi ko tuloy napigilang takpan ang aking ilong.

Eastwood: The World Of ZodiacTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon