Chapter XCVIII

Magsimula sa umpisa
                                    

Nakangiting iminulat ni Finn Doria ang kanyang mga mata at nagulat siya nang makita niya si Dayang pagkamulat na pagkamulat niya ng kanyang mga mata.

Kanina lang ay nagtataka siya kung bakit nagtagal siya sa kadiliman at kung bakit hindi pa siya binubuhay ni Rosei. Pero, ngayong nakita niya si Dayang, nagkaroon na siya ng ideya kung bakit.

‘Marahil nag-usap sila sandali habang wala akong buhay.’ Sa isip ng binata.

Agad na ngumiti si Finn Doria at bumangon sa kanyang hinihigaan. Pinagpagan niya ang alikabok at dumi sa kanyang kasuotan at tumingin kay Dayang.

“Binibining Dayang.” may paggalang na pagbati ni Finn Doria.

Sobra ang pasasalamat ni Finn Doria kay Dayang dahil sa tulong nito sa kanya. Sobrang nananabik siya dahil nakakapagsanay siya ng ganito katindi.

“Nakikita ko na masaya’t nananabik ka sa iyong unang pagkapanalo, Finn. Masaya ako para sa ‘yo,” nakangiting hayag ni Dayang. Tutugon pa sana si Finn Doria pero dinagdagan pa ni Dayang ang kanyang sinasabi. “Ganoon pa man, sobrang nadismaya ako sa iyong pagkapanalo.”

“Sinakripisyo mo ang sarili mong buhay para lamang matalo ang iyong kalaban; hindi iyon magandang hakbang sa realidad ng buhay,” dagdag pa ni Dayang.

Naglaho ang ngiti ni Finn Doria at napalitan ito ng seryosong ekspresyon. Sumulyap siya kay Rosei at nakita niya naman na umiiling ito sa kanya. Napabuntong-hininga na lamang siya at nagsalita, “Alam ko.”

“Kung alam mo, bakit itinuloy mo pa rin ang iyong ginawa? Kung nasa totoong mundo ka, patay ka na ngayon,” malumanay na sambit ni Dayang. Bumuntong-hininga siya at marahang umiling. “Dapat mong malaman na kahit panaginip lamang ang lahat ng ito, dapat mo pa ring isipin na ang lahat ng nangyayari rito ay totoo. Dapat mong isipin na kailangan mong manalo nang buhay, hindi manalo nang patay. Paano mo pa mapagtatagumpayan ang iyong mga hangarin kung patay ka na, Finn?”

“Ang nais ko lang ipabatid sa iyo ay hindi masama ang matalo ka nang matalo, basta buhay ka. Dahil kung natalo ka pero buhay ka, nagkaroon ka ng karanasan na maaari mong magamit sa susunod para manalo ka.”

Nanatiling walang kibo si Finn Doria sa kanyang kinatatayuan. Makikita ang hiya sa kanyang mukha habang pinakikinggan ang mga pangaral ni Dayang.

Huminga ng malalim si Finn Doria at tumungo. “Paumanhin, Binibining Dayang. Naging mainipin ako at nagpadala ako sa bugso ng aking damdamin… nairita lang ako sa ngisi niya kaya ko nagawang magsakripisyo para lamang matalo siya… Nangangako akong hindi ko na uulitin ang bagay na iyon.”

Napailing si Dayang at ngumiti. “Ang iyong rason ay pang isip-bata.”

Huminto si Dayang sa pagsasalita. Sinulyapan niya si Rosei na tahimik bago muling bumaling kay Finn Doria. “Pero nangyari na ang nangyari. Nanalo ka kahit hindi katanggap-tanggap ang iyong pagkapanalo. At dahil nanalo ka, mayroon akong sasabihin sa iyo.”

Biglang naging masigla ang ekspresyon ni Finn Doria. Makikita ang pananabik at umaasang ekspresyon sa kanyang mga mata habang nakatingin kay Dayang.

“Bibigyan mo ba ako ng pabuya, Binibining Dayang?” umaasang tanong ni Finn Doria.

Marahang tumawa si Dayang at matamis na ngumiti. “Mukhang pinahahalagahan mo talaga ang tungkol sa mga pabuya’t kayamanan kahit na hindi ka naman talaga nagkukulang sa mga ito.”

Biglang napakunot ang noo ni Rosei. Tumingin siya kay Dayang at mababakas ang pagtatanong sa kanyang ekspresyon sa mukha. Mayroon siyang gustong itanong sa kanyang master pero ipinagpaliban niya muna ito.

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon