Chapter LXXXVIII

6.8K 881 105
                                    

Chapter LXXXVIII: Going All Out

Halos mabunot ang mga puno sa kagubatan habang ang sina Hugo, kasama ang kanyang manika at Finn Doria ay naglalaban. Umaabot sa halos limang metro ang napakalakas na puwersa kumakawala sa bawat atake ng tatlo. Nilalabanan ni Finn Doria si Hugo at ang manika nito; lamang ang kanyang mga kalaban sa bilang pero hindi siya nagpapatalo.

Nagagawa niyang salagin at atakihin ang dalawa niyang kalaban gamit ang dalawa niyang espada. Mababa rin ang pagkonsumo niya ng enerhiya dahil naghihintay pa siya ng magandang tiyempo para magpakawala ng isang napakalakas na atake.

Malinaw sa kanya na hindi niya mapapatay si Hugo, ganoon pa man, sapat na para sa kanya ang mapuruhan ito upang tuluyan na siyang makatakbo.

Pumalpak man siya kanina, hindi ibig sabihin nito ay susuko na siya. Buhay niya ang nakasalalay sa labang ito kaya ang pagsuko ay hindi pagpipilian.

Habang sinasabayan ang dalawa niyang kalaban, napasimangot si Finn Doria nang maramdaman niyang unti-unti nang nagkakaroon ng mga manonood sa paligid. Nakaramdam siya ng pangamba pero hindi niya inalis ang kanyang atensyon sa kanyang mga kalaban.

‘Kailangan kong magmadali bago pa tuluyang mahuli ang lahat…’ sa isip ni Finn Doria.

Nanlamig ang kanyang ekspresiyon. Pinipigilan niya ngayon ang baston ni Hugo habang sa kanyang tagiliran naman ay mayroong harang na sumasalag sa mga atake ng manika ni Hugo.

Sa kabilang banda, ang mga manonood ay tulala at hindi makapaniwala habang pinanonood ang nagaganap na laban. Nakanganga at nanlalaki ang mata ng ilan sa mga manonood dahil sa matinding gulat.

Ang mga manonood na ito ay ang panauhin kanina sa Luxurious Auction House. Umalis sila sa subastahan at sumunod sila sa dalawa dahil alam nilang mangyayari ang ganitong laban.

At ngayon, sobra silang na-surpresa sa kanilang nasasaksihan.

“Ang misteryosong adventurer na iyon… ang kanyang dalawang espada ay parehong Heaven Armaments!”

“Heaven Armaments! Ang armament na para sa mga diyos!”

“Pero paano…? Sino ang adventurer na iyon..?”

“Hindi na mahalaga kung sino siya! Ang mahalaga rito ay hindi siya malakas gaya ng inaakala natin. Nakikipaglaban siya kay Puppet King Hugo kaya siguradong hindi maganda ang kanyang magiging wakas!”

“Pero.. mayroon siyang dalawang Heaven Armaments! Hindi ko maaaring palampasin ang pagkakataong ito! Kung—”

“Kung malakas ang loob mo, sumingit ka sa kanilang laban. Hindi kita pipigilan, kaibigan. Ganoon pa man, huwag kang magsisisi kung sakaling si Puppet King Hugo mismo ang pumaslang sa ‘yo at sa iyong kinabibilangang angkan. Kilala ko si Puppet King Hugo… at hindi niya gusto ang may nakikialam o nakikisawsaw sa kanyang laban.”

“Pupuntiryahin niya ang angkan mo kapag hindi ka nananatiling tahimik at nanonood.”

Nagkaroon ng diskurso ang mga manonood habang nanonood sa laban. Mababakas ang ganid sa kanilang mga mata habang nakatitig sa dalawang espada ni Finn Doria. Pero, walang nagbabalak na umabante at makisawsaw dahil takot din sila sa kamatayan.

Kung susubukan nilang atakihin si Finn Doria, alam nilang hindi lang si Finn Doria ang aatake sa kanila. Aatakihin din sila ni Hugo dahil sa kanilang pakikisawsaw. Malinaw na ang hangarin nila ay ang mga sandata ni Finn Doria, ganoon pa man, hindi papayag si Hugo na makuha ng iba ang kayamanang kanyang inaari na.

Ang magagawa lang ng mga manonood ay manood at maghintay sa maaaring mangyari. Mahal pa nila ang kanilang buhay, at hindi sila susugal para sa kayamanang hindi naman siguradong mapupunta sa kanila.

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Where stories live. Discover now