Chapter XXIII

7.9K 838 351
                                    

Chapter XXIII: Uninvited Guest

Nagulat ang lahat sa biglaang pag-atake ni Loen. Hindi rin inaasahan ng mga manonood na hindi ito masasalag ni Ashe. Naguluhan sila sa biglaang pagbilis at paglakas ni Loen, ang akala ng lahat ng mga manonood ay pantay lang ang lakas at kapangyarihan nina Ashe at Loen. Gayunman, napagtanto nila na hindi pa nila nakikita ang limitasyon ng lakas ng dalawa. Nagsisimula palang ang dalawa sa kanilang laban dahil simpleng mga atake palang ang pinakakawalan ng dalawa.

Samantala, sa taas, taimtim lang na nanonood si Finn Doria. Nakatingin siya ngayon sa makapal na usok at alikabok na nagtatago kay Ashe.

"Hindi dapat binibigyan ng binibining iyon ng pagkakataon ang aking asawa. Kung mananatili siya sa kanyang pagiging ignorante, mamamatay siya nang hindi niya nalalaman, lalo na kung sigurista ang kanyang makakalaban," biglang komento ni Leonel. Bumaling siya kay Finn Doria at marahang nagsalita, "Ako, at ang aking mag-ina ay mahigit dalawang taon nang nagsasanay. Hindi pangkaraniwan ang aming pagsasanay dahil sobrang dami naming paghihirap na pinagdaanan. Pumili kami ng iba't ibang daan, at ang daan na pinili ng aking asawa na si Loen ay ang daan ng kapangyarihan ng sinulid."

"Ang kanyang 'Art of the Holy Thread' ay isang napakalakas na adventurer art, ito ang kanyang ginawang pundasyon kaya naman hindi ito madaling matatalo ng binibining nagtataglay ng kapangyarihan ng Fire Phoenix," pagpapatuloy pa ni Leonel.

Hindi gaanong naintindihan ni Finn Doria ang sinabi ni Leonel. Tatanungin pa sana niya ito ngunit hindi niya na nagawa dahil nagsisimula na muli sina Ashe at Loen sa paglalaban. At sa ngayon, gamit-gamit na ni Ashe ang kanyang pambihirang espada.

Samantala, habang nanonood si Finn Doria, napatingin si Munting Black sa kanilang kaliwa. Mapapansing makahulugan siyang napangiti dahil mayroon siyang naramdaman papalapit na aura. Hindi ito naramdaman nina Eon at Leonel, at hindi rin siya nag-abala na abisuhan ang dalawa sa pagdating ng hindi imbitadong bisita.

--

Nagpapatuloy ang laban sa pagitan nina Ashe at Loen. Kasalukuyang hawak ni Ashe ang espadang ibinigay sa kanya ni Sierra, kasalukuyan niya itong ginagamit upang putulin ang mga sinulid na humaharang sa kanyang daanan.

Umaabante si Ashe at pinuputol ang mga sinulid habang si Loen naman ay kalmadong umaatras habang nagpapakawala ng mga sinulid. Para lang niyang pinaglalaruan si Ashe sa kanyang ginagawa. At hindi na naman nakapagtataka ang ganitong sitwasyon dahil si Ashe ay kulang na kulang pa rin sa karanasan.

Ilang saglit pang pag-atras, napagtanto ni Loen na naipit na siya ni Ashe. Gayunman, hindi siya kinabahan. Nanatili lang siyang kalmado at agad na pinakawalan ang mga sinulid mula sa kanyang dalawang kamay. Kinontrol niya ito at hinablot ang katawan ng dalaga. At nang mahablot niya ang katawan ng dalaga gamit ang kanyang mga sinulid, paulit-ulit niya itong ibinalibag.

BANG! BANG! BANG!

Napuno ng makapal na alikabok ang bahaging iyon ng koloseo. Nagpatuloy ang mahihinang pagsabog at ilang sandali pa, tumindi ang enerhiya ni Ashe at ang kanyang aura ay unti-unting tumataas.

"Hm? Masyadong matigas ang iyong ulo, binibini," nakangiting sambit ni Loen.

Lumitaw sa harapan ni Loen ang nagliliwanag na pigura ni Ashe. Nakahanda nang iwasiwas ang kanyang nagliliyab na espada.

SWOOSH! SWOOSH! SWOOSH!

Habang si Ashe ay walang hinto sa kanyang pagwasiwas, si Loen naman ay paatras na tumatalon-talon at umiilag. Bumuo si Loen ng latigong yari sa sinulid. Sinabayan niya ang mga atake ni Ashe kaya naman tunog ng bakal na nagbabanggaan ang nangibabaw na ingay sa koloseo.

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Where stories live. Discover now