Chapter LV

7.5K 919 128
                                    

Chapter LV: The assessment in Blacksmith Guild(2)

Pinagmasdan ni Finn Doria ang buong silid. Hindi maliwanag sa silid pero hindi rin naman sobrang dilim. Kumpleto ang mga kagamitan na kinakailangan niya para makabuo ng armament; may palihan, pugon, martilyo, sipit, lamesa at malaking drum na may tubig. Hindi man perpekto ang silid at mga kagamitan, tamang-tama lang ang mga ito para maisagawa niya nang maayos ang pagtatasa.

Kailangan niya lang namang bumuo ng Rare Armament, at kahit nakapikit pa siya, kaya niya iyong buuin sa loob lamang nang wala pang isang oras.

Pero siyempre, hindi niya sasayangin ang pagkakataon na ito dahil may binabalak siyang mas maganda.

Tumingin si Finn Doria sa pader. Alam niyang pinapanood siya ngayon ng Blacksmith itinalaga ng matandang tagapamahala upang magbantay sa kanya. Wala siyang problema rito. Pagtatasa ito kaya kailangan talaga may manonood sa kanyang gagawin.

Ibinaling ni Finn Doria ang kanyang atensyon sa lamesa sa kanyang gilid. Agad niyang inilabas ang mga kakailanganin niyang materyales upang makabuo ng armament. Humanay ito ng maayos na naaayon rin sa kagustuhan ng binata. Mayroong bakal, balat ng isang Heaven Rank na Vicious Beast at kung ano-ano pang materyales.

Hinawakan ni Finn Doria ang maliit na tipak ng kulay-itim na bakal. Binanat niya ang bakal at nagmistulan itong goma dahil madali itong nauunat.

“Magandang kalidad ng Black Rubber Steel… tamang-tama lang para gumawa ng isang magaan pero kalidad na baluti,” nananabik na sambit ni Finn Doria. “Ito ang pinaka kailangan ko ngayon, ang proteksyon.”

Samantala, habang si Finn Doria ay abala sa pagsusuri sa mga materyales na binili niya, may apat na seryosong pares ng mga mata ang ang nanonood sa kanyang kilos. Ang apat na ito ay walang iba kung hindi sina Hina, Hector, ang matandang tagapamahala at ang nagbabantay sa pagtatasa ni Finn Doria.

Kumunot ang noo ng matandang tagapamahala. Nagsalubong ang kanyang kilay at marahan siyang napabulong, “Bakit hindi pa nagsisimula ang binatilyong iyan? Halatang hindi siya handa sa pagtatasang ito.”

“Bumili pa siya ng mga mamahaling materyales pero mukhang masasayang lang ang lahat ng ito,” nakasimangot na sambit ng matandang tagapamahala.

Nagkibit-balikat si Hina at bahagyang ngumiti, “Manager, baka naman sinusuri niya pa ang mga materyales na binili niya. Hindi ba’t gano’n naman ang lahat ng Blacksmith bago magsimulang gumawa ng armament?”

“May punto ka. Pero dapat ay handa na siya bago magpunta rito. Sasalang siya sa pagtatasa pero kulang-kulang ang dala niyang mga materyales. Halatang hindi siya seryoso sa propesyong ito,” hayag ng tagapamahala. “Nakakadismaya. Inakala kong makakakita ako ng kahanga-hangang pangyayari dahil sa kanyang mga biniling materyales pero mukhang pakitang-gilas lang pala talaga ito.”

Tumalikod ang matandang tagapamahala at dismayadong nagsalita, “May lima pang sumasalang sa pagtatasa. Sana lang ay mayroong kahit isa sa kanilang lima na maaari kong makitaan ng potensyal sa pagpapanday.”

Ngumiti si Hector kay Hina pero hindi siya pinansin ng babae. Kasalukuyang nakatitig pa si Hina sa likuran ng tagapamahala. Hindi siya nagsasalita pero makikita ang pagka-dismaya sa kanyang mga mata.

Nang makitang hindi siya pinapansin ni Hina, suminghal si Hector at tumalikod na rin. Sumunod siya sa tagapamahala at tahimik na bumuntot dito.

Naiwan si Hina sa tapat ng silid na kinaroroonan ni Finn Doria. Seryoso siyang nakatingin sa binata na para bang may malalim na iniisip.

‘Kalmado lang ang binatang ito. Mayroong kakaiba sa kanya pero hindi ko talaga masabi kung ano..’ sa isip ni Hina.

Bumaling si Hina sa nagbabantay at bahagyang ngumiti, “Maaari ba akong manatili rito’t manood, Grandmaster Evans?”

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Tempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang