Chapter LXXXII

7.8K 898 68
                                    

Chapter LXXXII: Luxurious Auction House

“Bangkay ng isang diyos?” ulit na tanong ni Finn Doria habang kunot-noong nakatingin kay Arques. Hindi niya alam ang kanyang magiging reaksyon sa sinabi ng matanda. May bahagi sa kanya na masaya habang mayroon namang naghihinala. Hindi siya naniniwalang isang diyos ang tinutukoy ni Arques, gayunpaman, hindi niya rin mapigilan ang mapa-isip kung ano ang basehan nila para masabi nilang isa iyong bangkay ng diyos.

Pinag-aralan ni Arques ang reaksyon sa mga mata ni Finn Doria. Mayroon siyang napansing kakaiba sa mga mata nito kaya medyo napakunot ang kanyang noo. Nakuha nito ang kanyang interes kaya hindi niya napigilan ang kanyang sarili.

“Interesante,” nakangiting hayag ng matanda. “Kahit na hindi nakapagtataka ang nag-aalinlangang ekspresyon sa iyong mga mata, napansin ko rin namang mayroong kakaiba sa ‘yo.”

“Hindi ka man lamang ba nagulat nang malaman mong ang tungkol sa aking sasabihin ay may kaugnayan sa mga diyos?” namamanghang tanong ni Arques. Bahagya siyang umiling at marahang nagpatuloy, “Para sa isang Grandmaster Blacksmith na kagaya mo, ito ay medyo hindi pangkaraniwan.”

Nang marinig ito ni Finn Doria, itinuon niya nalang ang kanyang atensyon kay Arques. Hindi nawala ang pag-aalinlangan sa kanyang mga mata. Nag-aalinlangan pa rin siya kung may katotohanan ba ang sinasabi ng matandang kawani.

‘Maaari kayang may natagpuang bangkay ng isang diyos sa kontinenteng ito? Kung gano’n nga… paano iyon napunta rito?’ sa isip ni Finn Doria.

Hindi niya ito agad na itinanong. Ipinikit niya lang sandali ang kanyang mga mata bago muling kausapin si Arques.

“Marahil interesado ako sa bangkay ng isang ‘diyos’. Pero, paano iyon ma-i-uugnay sa aking hinahanap? Ang hinahanap ko ay pisikal na bangkay na ipinagbebenta; hindi teorya o walang basehang balita na kumalat lamang,” mahinahong tugon ni Finn Doria.

Umiling si Arques at malapad na ngumiti. “Pero ang sinasabi ko ay isang lehitimong impormasyon. Mapagkakatiwalaan ang aming Adventurers Guild at kailanman ay hindi namin dinadaya ang aming mga kliyente.”

Sandaling huminto si Arquest sa pagsasalita bago muling nagwika, “Akala ko ay nagkukunwari ka lamang pero hindi ako makapaniwalang wala ka ngang alam tungkol sa pribadong balita na kumakalat sa bawat sulok ng imperyo. Mukhang abala ka talaga sa iyong buhay,  Ginoong Finn Doria.”

“Sabihin mo nalang sa akin ang tungkol sa impormasyong binayaran ko,” malamig na sambit ni Finn Doria.

Masyado nang nagpapaligoy-ligoy si Arques, at hindi naman ito ang kailangan ngayon ni Finn Doria. Hindi na siya makapaghintay na makahanap ng angkop na sandata upang makatulong sa kanya. Kailangan niya ng malakas na 9th Level Heaven Rank na puppet para magkaroon siya ng proteksyon man lamang laban sa malalakas na kalaban.

Marahang tumawa si Arques, at nang huminto siya, muli siyang mapaglarong nagsalita, “Tatlong buwan na ang nakararaan nang magpakalat ng balita ang Red Dragon Family. Magsasagawa sila ng engrandeng pagsusubasta ng mga pambihirang kayamanan. Ipapasaksi muli nila ang kanilang impluwensya sa pamamagitan ng pagbubukas muli ng pangunahing sangay ng Luxurious Auction House sa buong imperyo.”

“Ginoong Finn Doria, hindi ko na detalyadong ipaliliwanag ang tungkol sa pangunahing sangay ng Luxurious Auction House. Ito ang pinaka malaki at pinaka tanyag na subastahan sa buong imperyo. Sa bawat sangay ng Luxurious Auction House nagmumula ang lakas, kayamanan at impluwensya ng Red Dragon Family. At halos lahat ng pambihirang kayamanan ay matatagpuan dito,” paliwanag ni Arques.

Bigla na lang nagkaroon ng interes si Finn Doria sa mga salitang binibitawan ni Arques. Bigla siyang nagkaroon ng ideya kung ano ang patutunguhan ng paliwanag na ito kaya naman nanabik siya sa loob-loob niya.

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Where stories live. Discover now