Chapter LXXII

7.6K 890 85
                                    

Chapter LXXII: Captured

Naglalagablab ang apoy sa mga sulong nakasabit sa magaspang at mamasa-masang dingding ng kuweba. Nagbibigay ang mga sulong ito ng kaunting liwanag sa madilim na paligid habang ang mga minerong nakasuot ng mala-basahang kasuotan ay walang tigil na inihahampas ang kanilang hawak na piko sa matibay na bato.

TING! TING! TING!

Bukod sa mga minero, mayroon ding tatlong lalaking may matitipunong pangangatawan. Ang kamay, buntot at tenga ng mga ito ay maihahalintulad sa isang kulay pilak na tigre.

Ang tatlong ito ay kabilang sa lahi ng beastman, sa Silver Tiger Tribe. Bawat isa sa kanila ay may hawak na latigo sa kanilang kamay. Matalim ang tingin nila sa mga minero at hindi nila inaalis ang kanilang tingin dito.

Ang pinaka malakas sa tatlo ay nasa 2nd Level Heaven Rank habang ang dalawa naman ay may antas at ranggo na 1st Level Heaven Rank. Sila ang naatasan na magbantay sa mga taong adventurer na mayroong ranggo na Sky Rank hanggang mababang antas ng Legend Rank.

At sa grupong ito ng mga minero kabilang si Finn Doria.

Gaya ng halos isang dosenang minero sa kanyang paligid, walang tigil din siya sa paghampas at paghukay sa mga bato gamit ang ibinigay sa kanilang low-tier Common Armament na piko.

‘Hindi ko inaasahang makakagamit pa ako ng Commont Armament… Isang malaking pasasalamat kay Ursur at sa kanyang kapangyarihan… sa harap pa talaga ako ng hari ng mga beastmen lumitaw,’ dismayadong sabi ng binata sa kanyang sa isipan.

Hindi niya mapigilan na makaramdam ng matinding pagkadismaya. Pakiramdam niya ay nadaya siya at hindi patas sa kanya ang nangyari. Sa dinami-rami kasi ng puwedeng pagdalhan sa kanya ng lagusan, napunta pa siya sa harap ng hari na protektado ng mga kawal.

Hindi niya alam kung pinaglalaruan siya ni Ursur o ng tadhana. Marahil ng tadhana dahil gaya nga ng sabi ni Ursur sa kanya, hindi niya kontrolado ang kanyang kapangyarihan.

At ngayon nga, sa isang iglap lang, naging alipin siya. Ipinadampot siya ng hari ng mga beastman at inihanay sa mga minerong nagmimina ng mineral sa ilalim ng isang malaking bundok.

‘Mas mabuti na ito kaysa patayin nila ako… mas mabuti pang maging alipin kaysa mamatay nang walang kalaban-laban,’ sa isip pa ng binata. ‘Pero paano ako makakaalis dito at makapupunta sa White Lion Tribe..?’

Nangongolekta sila ngayon ng kristal na tinatawag na adamantine crystal. Isa itong mineral na ginagamit bilang materyales sa maraming uri ng baluti, sandata at iba pa. Mataas ang kalidad nito dahil hindi ito madaling natutunaw sa pangkaraniwang apoy lamang. Kailangan ng mataas na kalidad ng pugon para ma-iproseso ang ganitong uri ng materyales.

Sa kasalukuyan, nakakolekta na si Finn Doria ng maliliit na bahagi ng kristal. Pero, wala naman siyang balak na maging minero nalang habang-buhay.

Nakumpiska lahat ng gamit ni Finn Doria. Ang kanyang mga pag-aaring interspatial rings ay kinuha mula sa kanya. Nakasuot nalang din siya ngayon ng karaniwang damit, pantalon at bota. At wala siyang proteksyon sa kanyang sarili.

Kahit na nakuha ng mga beastmen ang kanyang mga interspatial rings, hindi nag-aalala si Finn Doria. May komplikadong formation na inilagay rito ang binata, at ‘walang’ sinuman sa mundong ito, maliban sa kanya ang makagagamit ng interspatial rings. Hindi nila makikita ang Heaven Rank Armaments niya kaya kalmado pa rin siya.

Hinihiling niya nalang na sana ay makita ng hari ng mga beastmen ang medalyong ibinigay sa kanya ni Crypt. Nakatago lang iyon sa kanyang bulsa, at umaasa siyang magiging pamilyar ang hari ng mga beastmen sa medalyong ibinigay ni Crypt.

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Where stories live. Discover now