Chapter XXXI

9.4K 1.1K 183
                                    

Chapter XXXI: Mysterious 'Him'

Mas lalong naalerto si Munting Black nang marinig niyang binanggit ng lalaki ang kanyang totoong pangalan. Mas tumindi ang kanyang aura at mas naging marahas ang tingin niya rito. Kakaunting nilalang lang sa buong kalawakan ang nakakaalam sa kanyang anyong ito. At sa totoo lang, mabibilang lang sa kamay ng isang tao kung gaano karami ang mga nakakaalam sa ganito niyang anyo.

Hindi pa kailanman nakikita ni Munting Black ang lalaking ito, nabuhay na siya ng daan-daang libong taon at malinaw pa ang kanyang memorya. Estranghero ang postura nito para sa kanya. Hindi rin maramdaman ni Munting Black ang aura ng lalaki, pero nararamdaman niya naman ang presensya nito.

Sa ngayon, ang lalaki ay parang ordinaryong tao lamang, walang aura o kahit anong enerhiya sa katawan.

Nakaramdam si Munting Black ng panganib mula sa lalaki, panganib na ngayon niya lang naramdaman simula nang mapunta siya sa planetang Accra. Pero ang panganib na ito ay hindi dahil naglalabas ng aura ang lalaki para takutin siya kung hindi dahil sa panganib na maaaring mangyari sa oras na makita ng lalaking ito ang mga kayamanan at apat pang Divine Artifacts na nasa loob ng Myriad World Mirror na isa ring Divine Artifact.

Hindi rin maintindihan ni Munting Black kung paanong nakarating dito ang lalaking nakasuot ng puting maskara. Tanging si Finn Doria lang ang makakapagbukas ng lagusan at kahit siya, sa kasalukuyan niyang lakas ay hindi niya kayang puwersahang buksan ang lagusan palabas at papasok ng Myriad World Mirror.

Matalim na tiningnan ni Munting Black ang lalaki at marahas na nagsalita, "Kung kilala mo ako, naroroon ka sa panahon kung kailan naganap ang pandaigdigang digmaan. Pero kahit na naroroon ka...imposibleng makilala mo ako sa anyong ito!"

"Pandaigdigang digmaan?" ulit na tanong ng lalaki.

Dahan-dahan niyang inalis ang suot niyang puting maskara at doon, tumambad ang kanyang karaniwang hitsura. Ang tanging kaakit-akit lang sa lalaki ay ang kanyang pares ng ginintuang mga mata. Ang kanyang magulong itim na buhok ay hindi gano'n kaganda tingnan at ang kanyang mukha ay mayroong manipis na balbas at bigote.

Naglaho na rin ang lagusan sa likuran ng lalaki. Tanging silang dalawa nalang ni Munting Black ang magkaharap doon. Pinakikiramdaman pa ni Munting Black ang lalaki, habang ang lalaki naman ay kalmado lang.

Ngumiti ang lalaki kay Munting Black at marahang nagsalita, "Isa lang akong ordinaryong tao...paano ako mahahanay sa mga malalakas na adventurer na nakilahok sa pandaigdigang digmaan daan-libong taon na ang nakararaan?"

Hindi pinansin ni Munting Black ang sinabi ng lalaki. Nakatitig siya ngayon sa mga mata ng lalaki at isang salita ang agad na naibulalas niya, "Ang iyong mga mata..."

Napabaling si Munting Black sa puting maskara na hawak ng lalaki. Pinagtagpi-tagpi niya ang lahat ng gumugulo sa kanyang isip at lahat ng sinabi sa kanya ni Migassa. Napahinga ng malalim si Munting Black at malakas na humalakhak.

"HA HA HA HA! Naiintindihan ko na... naiintindihan ko na..." sambit ni Munting Black. Matalim siyang tumingin sa lalaki at marahas na nagsalita, "Ikaw ang nagbigay ng kakaibang sumpa sa anak ng kasalukuyang Divine Beast King. Ikaw ang nagkulong sa kanya sa maliit na mundong ito."

Nakaramdam ng kawalan ng pag-asa si Munting Black. Sa pagkakataong ito, isa lang ang tumatakbo sa kanyang isip. Malapit na ngayon ang pinaka kinatatakutan niyang mangyari, at dahil mahina pa siya, siya, si Migassa, si Finn Doria at ang lahat ng nasa mundong ito ay nasa panganib.

Inalis nila si Migassa sa kanyang kulungan, at ngayon, malaki ang posibilidad na magalit ang nagkulong sa kanya, na walang iba kung hindi ang lalaking nasa harap niya ngayon.

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Where stories live. Discover now