Chapter XXXVII

9.3K 933 141
                                    

Chapter XXXVII: Sparring

Dinala ni Zed si Finn Doria sa isang malawak at maliwanag na silid. Napakalawak ng silid na ito at maliban sa ilang kagamitan at pintuan, wala nang makikita pa rito. Dahil sa paninibago, hindi napigilan ni Finn Doria na lumingon-lingon at magmasid sa paligid. Pinag-aaralan niya ang silid na para bang sinusuri niya ang mga materyales dito.

'Napakalawak na silid at napakarami pang silid sa «Raven»... mayroon din si Kurt na ganito pero...' sa isip ni Finn Doria. Napailing nalang siya at napabuntong-hininga.

Naaalala ng binata ang Airship na isa sa Divine Artifact. Isa iyong barkong maaaring gamitin sa karagatan o himpapawid. Isa 'yung kahanga-hangang sasakyan. Ang problema lamang ay hindi niya ito maaaring gamitin, at wala ring balak si Munting Black na ipagamit ito sa kanya.

Umiling si Finn Doria. Itinuon nalang ng binata ang kanyang atensyon sa kinaroroonan nilang dalawa ni Zed. Ang lugar na ito ang sinasabi ni Zed na silid pagsasanay. Dahil malawak ang silid, angkop lang ito para sa mga adventurers na nais magsanay.

"Ano sa tingin mo?" naglakad si Zed papunta sa harap ni Finn Doria. Inilahad niya ang pareho niyang kamay at nakangiting nagpatuloy, "Tamang-tama lang ang silid na ito sa pagsasanay, hindi ba?"

Lumakad-lakad si Zed habang nagmamalaking pinagmamasdan ang paligid. Habang naglalakad, nagpatuloy siya sa kanyang pagsasalita, "Malawak, mataas at matibay ang pagkakagawa. Ang mga dingding at kisame ay maihahalintulad sa tatag ng isang Epic Armament, kahit Heaven Rank ay hindi madaling mapipinsala ang lugar na ito."

"Higit pa roon, kahit pa magkaroon ng mga pagsabog sa loob ng silid na ito, hindi 'yun maririnig ng mga nasa labas. Maaari tayong magsanay o maglaban sa lugar nang walang inaalalang kahit ano," nakangiting pagpapaliwanag ni Zed. "Hindi man ito maikukumpara sa koloseo ng inyong Craftsman Alliance, hindi na rin ito masama, hindi ba?"

Napatango nalang si Finn Doria habang nakikinig. Naniniwala siya sa sinabi ni Zed. Isang tingin pa lang, alam niya nang hindi pangkaraniwang materyales ang mga ginamit sa pagbuo ng barkong ito.

Tumingin si Finn Doria kay Zed at nagsalita, "Talagang mayaman ang Dark Crow. Isang napakagandang tahanan ang inyong «Raven»."

Nang marinig ito ni Zed, bahagya siyang napahalakhak at napakamot sa tungki ng kanyang ilong. Mayroon siyang naalalang kakatuwang pangyayari kaya hindi niya mapigilan na mapahalakhak habang binabalikan ang mga iyon.

"Sa totoo lang, ninakaw lang namin ang «Raven» sa isang napakayamang imperyo... ang «Raven» ang ginamit namin upang makaalis sa Dark Continent. Pero s'yempre, marami pa kaming isinakripisyo upang makaalis sa lugar na iyon, lalong lalo na sina kapitan," sabi pa ni Zed. Napailing nalang ang binata at ngumiti.

"Mayroong umiiral na mga imperyo sa Dark Continent..?" naitanong nalang ni Finn Doria.

Ang imperyo ay isang napakalaking teritoryo na binubuo ng maraming kaharian. Pinamamahalaan ito ng isang emperador at ang lahat ng hari, duke at iba pang maharlika ay sumusunod sa kanya.

Ang bawat salita ng emperador ay batas, at sinumang hindi rumespeto o sumunod sa emperador ay mamamatay.

Sa Ancestral Continent, sa hindi mabilang na taon na nitong pag-iral, hindi kailanman nagkaroon ng imperyo.

Maraming hari na ang nagbalak na manakop at magpalawak ng teritoryo. Marami nang nagtangka na maging isang emperador at bumuo ng imperyo pero lahat sila ay hindi nagtagumpay.

At ang dahilan? Walang iba kung hindi dahil sa pakikialam ng Ancestral Family at Adventurers Guild.

Hindi hahayaan ng dalawang puwersa na mayroong isa pang puwersa ang tumapat at lumaban sa kanila. Isa itong kaalaman na karaniwan na sa mga lider ng bawat kaharian.

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon