Chapter XXX

9.8K 1.1K 163
                                    

Chapter XXX: The Challenge

Sa kasalukuyan, magkaharap sina Finn Doria at Munting Black. Nagtititigan ang dalawa at kung makahulugan ang tingin ng munting nilalang sa binata, ang tingin naman ng binata sa munting nilalang ay naguguluhan.

Sa kasalukuyan, nasa loob na silang dalawa ng Myriad World Mirror. Pinakiusapan muna ni Finn Doria ang tatlo nina Eon na ipaalam sa kanyang magulang na mayroon pa siyang mahalagang aasikasuhin.

At s'yempre, ang mahalagang tinutukoy ng binata ay ang tungkol sa iaalok ni Munting Black na tulong sa kanyang magiging pagsasanay. Sa pagkakataong ito, bukod sa proteksyon ng kanyang pamilya, ang pinaka prayoridad na ng binata ay ang pagsasanay.

Wala na siyang oras na magpasarap, wala na siyang oras na umasa nalang sa iba para lumaban para sa kanya.

"Sabihin mo na agad sa akin kung mayroon kang masamang binabalak para handa ako," sabi ni Finn Doria. Umupo siya sa makapal na damuhan at ngayon, kapantay niya na si Munting Black.

"Sa totoo lang, hindi ako naniniwala na malinis ang intensyon mo kaya sabihin mo na agad kung gusto mo akong mamatay para matanggihan ko na agad ang iyong alok."

Direkta itong sinabi ni Finn Doria kay Munting Black nang hindi kumukurap. Sa kaunting panahon niyang kakilala ang mapanghamak na munting nilalang, sigurado na ang binata na mayroon itong binabalak na kakaiba, ito ang sa tingin niya.

"HA HA HA. Isa ka talagang hangal, Finn Silva," nakangising sabi ni Munting Black. "Talaga bang wala kang tiwala sa akin? Marahil naging marahas ako sa 'yo, gayunman, kasalanan mo ang lahat ng iyon dahil sa iyong walang kwentang pananaw sa buhay."

Napakuyom ang kamao ni Finn Doria. Nawala na ang kalmado niyang ekspresyon. Matalim niyang tinitigan si Munting Black. Gusto niya sanang makipagtalo rito pero pinilit niyang kainin ang kanyang mga sasabihin. Huminahon si Finn Doria at bahagyang ngumiti.

"Kung hindi ako nagkakamali, parang ito ang unang beses na tinawag mo ako sa aking pangalan," sabi ni Finn Doria. "Pero mas gusto kong tawagin mo ako sa pangalan kong Finn Doria, hindi Finn Silva."

"Tatawagin kita sa kung anong gusto kong itawag sa 'yo, hangal," nanghahamak na sabi ni Munting Black.

Nang marinig ni Finn Doria ang sinabi ni Munting Black, napagtanto niyang pamilyar ito. At imbis na mainis, mahinang napahalakhak pa ang binata sa ganting pahayag sa kanya ng munting nilalang.

Ganito rin ang kanyang sinabi kay Munting Black noon. Ayaw ng munting nilalang na tawagin siya ng binata na Munting Black pero ayaw ring magpapigil ng binata kaya wala nang nagawa si Munting Black kung hindi tanggapin ang pangalang ito.

"Kung noon pa man, noong inalok kita na magsanay at kung tinanggap mo, sana ay hindi na tayo umabot pa sa ganito. Sana ay natulungan kita na mapanatili pansamantala ang iyong munting kasintahan sa mundong ito," nanghahanak na pagpapatuloy ni Munting Black. "Pero dahil isa kang hangal, tinanggihan mo ang pagmamagandang loob ko."

Tapos na ang lahat. Gayunman, hindi pa tapos si Munting Black sa pagpapamukha sa binaga kung gaano ito ka-hangal noon.

"Kung sinabi mo iyon nang walang sobrang panghahamak noon, marahil pinag-isipan ko pa ang alok na iyong sinasabi," ganting tugon ni Finn Doria. "Pero inaamin ko ngayon na nagsisisi ako, at gusto ko nang itama ang lahat ng ito kaya naman kung may iaalok ka, sabihin mo na at h'wag na tayong magsayang pa ng oras dahil may mga naghihintay pa sa akin sa labas."

"Masyado kang nagmamadali, hangal. Marami ka pang tatahaking panganib at marami ka pang dapat na malaman bago ka sumabak sa isang delikadong pakikipagsapalaran," makahulugang sambit ni Munting Black. "Una, ipapamukha ko muna sa 'yo kung gaano ka kahina at kung gaano kalayo ang aabutin mo bago mo 'higitan' ang lahat."

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon