Pumadyak si Finn Doria sa lupa. Makikita ang nag-aapoy na determinasiyon sa kanyang mga mata. Tumingala siya sa mga dahon at nagtagal siya sa ganoong posisyon nang halos isang minuto. Pagkatapos ng isang minuto, natauhan siya at nagulat dahil hindi niya magawang makalutang.

Hindi gumagalaw ang kanyang katawan! Nanatili lang siyang nakatayo habang nakatingala. Nakakailang ang kanyang posisyon at nang mapagtanto niya ito, napatingin siya sa kanyang mga palad.

Kumunot ang kanyang noo. Sumimangot siya lalo at nagtaka habang pinagmamasdan ang kanyang mga palad, “Bakit hindi ko magamit ang flying technique..?”

“Paano itong nangyari..?” hindi makapaniwalang tanong ng binata sa kanyang sarili.

Sinubukan niya ng ilang beses pero kahit anong gawin niya, hindi siya makalipad. Nananatiling nakatapak ang kanyang paa sa lupa at talaga namang kanya itong ipinagtataka.

“Epekto ba ito ng mga natamo kong pinsala..? Pero, magaling na ako, hindi ba?!”

Para bang baliw si Finn Doria habang bulong siya nang bulong sa kanyang sarili. Ginulo niya ang kanyang buhok dahil wala siyang maisip na dahilan kung bakit hindi siya makalipad o makalutang sa ere.

“Kung hindi ako makakalipad, tatalunin ko na lang ang mga dahon!” determinadong sambit ng binata.

Agad na bumwelo si Finn Doria. Humakbang siya pauna at buong pagsisikap na tumalon. Malapad na ngumiti ang binata. Maaabot niya na ang dahon pero bago pa niya ito mahawakan nang tuluyan, naubusan na siya ng puwersa.

BAM!

Bumagsak siya sa lupa at lumagapak ang kanyang puwetan. Halos hindi maipinta ang mukha ni Finn Doria, ramdam na ramdam niya ang tigas ng lupa at pakiramdam niya ay nabali ang mga buto niya sa kanyang puwetan.

Dahan-dahang tumayo ang binata. Ininda niya ang sakit na dulot ng pagkakalagapak niya sa lupa. Pinilit niyang tumayo kahit na medyo nanginginig pa ang kanyang mga binti at tuhod.

“Hindi naman mataas iyon… pero bakit hindi ako umabot..?” nagtatakang tanong ni Finn Doria. “Marahil kulang lang ako sa puwersa. Tama, marahil ito na nga ang dahilan. Para makasigurado, gagamit na ako ngayon ng enerhiya.”

“Tingnan lang natin kung hindi ko pa maaabot ang mga dahon na iyan,” nakangising hayag ng binata habang itinutuon ang kanyang atensyon sa mga dahon.

Napalibutan ng berdeng enerhiya ang buong katawan ni Finn Doria. May malakas na hangin ang pumalibot sa kanya na sumasabay sa enerhiya. At kahit na malakas ang hangin, hindi naman nito naapektuhan ang mga damo, halaman o puno sa paligid ng binata.

Umatras si Finn Doria ng ilang metro. Bumwelo siyang muli at mabilis na tumakbo bago tuluyang tumalon. Muli siyang napangiti nang maabot niya na ang dahon pero natigilan siya nang mapagtanto niyang hindi siya aabot.

BAM!

Muling bumagsak si Finn Doria sa lupa, at sa pagkakataong ito, mas masaklap dahil una ang kanyang mukha. Tumama ang kanyang mukha sa napakatigas na lupa at kahit na isa na siyang ganap na Legend Rank, nagtamo pa rin siya ng pinsala.

Dumugo ang kanyang ilong. Nagkaroon ng maraming galos ang kanyang pisngi habang may tumutulo namang dugo sa kanyang noo.

Hilong-hilo na sinuportahan ni Finn Doria ang kanyang sarili upang makatayo. Naduduling siya at hindi niya maituon ang kanyang atensyon dahil pakiramdam niya ay umiikot ang kanyang paligid.

Marahas siyang umiling at kumurap-kurap. Hinimas niya ang kanyang sintido at pilit na kumalma.

‘Ano’ng nangyayari…? Naging normal na tao na lang ba ako? Bakit pakiramdam ko ay nawala ang lahat ng lakas at kapangyarihan ko..?’ naguguluhang tanong ni Finn Doria sa kanyang isipan.

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Where stories live. Discover now