KABANATA 42 • Maitim Na Plano

Start from the beginning
                                    

Hindi ko siya magawang labanan. Ayoko siyang masaktan, dahil pa man napasasailalim siya sa itim na salamangka, siya pa rin ang aking ama.

Sa isang punto, napahilata na ako sa sahig ngunit hindi pa rin niya ako tinantanan. Dinambahan niya ang aking katawan, ngunit sa pagkakataong ito ay pinigilan ko na ang kanyang mga kamao sa muling pagdampi sa aking pisngi. Hinawakan nang mahigpit na mahigpit ang kanyang braso ngunit hindi ko pa rin magawang siya ay saktan. Ang tangi ko na lamang nagawa ay umiyak habang siya'y kinukumbinsi kahit pa alam kong imposibleng maintindihan niya ako.

"Papa! Papa! Ako 'to. Ako 'to si Evan na kaisa-isa ninyong anak. Naririnig n'yo ba ako? Mahal na mahal ko kayo at alam kong gano'n din kayo sa akin. Alam kong hindi-hindi n'yo gugustuhing mangyari ito sa akin dahil nilason lamang ni Vyen ang inyong isipan. Gumising ka Papa! Gumising ka!"

"Hangal! Hindi ka niya maririnig, dahil ako lamang ang pinakikinggan niya!" pagsingit ni Vyen na nagawa nang makatayo mula sa kanyang kinauupuan. "Bihara lamang ang ganitong klaseng tagpo, isang ama ang papatay sa sarili niyang anak. Hindi na ako makapaghintay pa. Ellmir, paslangin mo na siya!"

Hindi ko pinagtuunan ng pansin ang mga sinabi ng haring huwad, bagkus ay itinuon ko ang atensyon ko sa aking ama.

Ilang segundo ang lumipas, nagkaroon ako ng tiyansang mahawakan ang pisngi ni Papa. Sa ganitong sitwasyon, isang bagay na lamang ang naiisip kong paraan upang manumbalik sa tamang estado ang isipan niya, at ito ay ang kakayahan ng mga Piscean na manlinlang gamit ang mga kakatwang bagay. Ngunit sa puntong ito'y hindi kakatwang mga bagay ang ipapasok ko sa isipan ng aking ama, kundi ang masasayang alaala naming dalawa. Ito ang natatanging paraan na nakikita ko upang muli niya akong maalala.

Isa-isa kong ipinakita sa kanya ang masasayang alaala habang kami ay magkasama. Kagaya ng mga pagkakataong pumupunta kami sa kagubatan ng Wildcoast upang manghuli ng mga kuneho. Dahil sa daming pinagkakaabalahan ni Papa noon, tanging ang pagtungo lamang sa kagubatan ang madalas naming nagiging oras sa isa't isa. Ngunit may mga pagkakataon rin noong bata pa ako na ako'y kinukuwentuhan niya bago ako matulog tuwing gabi. Ipinaalala ko rin sa kanya ang mga pagkakataong hinahatid-sundo niya ako sa eskwela, at marami pang iba magmula sa Wildcoast hanggang sa muli kaming magsama rito sa Eastwood.

Umaasa akong makatutulong ito upang manumbalik sa ulirat ang aking ama.

Hindi ako nagkamali dahil napansin ko ang unti-unting pagbalik ng orihinal na kulay ng kanyang mga mata.

"Evan, anak?" saad niya na ako lamang ang nakaririnig.

"Papa," pabulong kong sabi. Gano'n na lamang ang aking tuwa dahil tagumpay ang aking plano.

Ngunit nananatiling problema ang presensya ng haring huwad. Kailangan itong waksiin nang sa gayon ay hindi na magpatuloy pa ang kanyang kasamaan.

Tumayo si Papa at dinampot ang aking espada mula sa sahig. Tinalikuran niya ako at hinarap ang kanyang kapatid.

Buong pag-aakala ni Vyen ay napasasailalim pa rin ng kanyang salamangka si Papa dahil walang bakas ng anumang pagkabahala ang makikita mula sa kanyang mukha.

Ngunit, huli na nang kanyang mapag-alamang nanumbalik na sa tamang pag-iisip si Papa at hindi na niya nagawa pang pigilan ang matalim na espada sa pagtarak sa kanyang dibdib.

Umagos ang mga dugo. Nanlaki ang kanyang mga mata. Napaluhod siya at unti-unting tiningala si Papa na hawak ang ngayo'y duguan kong espada.

Napansin ko ang mga kamay ng haring huwad na pilit pa ring bumubuo ng itim na salamangka, kaya, agad akong tumayo upang damputin ang aking pana.

Mabilis na bumulusok patungo sa kanyang dibdib ang palaso. Walang bahid ng pagsisi sa aking puso. Gaya ng sabi ng aking ina, parte ng isang pagiging mandirigma ang pagprotekta sa aking nasasakupan. Ang kung ang pagpaslang kay Vyen ang magiging sagot upang protektahan ang Eastwood, marapat lamang na hindi na siya sikatan ng araw.

Tuluyang pumikit ang kanyang mga mata at kasunod nito ang pagbagsak niya sa harapan ni Papa.

"Wala na siya," hayag ng aking ama.

Wala na ang haring huwad. Wala na ang haring kumitil sa buhay ng maraming inosente. Wala na ang naghahasik ng kadiliman. Wala na ang haring ganid sa kapangyarihan.

Wala na siya.

Patay na si Vyen at ito ang tanging kamatayan na naganap sa loob ng Eastwood na hindi ko man lang ikinalungkot.

Inakala kong ito na ang hangganan ng kadiliman, ngunit isang bagay ang tuluyan kong nakalimutan.

At bigla na lamang akong natigilan nang maramdaman ko ang isang matulis na bagay na mabilis na bumaon sa aking leeg patungo sa aking lalaugan.

Naramdaman ko ang mainit kong mga dugo. Nagawa nitong pigilan ang aking paghinga hanggang sa unti-unting akong nanghina at bumulagta sa sahig.

Nang patuloy kong ikinurap ang aking mga mata, nasilayan ko ang isang pamilyar na mukha. Ang kanyang mga mata ay nananatiling kulay itim, nanatiling napasasailalim sa itim na salamangka.

Habang naghihingalo, nasilayan ng aking paningin ang isang tagpo kung saan pilit na inaagaw ng aking ama ang isang kampit mula sa kanya.

"Enoch, paano mo nagawa ito?" bulong ko sa aking sarili.

Ilang saglit ang nawala, tuluyan nang pumikit ang aking mga mata at tila ako'y nakakulong sa loob ng dilim.

Walang liwanag. Walang ano mang mararamdamang sikdo. Walang amoy na malalanghap. Walang tunog na madirinig.

Patay na ba ako?

  

•••★•••

Susunod:
Epilogo
↓→

Eastwood: The World Of ZodiacWhere stories live. Discover now