15%

605 35 0
                                    

15%

Limang araw matapos matalo ang ipinadalang puwersa ng Presidente, nag-launch ng counter attack ang Minister of Defense. Isang malakihang pag-atake ang pinaplano ng paksyon kaya naman pati ang mga kalalakihan sa central hub ay sapilitang pinasabak sa labanan.

"Tungkulin mong pangalagaan si Shin kahit na ano'ng mangyari..." Tinapik ng Minister of Defense sa balikat ang kanyang bunsong anak pagkatapos niyang ibigay rito ang isang customized compact bow na ang palaso ay improvised harpoon na may mekanismong sumabog kapag tumama iyon sa kahit na anong solid.

Gustong-gusto ng kanyang anak ang paggamit ng pana ngunit mahigpit niyang iniutos kay Desmund na huwag itong pahahawakin ng mga long ranged ammunition hangga't wala ang kanyang pagpayag. Tinalikuran na si Mortimer ng kanyang ama at sumama na ito sa heneral at iba pa nitong mga advisers.

"S-Sandali..." Nanginginig ang boses ni Mortimer nang tawagin niya ang kanyang ama. "K-Kamusta na si Desmund? A-Ayos lang ba siya?"

Nilingon lang si Mortimer ng kanyang ama ngunit wala itong sinabi. Bagsak-balikat na napasandal si Mortimer sa tarangkahan patungong central hub.

Nilingon siya ni Shin na kalmado lamang na nakaupo sa ibabaw ng sirang kotse. Wala itong tigil sa pagtipa sa keyboard ng laptop na ibinigay dito ng Minister. "Buhay pa si Desmund Campbell."

"T-Talaga?"

"Pero pagsapit ng ika-alas tres nang hapon, crucial na para sa kanya ang mga magaganap."

Nagkunot-noo si Mortimer. "A-Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Hmm... Mayroong limampung possibility na masasabugan siya ng mortar. Hindi siya trained sa pagiging sundalo kaya wala siyang gaanong mobility pagdating sa battlefield," walang kagatol-gatol na siwalat ni Shin.

"P-Pero magaling siya sa pakikipaglaban! Tinuruan niya ako ng-"

"Instinctual ang pag-su-survive sa gitna ng isang digmaan. Ni hindi niya magagamit ang kanyang pisikal na talento. Walang oras para doon. Walang maghihintay sa kanya at wala rin siyang dapat hintayin. Suwerte na lang ang makakapagligtas sa kanya."

Biglang naging alerto si Mortimer. Binundol ng kaba ang kanyang dibdib. Hindi niya maaaring baliwalain ang mga sinasabi ni Shin dahil wala itong sinabi na hindi nagkatotoo. Kailangan niyang malaman kung nasaan si Desmund!

Hinila niya sa braso si Shin at tumakbo sila sa lagusan patungong subway ngunit huminto si Mortimer. Hindi maganda ang nakikita niyang concentration ng hangin sa subway. Nakakalason iyon base sa nakikitang kulay ng kanan niyang mata. Kailangan nila ni Shin ng gas mask para makapagpatuloy!

Nag-concentrate si Mortimer. Bukod sa kulay ng nakalalasong hangin, may rumehistro pang ibang kulay sa vision niya; thermal colors at non-moving. "May nakikita ako... mga nabaril yata sila. Tiyak na mayroon silang gas mask! Diyan ka lang, Shin. Hintayin mo ako."

Pinigil ni Mortimer ang paghinga at mabilis na lumusot ng lagusang dumugtong sa bahagi ng subway. Hindi naman malayo ang pinakaunang bangkay na na-detect niya. Mabilis niyang hinila ang gasmask na suot niyon.

Kailangan pa niya ng isa para kay Shin. Nilapitan niya isa pang sundalo na nakasandal sa pader. Humihinga pa iyon pero malubha na ang sugat niyon sa sikmura. Nakipaghilahan iyon kay Mortimer para sa gasmask ngunit dahil sa panghihina, nagtagumpay ang bata. Naghingalo ang sundalong naagawan ng gasmask hanggang sa huminto ito sa paghinga.

Binalikan ni Mortimer si Shin at ipinasuot dito ang gasmask pagkatapos ay sabay silang lumabas sa subway exit.

Labu-labo na paglabas nila ng subway. Nagkakagulo ngunit kulob ang ingay na naririnig ni Mortimer dahil sa gasmask.

Mayroong umakbay kay Shin at kinaladkad ito sa may leeg. Bago pa mabanat ni Mortimer ang dala niyang compact bow ay may isa pa ring humila sa braso niya.

Zero PercentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon