Chapter 23

604 12 0
                                    


                                           Kitang-kita ni Jing-jing ang pagbakas ng gulat at pag-aalala sa mukha ni Darrell nang makita siyang bumaba mula sa passenger's seat ng kotse ni Bell. Mukhang kadarating lang din ni Darrell sa bahay nina Bell dahil bukod sa nakatayo pa ito sa tapat ng kotse nito, hawak-hawak pa rin nito ang isang bungkos ng pink roses na alam niyang paborito ni Marie.

"Jing-jing! Bakit nandito ka?! Hindi ka ba nag-iisip? Baka makita ka ni Marie! Gusto mong mag-away na naman kayo?! At bakit magkasama kayo ni Bell?" sunod-sunod na tanong ni Darrell nang humakbang palapit sa kanya.

"Alin ang gusto mong unahin kong sagutin, Darrell? O baka naman pwedeng batiin mo muna ako bago ka mag-ala imbestigador diyan," aniya.

"Jing-jing---"

"Bisita ko siya, Darrell," putol ni Bell sa sasabihin pa sana ni Darrell sa kanya pagkababa nito mula sa driver's seat. Lumigid ito pakabila at tumayo sa tabi niya. Hindi pa nakuntento roon, hinapit pa siya ng binata palapit dito. At pinanatiling nakakawit sa baywang niya ang braso nito.

Darrell's eyes went straight to the arm Bell wrapped around her waist. Pagkuwan tumaas ang mga mata nito patungo sa mukha niya. Puno ng pagtatanong at pagtataka ang anyo.

"Ha?"

Naiikot ni Jing-jing ang mga mata sa eksasperasyon. Mukhang hindi pa rin nakuha ni Darrell ang ibig palabsin ni Bell sa iniakto nito. For such a smart guy, Darrell could really sometimes be clueless about certain things.

"Kailangan pa ba talagang ipaliwanag, Darrell?" untag niya sa kaibigan nang ikawit rin niya ang kabilang kamay sa baywang ni Bell.

Tila noon naman biglang gumana ang utak ni Darrell. Bahagyang nanlaki ang mga mata nito. Saglit na napaawang ang mga labi saka malakas na napahalakhak.

"Bilib na talaga ako sa iyo, Jing-jing. Ano'ng gayuma ang ginamit mo kay Bell?!" anito.

"Hoy! Hindi ko siya ginayuma! Siya kaya ang nanggayuma sa akin. Matagal na siyang secretly in love sa akin at dahil maawain ako, sinagot ko na at baka magpatiwakal pa," nakangising ani Jing-jing saka niya tinignan si Bell at matamis na nginitian. "Ikwento mo nga sa kanya kung paano mo ako hinabol-habol, sinuyo, pinakiusapan at niluhuran, sugar cakes."

Pinapungayan pa niya ng mga mata si Bell. Bahagyang humigpit naman ang braso nitong nakayakap sa baywang niya. Palihim siyang wina-warning-an na OA na ang drama niya.

Muli na namang napahalakhak si Darrell. Lumakas pa iyon nang malukot ang mukha ni Bell sa ginamit na endearment ni Jing-jing. Noon naman lumabas si Marie mula sa nakabukas na gate ng bahay nina Bell. Nakangiti ito nang lumapit kay Darrell.

"Darrell! Bakit ang tagal mong pumasok---" naudlot ang pagyakap sana nito kay Darrell nang mahagip ng mata nito sila ni Bell. "Kuya Bell, bakit kasama mo iyan?!" puno ng disgusto ang anyo at tonong agad na usisa nito sa kapatid habang pinupukol ng masamang tingin si Jing-jing. Hindi naman sa duwag siya pero malinaw pa sa alaala niya ang ginawang panunugod ni Marie sa kanya kaya wala sa loob na napasiksik siyang lalo kay Bell.

SILVER BELLES SERIES 2-JING AND BELLTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon