Chapter 1

6.5K 63 5
                                    

KAHIT ang masayang Christmas song na malakas na pumapailanlang sa buong condo unit ni Jing-jing ay hindi sapat upang mapalis nang tuluyan ang pagkairita nang makita ang laman ng kitchen cabinets niya—hindi lang pala niya kundi kitchen cabinets nila ng dalawa pang kaibigan niya na kasamang nakatira sa condo unit na iyon. Kasama kasi niya ang mga kabandang sina Lucibelle at Chrisma na umuupa roon. Hati-hati silang tatlo sa water bill, phone bill, electric bill, groceries, at kung ano-ano pang gastusin sa bahay.

Pero nitong mga huling linggo at araw na nagdaan, mas parang kanya na lang ang mga kitchen cabinets na iyon pati na ang iba pang mga silid, gamit, appliances, at dekorasyon sa three-bedroom condo unit. Dahil ang magagaling niyang kaibigan ay nilayasan na yata siya.

Okay, okay, slight exaggeration iyon. Dahil sa kaso ni Lucibelle, hindi naman talaga ito lumayas ng unit nila kundi bibihira lang umuwi nitong mga nakaraang linggo. Bilang maid of honor ng ikakasal na half sister nitong si Courtney, punong-abala rin si Lucibelle sa paghahanda sa nalalapit na kasal ni Courtney. At dahil dalawang linggo na lang ang natitira sa buwan ng November at December twenty na ang kasal ni Courtney, madalas ay sa bahay na nina Courtney tumutuloy ngayon si Lucibelle. Para nga naman mas madali itong makakausap ni Courtney kung may mga aberya sa paghahanda para sa kasal.

At siguro hindi rin naman masasabing nilayasan na sila nang tuluyan ni Chrisma. Dahil naroon pa rin naman sa silid ang ibang mga gamit nito. Hindi pa rin naman binibitbit ang mga appliances na binili. Iyon nga lang, dahil kailangan ni Chrisma na alagaan at palakihin ang mga pamangkin nito na dito iniwan ng yumaong pinsang si Michelle, sa dating bahay na nina Michelle tumutuloy si Chrisma ngayon. Katuwang ni Chrisma sa pag-aalaga sa mga pamangkin nito si Wayne Domingo, ang brother-in-law ni Michelle.

Pero bukod sa pagiging brother-in-law ni Michelle ay secret true love din ni Chrisma si Wayne—hindi, mali pala. Hindi pala secret true love kasi hindi naman isini-secret ni Chrisma ang pagtangi kay Wayne.

Kaya bukod sa pagiging Ulirang Ina of the Year na ang drama sa buhay ni Chrisma ngayon, sinusubukan din nitong masungkit ang korona as the future Mrs. Wayne Domingo.

Iiling-iling na napabuga ng hangin si Jing-jing habang isinasara ang wala na palang laman na kitchen cabinets. Dahil nga missing in action ang dalawang housemates niya, wala tuloy siyang maidahilan sa pinsang si Yang nang makiusap kung maaari bang dito na muna sa condo niya ito pansamantala tumuloy. Nag-alsa-balutan kasi ang gaga pagkatapos hayagang tutulan ng mga magulang ang pagpapakasal nito sa nobyong si Chris.

Ang totoo, sang-ayon si Jing-jing sa desisyon ng mga magulang ni Yang. Kahit siya kasi ay tutol sa pagpapakasal ng pinsan sa nobyo nitong sabi nga ni Chrisma ay mukhang crossbreed nina Kermit the Frog at ng buwaya ng Lacoste. Ni hindi pa yata umaabot nang apat na buwan ang relasyon ng dalawa pero gusto nang pakasalan ng pinsan niya ang lalaki?

Sina Yaya Dub at Alden nga ay nagliligawan pa rin sa Kalyeserye, pagkatapos si Yang, gusto nang pakasalan agad ang Chris na iyon? Lalo tuloy tumitibay ang paniniwala ni Jing-jing na kinulam, binarang, at ginayuma nga ng lintik na Chris na iyon ang pinsan niya.

Kaya naman hindi niya maaaring awayin si Yang at palayasin sa unit niya. Baka lalong magpursigeng pakasalan na si Chris kung walang matutuluyan. Ang kaso, siya naman ang napeperhuwisyo ng presensiya nito sa bahay niya.

Dalawang araw pa lang ang nakalilipas mula nang huling mamili ng groceries si Jing-jing. Pero tulad ng madalas mangyari mula nang makitira sa kanya si Yang mag-iisang buwan na ngayon ay simot na naman ang laman ng kitchen cabinets niya. Ni isang lata ng sardinas ay wala itong itinira. Iyong karaniwan ay umaabot nang two weeks nilang stock, ngayon wala pang isang linggo ay ubos na. At ang mga salarin ay ang mga kapwa nito call center agents ni Yang na pawang adik yata sa mga de-latang pagkain kaya laging nasisimot ang mga de-lata niya kapag sa unit niya nakikain. Ang mas masaklap pa, halos araw-araw nang nakikikain sa kanila ang mga ito bago magsipasok sa trabaho dahil sinusundo si Yang. Hindi man lang inisip ng pinsan niya na ang groceries na iyon ay hindi lang naman kanya kundi kay Lucibelle. Mabuti sana kung si Yang ang naggo-grocery kapag nasimot ang laman ng cabinets dahil sa mga kasamahan nito. Pero hindi rin naman nito ginagawa iyon. Ni isang kusing nga ay hindi nagkukusang mag-abot.

SILVER BELLES SERIES 2-JING AND BELLTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon