CHAPTER 7

935 18 0
                                    


Kung hindi lang maagap na napigilan ni Jing-jing ang sarili ay malamang pumiyok na siya sa pagkanta at namali ng tinitipang nota nang mahagip ng tingin niya ang dalawang lalaking kapapasok lang sa loob ng bar. Hindi niya naisip kailanman na posibleng maligaw roon ang isa sa dalawang lalaking bagong dating. Bagamat mas matangkad ng kaunti iyong lalaking kulot kaysa sa lalaking naka-jacket at tila ilang araw nang hindi nag-aahit, mas nahagip pa rin ng tingin niya ang huli.

Sa unang tingin pa lang kasi ay halatang naliligaw lang sa lugar na iyon ang lalaking nakasuot ng black coat, black shirt at pants. At hindi dahil sa pormal na kasuotan nitong ibang-iba sa kaswal na suot ng karamihan sa mga parokyano ng bar. Kundi dahil parang mas bagay na bumandera sa Mount Olympus at makipag-debate kina Zeus at Poseidon ang lalaki. If he was an actor, he would look like the perfect guy to play the part of a young Hades, the god of the Underworld.

Ilugay lang ng lalaki ang naka-man bun nitong buhok, magsuot ng itim ding kapa, ilabas ang mga matutulis nitong kuko at mga pangil at---teka, si Dracula nga pala iyong may pangil. Pero pwede ring maging bidang bampira ang naturang lalaki. Hindi nga lang ito shining, shimmering tulad ni Edward Cullen. Mas papasa ito bilang ang bampirang si Lestat ni Anne Rice kung sakali. 'Ika nga ng gasgas nang linyang hindi na niya matandaan kung sino ang unang nagsabi, 'He was mad, bad and dangerous to know.'

Iyon ang nababasa niya sa hitsura ng lalaki. Para itong mapanganib na nilalang na handang umatake anumang sandali. Hindi nga ito nakasimangot pero ramdam na ramdam niya ang tinitimping galit ng lalaki kahit mula dito sa stage.

Gayunpaman ay sino'ng babae ang makakatangging kilalanin pa nang mas mabuti ang lalaki? Makisig, medyo matangkad at walang tiyak na pamantayan ang kagwapuhang taglay ng lalaki.

Bagamat may hitsura din ang kasama nitong kulot na lalaking nakasuot ng puting polo at jeans, awtomatikong malalaman na alipin lang ang kulot na lalaki ng lalaking nakasuot ng jacket at may man bun. Sa kabila kasi ng tangkad ng lalaking nakaputing polo, hindi nito taglay ang parehong aristokratong tindig at determinadong paraan ng pagtitig ng naka-jacket na lalaki.

Hindi pumasok ng tuluyan sa loob ng bar ang dalawa. Sa halip ay nanatiling nakatayo lang ang mga ito sa tapat ng pinto ng bar. Sumusulyap sa stage habang nag-uusap. Inignora lang ng dalawa ang waiter na lumapit sa mga ito upang alukin ang mga ito na umupo sa isa sa mga bakanteng mesa malapit sa kaliwa ng stage.

Ipinagtataka man niya kung bakit naroon sina Bell at ang driver nito, ipinagpatuloy lang niya ang pagtipa sa keyboards niya at pagkanta sa chorus ng lovesong na kinakanta ng banda niya. Sa pagkakatanda niya, si Bell ang nanalo sa huling pagtutunggali nila. Kaya ano'ng posibleng dahilan ng kusang pagkakapadpad ni Bell dito sa teritoryo niya? Isa pa, paano nito nalaman na naroon sila ng banda niya gayong hindi naman isa sa mga regular na tinutugtugan

nila ang bar na iyon. Pero baka naman hindi siya ang tunay na pakay nito.

SILVER BELLES SERIES 2-JING AND BELLTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon