CHAPTER 4

1.4K 24 1
                                    


Kilala ni si Jing-jing si Bell. Imposibleng kusang-loob na tulungan

siya ng lalaki sa pag-aayos sa kotse niya nang wala itong ibang motibo. Mas malamang sa hindi ay balak lang nitong sirain lalo ang kotse niya. At kapag ginawa naman nito iyon, natural gagantihan niya ito. At muli magre-restart na naman ang walang katapusang away-bati nilang pakikitungo sa isa't isa.

Mula pa pagkabata ay magka-away, magkaribal, magkalaban at magkatunggali na sila. Maliban kasi sa kanilang apat na magkakapatid ay si Bell at ang nakababatang kapatid nitong si Marie lang ang mga bata noon sa kalye nila. Kaya wala silang choice kundi pagtiyagaan ang isa't isa para may makalaro silang iba.

Sa malas, hindi maganda ang unang impresyon nila ni Bell sa isa't isa. O siguro mas tamang sabihing pangalawang impresyon nila sa isa't isa. Ayon kasi sa kwento ng Mama niya noon sa kanya, nagkatagpo na sila ni Bell noong dalawang taong gulang pa lamang siya at anim na taong gulang naman si Bell. Ang totoo, naroon pa nga raw sila sa ospital nang manganak sa kapatid na babae ni Bell ang ina nito.

Nakilala raw ng Mama niya ang ina ni Bell sa loob ng mall nang araw na iyon. At kahit noon pa raw ay panlalait na agad ang tinamo niya mula sa anim na taong gulang pa lang na si Bell. Nag-uusap raw ang Mama niya at ang ina ni Bell nang biglang mamilipit sa sakit ang tiyan ng ina ni Bell. Ang Mama at Papa raw ni Jing-jing ang nagdala sa ina ni Bell sa ospital. Sa malas, nang araw na rin iyon naulila si Bell sa ina. Namatay ang babae sa panganganak kay Marie.

Iyon daw ang una't huling beses na nakita ng Mama niya si Bell.

Ngunit makalipas ang tatlong taon ay muling nag-krus ang mga landas nila. Limang taong gulang na si Jing-jing noon at siyam na taong gulang naman si Bell. Pumisan sina Bell at Marie sa bahay ng Lola Josephine ng mga ito. Inabandona na kasi ang dalawa ng ama ng mga ito. Dalawang bahay lang ang pagitan ng bahay ng pamilya niya sa bahay ni Lola Josephine. Kaya naman naging magkaibigan sina Bell at ang Kuya Ace niya. Habang siya naman at si Bell ay naging magkaaway. Ito at ang kapatid nitong si Marie ang sumpa sa kanya habang lumalaki siya.

Siguro kung alam lang niya noon na mangyayari iyon, hindi na siya bumuntot pa sa Kuya Ace niya nang magpunta ang kuya niya sa bahay nina Bell para kaibiganin si Bell. Nang malaman kasi niya noon na may iba nang batang babae sa street nila na maaari niyang makalaro, sabik na sabik na ginusto rin niyang makipagkilala sa bata.

Pero kung nasaan si Marie ay naroon din si Bell. At kung ano ang ginagawa ni Bell noon ay awtomatikong ginagaya ni Marie. At dahil ang bungad na bati ni Bell sa kanya noon ay ganito, "You're the ugly baby! Why are you still ugly?" natural na ginaya iyon ni Marie. Binansagan siyang 'Ugly' ng bwisit na magkapatid.

Kaya paano'ng hindi niya aawayin si Bell? Hindi na niya matandaan kung ano ba ang una niyang ginawa nang sugurin niya ito. Hindi niya alam kung sinuntok ba niya ito, sinabunutan o sinipa. Basta ang tanda niya ay pilit siyang inilalayo ng yaya nito at ng Kuya Ace niya mula sa nakadapa na sa lupa at nakapamaluktot na katawan ni Bell. Hindi gumanti ng pananakit sa kanya si Bell kahit na kung tutuusin ay kayang-kaya siya nito dahil higit na mas maliit siya kaysa rito.

Mangiyak-ngiyak lang na sinigawan siya nito at tinawag na Ugly, Ugly Jing. Tinawag naman niya itong Bell Lampa. Nang sumunod silang magkita, pinatid niya ito at bilang ganti ay hinila naman nito ang ribbon sa buhok niya at itinakbo iyon palayo. And that was the start of their long and horrible relationship. At mas lalong lumala iyon nang umentra na sa eksena ang kapatid nitong si Marie na binansagan niya noon na Marie'ng Pating. Kung si Bell kasi maliban sa pang-aasar sa kanya at pagnanakaw sa ribbon niya, hindi siya pisikal na inaaway. Takot lang nito sa mga kuya niya na tiyak bubugbugin ito kapag nakitang pisikal siyang sinasaktan nito.

SILVER BELLES SERIES 2-JING AND BELLTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon