Napatitig nalang si Hina kay Finn Doria, nalilito, kinakabahan at nahihiwagaan.

'Ang Blacksmith na kayang bumuo ng Heaven Armaments ay isa ring maalamat na Alchemist?! Pero paano...? Paano!' gustong-gusto ni Hina na maintindihan ang kabuuang nangyayari.

Gusto niyang malaman ang buong pagkatao ni Finn Doria, gayunman, hindi niya maitanong ang mga ito sa lugar na maraming tao. At isa pa, wala siya sa lugar para magtanong dahil wala namang ugnayan ang namamagitan sa kanilang dalawa ng binata.

Natigilan naman si Finn Doria. Napagtanto niyang naging mapusok siya. Inilabas niya ang isa niya pang sikreto at ngayon, may mga nakakita sa kanya. Napakuyom ang kanyang kamao.

'Kung hindi ko ito gagawin... baka mahuli na ang lahat!' sa isip ng binata.

Agad niyang pinalaki ang kanyang alchemy flame. Pinalutang niya ang limang recovery pills patungo sa pagitan ng kanyang dalawang palad. Dahan-dahan niyang tinunaw ang limang recovery pills at gamit ang kakayahan ng Blue-Green Alchemy Flame, pinagsama-sama niya ang likido ng limang recovery pills para makabuo ng bago, mas mabisa at mas mataas na kalidad ng recovery pill.

Wala na siyang oras para gumamit ng cauldron, kailangan niya na agad na makakuha ng sagot mula kay Samuel kaya minano-mano niya na ang pagbuo ng panibagong recovery pill.

Nang mabuo na ni Finn Doria ang isang malinaw na pulang recovery pill, agad niya itong inilapit sa bibig ni Samuel at agad na nagsalita, "Kainin mo ito. Kailangan mong magpagaling agad... ikuwento mo sa akin ang nangyari kina Oyo!"

Pilit-kinain ni Samuel ang recovery pill na ipinapakain sa kanya ni Finn Doria. Nilunok niya ito at hinayaan ang mainit na enerhiya na kumalat sa kanyang katawan.

Pinagmasdan ito ni Finn Doria, at ilang sandali pa tumayo siya at tumingin kay Erwan at Hina. Mayroong nakakita ng kanyang alchemy flame, at alam niyang hindi ito magandang pangyayari.

"Ginoong Finn Doria, kailangan kitang makausap," sabi ni Hina. Bumaling si Hina kay Erwan at matalim na nagsalita, "Nang pribado."

Bumaling din si Finn Doria kay Erwan. Seryoso ang ekspresyon sa kanyang mukha noong marahan siyang magsalita, "Ilang minuto pa ang kakailanganin bago lubusang gumaling si Samuel."

"Erwan, maaari bang paandarin mo ang karwahe habang nag-uusap kami rito? Bagalan mo lang upang hindi tayo masyadong lumayo sa ligar."

"Maliwanag pa sa sikat ng araw boss!" agad na saludo ni Erwan. Agad niyang binuksan ang pinto at abot-tengang lumabas ng karwahe.

Agad na pinalibutan ni Hina ng Sound Concealing Skill ang palibot nilang dalawa ni Finn Doria. Malaki ang karwahe kaya naman ayos lang kahit tumayo sila. Malawak din ito at halos kasya na ang isang dosenang tao.

Umupo si Finn Doria sa malapit na upuan. Tumingin siya kay Hina pero wala siyang binitawan na salita.

Huminga muna ng malalim si Hina. Tiningnan niyang mabuti si Finn Doria bago magsalita, "Kung totoo ang sinasabi ng ginoong iyan na ikinulong nga ni Crome ang kanyang mga kasama, masyadong komplikado ang sitwasyong ito."

"Malawak ang impluwensya ni Crome sa lungsod na ito... at marahil sinadya niya ito para mahulog ka sa kanyang bitag."

Hindi nagsalita si Finn Doria. Kapansin-pansin pa rin ang galit sa kanyang mga mata matalim ang kanyang tingin pero hindi na siya nakatingin ngayon kay Hina. Nakatingin na siya ngayon sa kawalan.

Hindi alam ni Hina ang kanyang sasabihin. Hindi niya alam kung makikialam siya. Nakatagpo siya ng misteryosong binata na nagtataglay ng maalamat na alchemy flame, at higit pa roon, kayang bumuo ng Heaven Armament.

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Where stories live. Discover now