Natigilan si Seventh. Muli siyang napatingin kay Zed at napakunot ang kanyang noo, 'Natuto na ba talaga siyang magluto ng pagkain?'

Hindi nagtagal, nagwakas na rin ang paghihintay ng mga hurado. Magkakasunod na natapos ang tatlo. Nauna si Zed na sinundan ni Grey habang panghuli naman si Finn Doria. Nagsukatan ng tingin sina Zed at Grey habang si Finn Doria naman ay kalmado at malapad na nakangiti lang. Iniisip niya pa rin ang maraming magic crystals na mapapanalunan niya sa paligsahang ito.

Bawat hurado, kabilang si Seventh ay may mga walang laman na lalagyan sa kanilang harapan. Nakatingin sila sa dala-dalang putahe ng tatlo. Natatakluban pa ito kaya hindi nila makita o mahulaan kung anong hitsura ng niluto ng tatlo.

Dahil si Zed ang naunang natapos, siya ang unang nagpasikat sa mga hurado. Dahan-dahan niyang tinanggal ang nakataklob at hindi nagtagal, nang makita ng mga hurado ang niluto ni Zed, natigilan sila at napatingin sa binata. Blanko ang ekspresyon nila habang si Seventh naman ay marahang napahalakhak.

"Marunong ka bang magluto, Zed? Sa nabasa ko, isang sining din ang pagluluto. Hindi lang dapat mabango ang iyong niluto, dapat kaaya-aya itong tingnan hindi gaya ng sa 'yo na parang dinaanan ng bagyo," taas-kilay na sabi ni Madison habang nakatingin sa umuusok na pritong isdang inihanda ni Zed.

"Tingnan mong mabuti. Ang pagkakahiwa ay hindi pa pare-pareho. Pagkain ba talaga 'yan?" dagdag pa ni Elena habang umiiling-iling. Nakangiti siya pero halata namang hinahamak niya si Zed at ang kanyang niluto.

Suminghal si Zed at mapapansing nanggagalaiti siya sa galit habang nakatingin sa mga nanghahamak sa kanyang niluto. Masama niyang tiningnan sina Seventh, Python, Elena, Madison, Mason at Gin. Nakita niyang sinusundot-sundot ni Gris ang kanyang niluto kaya naman mas lalo siyang nagalit.

"Hindi mahalaga kung pangit o magulo ang pagkakaluto! Ang mahalaga ay ang lasa ng pagkain... dahil mga hurado kayo, nararapat lang na tikman niyo ang niluto ko para mabigyan niyo ng perpektong grado," nanghahamak na sabi ni Zed.

Tumingin ang lahat kay Gris. Ito lang ang nakikialam sa niluto ni Zed kaya naman ngumiti sila kay Gris. Tinapik ni Gin ang balikat ni Gris at marahang nagsalita, "Ipapaubaya ko na sa 'yo ang isang ito, Gris."

Ngumiti si Gris at sinabing, "Walang problema. May punto si Zed sa kanyang sinabi. Pasarapan ang labanan kaya dapat lasa ang ating huhusgahan hindi ang hitsura ng pagkain."

Tininidor ni Gris ang pritong isda. Kumuha lang siya ng kaunting bahagi pero maaamoy na agad ang napakabangong amoy ng isda.

Bawat naroroon ay pinanood si Gris habang isinusubo nito ang pritong isda ni Zed. Napalunok sila dahil sa kaba. At nang maisubo na ni Gris ang pritong isda, nagbago ang kanyang ekspresyon. Napayuko siya at bigla niya nalang iniluwa ang isinubo niyang isda.

Pilit na ngumiti si Gris kay Zed at sa iba. Inilayo niya ang pritong isda ni Zed at sinabing, "Iyon na marahil ang pinaka mapait na pagkaing natikman ko sa buong bubay ko... pero baka katanggap-tanggap naman ang lasa kapag kayo na ang tumikim."

Inalok ni Gris ang kanyang mga kasama, gayunman, agad na umiling ang mga ito. Kilala nila si Gris, nasasabi niya lang ito dahil mabait siya. At alam din nilang base sa reaksyon ni Gris, kasuklam-suklam ang nilutong isda ni Zed.

"Babase nalang ako sa gradong ibibigay mo, Gris. Hindi ako mahilig sa mamantikang pagkain," sabi ni Gin.

"Ako rin!" sabay-sabay na sabi ng ibang miyembro ng Dark Crow.

Pilit pa ring nakangiti si Gris sa kanyang mga kasama. Bumaling siya kay Zed at nakita niyang madilim ang ekspresyon nito. Nanginginig ang katawan ng binata at pakiramdam nila ay sasabog na ito dahil sa matinding galit.

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon