WG Haidee - Part 16

319 8 0
                                    

HINDI agad sumagot si haidee sa alok ni Tim na magsosyo sila sa negosyo. Gusto niyang pag-isipan pang mabuti ang lahat ng posibilidad na konsekwensya ng magiging hakbang niya.

Nagkaayaan na silang umalis sa Great Wall of China. Nauuna siya sa paglalakad. Pataas ang kalsada kaya medyo hirap siyang humakbang. Sa isang paghakbang niya, hindi niya alam kung bakit tila nawalan siya ng balanse. Parang umikot ang paningin niya.

"Haidee," dalo sa kanya ni Tim. "Ano ang nangyayari sa iyo?"

Hindi niya alam kung nagawa niyang sagutin ang tanong nito. Ang alam niya ay parang nawalan ng lakas ang kanyang mga tuhod. Nakapikit lang siya. Nang alalayan siya ni Tim pabalik sa upuang bato na inookupa nila kanina ay nagpatangay lang siya.

"Are you all right?" bakas ang concern na tanong nito sa kanya. "Ano ang nararamdaman mo? Ano ang masakit sa iyo?" sunod-sunod na tanong nitong tila hindi malaman kung ano ang hahagurin sa kanila.

Isang buntong-hininga ang ginawa niya bago sumagot. "Hindi ko alam, eh. Para akong nahilo."

"Mag-stay muna tayo dito nang kaunti para mapahinga ka. Wala naman tayong dapat na ipagmadali. Sa hotel naman tayo tutuloy para ihanda ang mga gamit natin sa pag-uwi."

Tumango siya at nanatiling nakayuko. Hindi siya kumikibo at pinapakiramdaman ang sarili.

"Hindi kaya nasobrahan ka ng pagod? Maghapon tayong lumalakad buhat nang dumating tayo dito sa China. Iyong pag-uwi lang natin sa hotel ang pinakapahinga natin."

"Hindi naman siguro. Hindi naman masyadong nakakapagod ang pamamasyal natin. Saka palagi naman akong busog. Mas madali akong makakaramdam ng pagod kung gutom ako."

"Well, baka naman kulang ka lang sa pagkain? Gusto mo, bumili tayo doon?" turo nito sa isang food stand na natanaw nito."

"Busog pa ako," aniya at nag-angat ng mukha. "Buhat nang maging magkasama tayo, hindi na alam ng bituka ko na makaramdam ng gutom."

"Siyempre, ayaw ko namang masabi mong ginugutom kita."

Ngumiti lang siya at pinuno ng hangin ang dibdib. Iginala niya ang tingin. Mas madalang na ang namamasyal ngayon.

Ang iba ay natanaw niyang paalis na. Marahil ay dahil na rin sa unti-unti nang palubog ang araw. Ang mga poste ay mayroon na ring sindi bago pa man ganap na kumalat ang dilim.

"Hindi ka ba giniginaw, Haidee?" tanong sa kanya ni Tim.

"No. Matibay ako sa lamig," wika niya. Oo nga at malamig ang klima ngayon sa China pero kayang-kaya iyon ng kanyang resistensya.

"Gumagabi na kasi at naririto pa tayo sa mataas na lugar," anito.

"Palagay ko naman ay kaya ko nang maglakad uli. We better go now. Mukhang tayo na lang ang naririto," sabi niya.

"Are you sure, kaya mo na?"

"Oo naman. Na-out balance lang ako kanina kaya para akong nahilo," bigay-assurance niya dito.

"Aalalayan kita para sigurado. Baka mamaya, gumulong ka pa, magaya ka sa akin noong bata ako," pabirong sabi nito.

Ngumiti lang siya at kasabay ng paghawak nito sa kanyang kamay at tumayo na siya.

Bigla ang naging pagtayo niya. Napasubsob pa siya sa dibdib ni Tim at mabuti na lang ay matatag ang pagkakatayo nito.

"Sorry," mabilis na sabi niya ay lumayo dito.

Subalit hindi siya ganap na nakalayo. Kasabay ng paghingi niya ng paumanhin ay ang pag-angat ng kanyang mukha dito. She didn't expect him to be so near. Sa sobrang pagkakalapit nila sa isa't isa, pakiramdam niya ay nagkakapalitan na sila ng hininga.

Wedding Girls Series 19 - HaideeOù les histoires vivent. Découvrez maintenant