WG Haidee - Part 15

319 10 0
                                    

ENJOY na enjoy si Haidee sa pamamasyal sa Window of the World.

Turistang-turista ang pakiramdam niya sa sarili. Palibhasa ay wala nang iintindihin si Tim na transaksyong may kinalaman sa negosyo nito ay feeling tour guide naman ito sa kanya. Mukha na nga din niya itong alalay dahil ito ang taga-kuha niya ng litrato. Bawat sulok yata ng pasyalan nila ay nagpo-pose siya para sa isang souvenir shot.

Game naman si Tim. Minsan, ito pa nga ang nagtuturo sa kanya kung saan magandang magpakuha ng litrato. Mayroon din itong dalang handy cam. Sa sobrang pag-e-enjoy nila, kung anu-ano nang kalokohan ang pinaggagawa nila habang nire-record nila sa handycam ang kanilang mga kilos.

Hindi rin nila makuhang magutom. Bukod sa dinadala siya ni Tim sa mga mamahaling kainan, halos hindi rin tumitigil ang mga panga nila sa pagnguya. Habang namamasyal ay hindi sila nawawalan ng sitsiryang hawak. At bukod pa roon ang pag-aalok sa kanya ng binata ng kung anu-anong Chinese delicacy.

Hindi kayang ipaliwanag ni Haidee ang kaligayahang nararamdaman niya sa mga sandaling iyon. Parang hindi kakayanin ng kanyang puso ang labis na kasiyahan. At sinasamantala niya ang pagiging masaya sapagkat alam niyang pansamantala lang iyon.

Ayaw man niya, pagdating ng gabi ay kailangan niyang harapin ang reyalidad. Magkasama man sila ni Tim sa hotel room, bago ito matulog ay hindi ubrang hindi nito tatawagan si Ching. At hindi man niya sinasadya ay naririnig niya ang malalambing na palitan ng pag-uusap ng mga ito.

Wala siyang magagawa sa bagay na iyon maliban sa lihim na masaktan at magselos. Dahil si Ching ang tunay na girlfriend ni Tim. At siya, kaya lamang nagkataong kasama nito sa China ay dahil na rin sa katwiran ni Tim na treat nito iyon sa kanya.



Great Wall of China

SUMUNOD na araw na nang makarating sila sa lugar na iyon. Hindi tiyak ni Haidee kung dahil pangkaraniwang araw kaya mangilan-ngilan lang ang namamasyal sa lugar na iyon.

Tingin pa nga niya ay ginagawang lover's lane ng iba ang naturang lugar. Hindi nakaligtas sa kanyang paningin ang ilang parehang sumisimple upang makapaglambingan. At ang iba nga ay hindi na sumisimple lang. tila walang pakialam ang mga ito na naghahalikan!

At hindi rin alam ni Haidee kung nagkataong napanood na niya sa pelikulang Mano Po ang lugar na iyon o talaga lang na hindi siya interesado kaya hindi siya makadama ng excitement sa lugar na iyon.

Pero hindi siya nagpapahalata kay Tim. Siyempre ay nahihiya din naman siya sa binata. Marami pa naman itong kuwento sa lugar na iyon. Bukod sa personal na mga kunweto nito, pakiramdam niya ay binibidahan din siya nito ng kasaysayan ng Tsina noong panahong itinatayo ang matayog na pader na iyon.

"Doon tayo," sabi sa kanya ni Tim at hinawakan ang kanyang kamay.

"Aano tayo doon?" tanong niya na humulagpos na yata ang nadaramang pagkabagot. "Iyong matatanaw natin doon, natatanaw na rin naman natin dito."

"Nakakaistorbo tayo dito," mahinang sabi sa kanya ni Tim. "Hindi mo ba napapansin ang mga magkaka-partner na iyan?" mas mahinang sabi nito sa kanya.

"Hindi ako bulag. Nakikita ko sila. Saka huwag mo nang ihina ang boses mo. Tagalog naman ang usapan natin. Hindi naman siguro sila nakakaintindi ng Tagalog."

Tinitigan siya ni Tim. "Meron ka ba? Mukha kang may PMS. Bigla ka yatang sinumpong," anito at hinila na siya. "Halika na."

"Ano kamo? Halikan na?"

Napailing ito at natawa. "Sabi ko, halika na. As in, tara na. Bingi."

Natawa na lang din siya. "Dinala mo ko dito, eh, lovers lane yata ito. Nakaka-out of place naman."

Wedding Girls Series 19 - HaideeWhere stories live. Discover now