WG Haidee - Part 11

301 8 0
                                    

NAGMUMUKMOK pa rin si Haidee nang tumunog ang kanyang telepono. Tiningnan lang niya ang aparato nang makitang ang Tita Lucille niya ang tumatawag. Hanggang sa maubos ang ring ay hindi niya iyon pinansin.

Pero tumawag ito uli. Iignorahin pa sana iyon ni Haidee subalit naisip din niyang baka importante ang dahilan ng pagtawag nito. Wala man sa mood na makipag-usap kahit kanino ay dinampot na niya ang telepono.

"Yes, Tita?" sagot na niya agad.

"Oh, Haidee. Mabuti naman at sinagot mo na itong telepono. Akala ko ay wala ka diyan. Magte-text sana ako sa iyo pero naisip kong mas mabuti kung mag-uusap na tayo."

"Tungkol saan ho ba? Mayroon bang problema?"

"Problema? Wala. Walang problema. Gusto ko lang ipaalala sa iyo na anniversary namin ng papa mo sa darating na Linggo. Ikaw sana ang gusto kong tanungin kung ano kaya ang mainam para mai-celebrate natin ang araw na iyon."

Natin.

Hindi nakaligtas sa kanyang pandinig ang salitang iyon.

Kungsabagay, kabisado naman niya ang madrasta. Hindi nito sinasarili ang kanyang papa. Ni hindi nga ito marunong magplano na ang involved lang ay ito at ang kanyang papa.

Palagi na ay kasali sila ni Louise sa plano nito. At sa pagkakataong iyon, dahil kabilang na rin si Dennis bilang miyembro ng pamilya ay tiyak siyang kasali na rin ang lalaki.

"Mag-out of town kaya kayo, Tita?" kaswal na suhestyon niya. "Mag-Boracay kayo o kaya naman ay mamasyal kayo sa Hong Kong."

Naisip ni Haidee na ideyal iyon hindi lang para sa papa at madrasta niya kndi para na rin sa kanya. Kung mag-a-out of town ang dalawa, hindi na niya kailang makaharap pang muli si Dennis. Bagaman ulit-ulit na niyang sinasabi na balewala na sa kanya ang kanilang nakaraan, mas kumportable siyang hindi nagtatagpo ang kanilang mga landas.

"Hindi ganoon ang nasa isip ko, Haidee," sagot ng babae na hindi na niya ikinagulat. "Katatapos lang nating mag-dinner. Naisip ko kung maghanda kaya tayo kahit kaunti? Imbitahin natin ang mga malalapit na kaibigan at kamag-anak. Tamang-tama ay kakapa-renovate ko lang ng garahe at terrace. Maluwang na ang lugar para ma-accommodate ang bisita na nasa dalawampu hanggang tatlumpu."

Sinasabi ko na nga ba, saloob-loob niya. "Nagawa mo na ang ganyan nang ilang beses, Tita. Hindi ka ba napapagod na mag-organize ng party kahit na nga ba kaunting guests lang ang involved? I guess, mas maganda kung magsosolo muna kayo ni Papa this time. For a change, Tita Lucille. Bihira ninyong gawin na makapagsolo sa isang espesyal na lugar."

"Do you think that's nice? Magustuhan kaya ng papa mo ang ideyang iyon kung sasabihin ko sa kanya?" tanong nito na mukhang nakukumbinse na niya.

"Bakit naman hindi? I'm sure, gusto rin ng papa na magkaroon kayo ng mas maraming oras sa isa't isa."

"Pero nasanay na akong kasali kayong palagi ni Louise sa pagse-celebrate namin. At lalo pa ngayon. Nadagdagan na tayo ng miyembre ng pamilya. At ang balak ko nga sana ay imbitahin mo na rin si Tim. After all, nagbabalak na kayong magpakasal. Sa malaon at madali ay magiging bahagi na rin siya ng pamilya natin."

Aray ko, naisip niya at napangiwi pa.

"I suggest you go out of town, Tita," kulang na lang ay idikta niya ditong iyon na nga ang gawin nitong pasya. "Mas maganda iyon. Hindi ka pa mape-pressure sa pag-o-organize ng party. Pareho lang naman ang magagastos mo. And tell you what, may kaibigan akong travel agent. Kapag nakapag-decide na kayo kung saan kayo pupunta ay tatawagan ko si Sienna. Sa kanya natin ipapa-arrange ang travel ninyo at tiyak kong bibigyan pa niya tayo ng discount."

"Talaga, Haidee?" obvious na na-excite ang kanyang madrasta.

"Yes, Tita. Bihira akong humingi ng pabor kay Sienna kaya sigurado akong kung discount lang ang hihingin ko sa kanya ay hindi ako mapapahiya."

"Okay, mukhang mainam nga iyan. Kungsabagay, matagal-tagal na rin naman kaming hindi nakakapamasyal ng papa mo. Nakakasabik din namang magkaroon kami ng solong oras para sa isa't isa."

Pagkatapos nilang mag-usap ay bumalik si Haidee sa pagmumukmok. Positibo niyang inisip na huwag na nga sanang magbago pa ang isip ni Lucille at sundin na nito ang suhestyon niya.

Magiging pabor din naman iyon sa kanya. Dahil kung ipipilit nitong magsagawa ng party, ipipilit din nitong isama niya sa okasyong iyon si Timoteo. At paano niya basta na lang mahihila si Timoteo kung ganoong para itong alkitran na nadikit na sa girlfriend nito?

At muli, nang maisip ang mga ito ay inatake siya ng pagseselos.

Kumilos siya at dinampot ang telepono. Tatawagan niya si Sienna. Kahit hindi pa tapos ang desisyon ni Lucille para sa anibersaryo nito at ng kanyang papa, dapat ay kumilos na rin siya.

Kailangan niyang malaman buhat kay Sienna kung gaano kalaking discount ang maibibigay nito at kung anong lugar ang mainam puntahan sa panahong iyon. Hindi bale nang para siyang nagse-sales talk kay Lucille kaysa naman mas piliin nitong magsagawa pa ng party.

Wala siyang Timoteo na basta na lang mahihila sa okasyong iyon. Besides, maliit lang namang talaga ang mundo. Mayroon ding mga kaibigang negosyanteng Instik ang kanyang papa. Hindi malayong makilala ng mga ito si Tim. At baka mabisto pang hindi naman siya ang tunay na girlfriend ng binata.

Siya rin ang lalabas na kahiya-hiya.

Pero hindi niya makontak si Sienna. At hindi na rin siya nagtaka. Buhat nang mag-asawa ang kasamahang wedding girl na si Sienna ay mukhang mas natuon ang atensyon nito sa bago nitong buhay. Mas madalas nga ay ipinagkakatiwala na lang ni Sienna ang travel agency nito sa mga assistant nito. Mas kuntento ito sa pagiging asawa ni Cris. At sa mga meeting nilang wedding girls, nakikita naman niyang masaya si Sienna sa buhay nito ngayon.

Hindi naman sa nananaghili siya pero naisip niya kung kailan kaya niya mararanasan ang ganoon?

Pero siya na rin ang sumagot sa kanyang sarili.

Imposible iyong mangyari kung ngayon lang.

Kung noon ay hirap siyang humanap ng lalaking mamahalin, mas lalo na ngayon. Hindi ganoon kadaling humanap ng ibang lalaking pagbabalingan niya ng pagtingin kung ganitong aware na aware na siyang bigla na lamang siya na-in love kay Tim.

*****

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Wedding Girls Series 19 - HaideeOù les histoires vivent. Découvrez maintenant