WG Haidee - Part 18

383 10 0
                                    

HINDI akalain ni Haidee na ganoon kalaking disappointment ang mararamdaman niya nang hindi tumawag si Tim nang gabing iyon. Maski umiiwas pa rin siyang makipag-usap dito ay hinihintay din naman niyang tawagan siya ng binata gaya ng sabi nito. Subalit inabot na siya ng hatinggabi sa paghihintay subalit ni text nito ay wala.

Malungkot siyang nahiga na.

Idinikta niya sa sariling itutulog na lang niya ang kalungkutang iyon.

Isa pa, dapat ay handa na siyang maging malungkot. Hindi naman dahil limang araw silang magkasama ni Tim sa ibang bansa ay sa kanya na mababaling ang pagtingin nito. It was just her wistful thinking.

Dahil ang katotoohanan ay si Ching pa rin ang may karapatan sa binata.

Ipinikit niya ang mga mata. Kanina pang pagdating niya naiahon ang mga bagahe niya. Naibukod na niya ang pinamili niyang pasalubong sa kanyang pamilya at maging sa ilang kaibigan. Ang totoo ay nalabhan na rin niya sawashing machine ang mga uwi niyang maruruming damit. Iyon pa lang ay dahilan na upang maaga siyang matulog, upang maipahinga na niya ang pagod na katawang nagbiyahe pa mula China.

Mayamaya ay tumunog ang kanyang telepono. Mabilis niyang hinagilap iyon. at lalong nadagdagan ang disappointment niya nang makitang hindi naman si Tim ang tumatawag.

"Kumusta ka na, hija?" tanong ng kanyang papa mula sa kabilang linya.

"Papa. Okay naman ako. kanina pa ako dumating. Nag-text ako kay Tita Lucille kanina. Belated happy aniversary nga pala sa inyo." Noong isang araw pa ang okasyong iyon. Hindi niya nagawang bumati dahil nakalimutan niya sa sobrang paglilibang niya sa China pero mayroon naman siyang biniling regalo para sa mga ito.

"Thanks, hija. Tumawag lang ako dahil gusto kong marinig ang boses mo. Pasensya ka na kung ngayon lang ako nakatawag. Napakatagal kasi ng naging meeting ko sa opisina."

"Okay lang, Pa."

"Heto ang Tita Lucille mo at kakausapin ka rin daw." At ipinasa na nito sa kanyang madrasta ang telepono.

"Haidee, hindi ka ba pupunta dito? Kailan tayo magkukuwentuhan?" may kahalong kilig sa tinig nito. "Balitaan mo naman ako kung ano ang nangyari sa biyahe ninyo ni Tim. Kumusta ang pamilya niya? Mabuti naman ba ang naging trato sa iyo?" intesadong tanong nito.

Pinigil niya ang mapabuntong-hininga. "Okay naman, Tita," pagsisinungaling niya. "Wala namang naging problema." At bago pa muling magtanong ang madrasta ay pinili niyang putulin na ang pakikipag-usap dito. "Tatawag na lang ako sa inyo, Tita. Inaantok na kasi ako. Medyo napagod din ako sa naging biyahe namin."

"Okay. Hihintayin ko ang tawag mo, ha? At ikumusta mo kami kay Tim."

"Yes, Tita. Bye."

Nang ibaba ang telepono ay pinigil pa niya ang antok na nararamdaman. Nagbabaka-sakaling tatawag pa si Tim. Subalit hanggang sa tangayin siya ng antok ay wala siyang natanggap na tawag mula dito.



KINABUKASAN ay pumirmi lang si Haidee sa bahay. Wala naman siyang hosting engagement sa araw na iyon kaya walang mabigat na dahilan upang lumabas siya ng bahay. Mas lalo namang ayaw niyang magpunta sa Tita Lucille niya upang maghabi lang ng kasinungalingan. Tinawagan na lang niya si Jenna upang ipaalam ditong nakabalik na siya at anumang oras na may ipasa itong trabaho sa kanya ay puwede na siya uli.

Deep inside, naghihintay pa rin siyang tawagan ni Tim. At siguro ay nahihibang nga siya sa binata dahil bukod sa tawag ay umaasam din siyang pupuntahan siya nito.

Pero bigo siya. Alinman sa dalawa ay hindi nangyari hanggang sa sumapit muli ang gabi.

Sa sumunod na ilang araw ay ganoon din ang nangyari.

Wedding Girls Series 19 - HaideeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon