WG Haidee - Part 12

307 11 2
                                    

"KUMUSTA?"

Daig pa ni Haidee ang nakakita ng multo nang makita si Tim na nakatayo sa harapan ng bahay niya. Nagwawalis siya at abala sa pagdakot ng basura kaya hindi niya namalayang mayroon na palang tao sa tapat ng kanyang gate.

"I missed you," nakangiti pang sabi ng binata.

Itinago niya sa pagtataas ng kilay ang kanyang pagkagulat. Lumapit siya dito at inalis ang pagkakatrangka ng gate.

"Naligaw ka yata? Anong masamang hangin ang nagtaboy sa iyo dito?" salubong niya dito sa tonong pabiro.

"Hindi ako naligaw. Sinadya kitang talaga. May kailangan ako sa iyo."

"Kung pera, wala. Obvious namang mas mapera ka kaysa sa akin." Ngumisi siya dito at mabilis na tumalikod. Hindi niya kayang pigilin ang ngiting sumisilay sa kanyang mga labi. Anuman ang pakay sa kanya ni Tim, tuwang-tuwa siya na dumating ito.

Kay babaw talaga ng kaligayahan niya basta in love siya sa isang tao. Wala siyang iniwan sa isang high schooler na masilayan lang ang crush ay kulay rosas na ang tingin sa kapaligiran.

"Oy, hindi ako mangungutang," narinig niyang depensa ni Tim. "May hihingin lang sana akong pabor sa iyo."

"Anything," mabilis na sagot niya. "Kahit puri ko, ibibigay ko," pabulong pang dugtong niya.

"Anong sinabi mo, Haidee?" kunot ang noong tanong nito.

"Wala!" tumatawang sagot niya. "Teka, nag-almusal ka na ba? Piniritong itlog at danggit ang almusal ko. Gusto mo?"

"Sinangag ba ang kanin?" tila naglaway na tanong nito.

"Sinangag na maraming bawang."

"Wow! Puwedeng makikain muna?"

"Hihingi ka ng pabor at makikikain ka pa?" kantiyaw niya dito pero buong ligaya namang inihanda niya ang mesa. Ipinaglaga pa niya ito ng masarap na kape bago ito tinawag upang kumain na.

Parang batang namilog pa ang mga mata ni Tim nang dumulog ito sa mesa. "Ikaw, Haidee, kumain ka na ba?" alok nito sa kanya habang nagsasalin na ng kanin sa plato nito.

"Tapos na ako. Sige na, sa iyo nang lahat iyan."

"Paborito ko ito, eh. Iyon nga lang, lately ay bihira na akong makakain ng ganito. Kundi pa mayroong magpasalubong sa akin ng danggit galing Cebu or dumayo ako sa Chow King, hindi pa ako makakakain."

"Tumigil ka nga, Tim. OA mo, ah? Wala bang nabibiling danggit sa palengke?"

"Eh, iba iyong galing Cebu. Masarap iyon. Kagaya nitong inihain mo." Isinawsaw nito sa suka ang isang danggit at isinubo. "Ang sarap! Ang lutong pa."

Natawa siya. "OA kang talaga, Timoteo. Sa palengke ko lang iyan binili. Nagkataon lang na masarap akong magluto ng danggit."

"Sige na, buhatin mo pa ang sarili mong bangko. Okay lang sa akin. Mabubusog ako nito." At sinabayan pa nito iyon ng malaking pagsubo ng sinangag.

"Dahan-dahan at baka naman mahirinan ka pa," amused na paalala niya dito.

"May kape namang pantulak," sagot nito.

Pinanood lang niya si Tim habang kumakain ito. Tunay ngang maganang kumain ang binata. Ubos ang lahat ng pagkaing inihanda niya sa mesa nang tumigil ito.

"Ang sarap talaga. Busog na busog ako. Thanks, Haidee," sabi nitong hinihimas pa ang tiyan.

Napangiti lang siya. "Ano kamo iyong pabor na hihingin mo?"

"Hindi naman napakabigat ng hinihingi ko," seryosong sabi nito. "Sana naman ay huwag kang tumanggi."

Kinabahan siya. Wala siyang ideya kung anong pabor ang hihingin nito pero sa tono nitong seryoso, hindi pa man ay nakapagpasya nang pagbigyan ito sa hihingin nitong pabor.

"Ano bang pabor iyon?"

"Pupunta ako sa China. Samahan mo ako," seryoso pa ring wika nito at saka ngumiti.

Nanlaki ang mga mata niya. "Nagbibiro ka ba?"

Umiling ito. "Hindi."

"Ano ka, nagpapasama lang sa Divisoria?" gulat pa ring tanong niya.

"Hindi. Serious nga ako. Samahan mo ako sa China."

"Bakit?"

"Anong bakit? Wala akong kasama, eh. Samahan mo ako. Sige na, all expense paid. Bibigyan pa kita ng allowance para may personal na panggastos ka. Limang araw lang tayo doon."

"B-bakit ako?" hindi pa rin naniniwalang tanong niya.

"Kagagaling lang ni Lil doon. Ayaw muna niyang magbiyahe uli. Napapagod daw siya."

So panakip-butas lang pala ako, lihim na himutok niya. "Wala ka bang ibang maaaya?" sa halip ay sabi niya. Medyo pakipot pa ang tono niya pero naisip niya rin, hindi ba't tsansa na niya iyon? Limang araw din iyon na makakasama niya ang lalaking lihim niyang iniibig.

Five wonderful days with him, positibong isip niya. At sa ibang bansa pa.

"Busy ang iba kong business partners. Besides, mayroong produkto doon na gusto kong makita. It's another venture, Haidee. Kung magma-materialize iyon ay balak kong gawing sole proprietorship muna. Malay mo, lucky charm pala kita?"

"Ako, lucky charm? Anong akala mo sa akin, bagua?"

Ngumisi si Tim. "Iyong bagua sa pelikula ni Kris Aquino na Feng Shui, lucky charm nga pero may kakabit ding sumpa. Ang tingin ko naman sa iyo, lucky charm lang at walang kasamang sumpa."

"Oo naman. Wala naman akong taglay na bad spirit."

"Ano, sasama ka na sa akin sa China?" tanong nito uli.

"Pero bakit nga ako? Of all people, ako ang naisip mong isama?"

Tiningnan siya nito at saka tipid na ngumiti. "Baka mamaya sabihin mo, pinanindigan ko na ang pagiging OA. Pero na-miss pala kita, eh. I just realized it when I saw you again."

Daig pa niya ang ipinaghele sa alapaap nang marinig iyon. Hindi niya nasupil ang pagsilay ng ngiti sa kanyang mga labi.

"A-alam ba ni Lil na isasama mo ako?"

Tumango ito. "Yeah. I told her about it."

"Okay lang sa kanya?"

"Oo naman. Hindi iyon selosa. Saka kinukuwento kita sa kanya. Sabi ko, buddy-buddy talaga tayo noong college days natin. Pinakita ko pa nga sa kanya iyong mga pictures natin noon. Lalong-lalo na iyong mga pictures natin sa Theater Club."

"Kahit na. Okay lang sa kanya na isama mo ako sa China? Tayong dalawa lang, Tim. Alam mo na, lalaki ka at babae ako."

"Who told you?" tila manghang react nito. "Pareho tayong babae, lolah!" pabaklang sabi nito.

Napabungisngis siya. "Luko-luko ka talaga!"

*****

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Wedding Girls Series 19 - HaideeWhere stories live. Discover now