WG Haidee - Part 8

357 10 0
                                    

"MAYROON ka nga bang wedding gown?" tanong sa kanya ni Tim.

Pauwi na sila at sakay na ng kotse nito. Sila lang naman ang humiwalay sa grupo. Naglambing si Louise kay Dennis na sa hotel na magpalipas ng gabi samantalang ang papa naman niya ay mayroon pang ibang taong kausap sa hotel ding iyon.

"Past tense. Nagkaroon. Sabi ko nga kanina, dinispatsa ko na iyong wedding gown," kaswal na sagot niya. "Galit ka ba?"

Luminga ito sa kanya at umiling. "Bakit naman ako magagalit? Nagulat lang ako. Ibig palang sabihin, muntik ka nang mag-asawa."

"Yeah, muntik na."

"Puwedeng itanong kung bakit hindi natuloy?"

Pinili niyang tawanan ang tanong na iyon. "Nagtatanong ka na nga, eh. It's no big deal, Tim. Hindi naman iyon kasing-eskandaloso ng ibang national issues ng Pilipinas. It's just another boring story of a broken engagement."

"Boring, huh?"

Bmuntong-hininga siya. "Mukhang mausisa ka pa rin hanggang ngayon, 'no? Ang kulit mo, eh."

"Interesado lang," sagot nito. "Naisip ko lang kasi, if you already had the wedding gown, it could mean that you were almost there, tying the knot, I mean. Na kung hindi siguro nagkaroon ng problema ay malamang na married ka na ngayong nagkita tayo uli."

"Ang kaso nga ay nagkaroon ng problema kaya, heto, single pa rin ako," magaang sabi niya at nagkunwang abala sa pagtse-check ng mga text messages sa cellphone niya kahit wala namang bagong mensahe doon.

"Is that it? Ayaw mo nang magkuwento pa tungkol doon?" tanong nito sa kanya mayamaya.

Pabuntong-hininga siyang tumingin dito. "Hindi mo ako talaga titigilan, ano? Alright, sasabihin ko na sa iyo. Kami ni Dennis ang mag-boyfriend noon. Our relationship was serious. Siyempre, serious dahil kung fling lang iyon ay hindi naman siguro iyon mauuwi sa pagpapagawa ko ng wedding gown. But things changed when he met Louise. We broke up. And to make the story short, sila na nga ang mag-asawa ngayon."

Tamang-tamang napigil sila ng traffic light sa isang intersection. Lumingon ito sa kanya at seryosong tumitig.

"How are you now, Haidee. Okay ka naman?" bakas ang concern na tanong nito.

And she was touched. "I'm okay, Tim," mabilis na sagot niya. "Matagal na iyon, mahigit dalawang taon na."

"Pero wala ka pa ring boyfriend after Dennis?"

"Yes. At wala akong nakikitang problema doon."

"Pero ang pamilya mo, mayroon. Ngayon ko lang naisip kung bakit ganoon na lang sila kainteresado sa pagtatanong kung may plano tayong magpakasal."

Matabang siyang tumango. "That's for their own peace of mind and not for me."

"Ano ang nararamdaman mo ngayon?"

Matabang din siyang tumawa. "Ano ba ang dapat kong maramdaman? Di, wala."

"Ows?"

"Tim, hindi ko mabubura ang nakaraan. It's a given fact na nagkaroon kami ng relasyon ni Dennis. Sabi mo nga, I was almost there. I even had the wedding gown. Pero sabi nga rin ng iba, maraming nangyayari sa mundo na hindi inaasahan. Kagaya na lang ng paghihiwalay namin kahit malapit na sana kaming ikasal. At least sa kaso namin, hindi pa naman kami umabot sa puntong naipamigay na namin ang mga invitation. It was a good thing na inuna namin ang wedding gown, dahil na rin sa ilang buwan ang inaabot na preparasyon para sa damit. When Louise came into the picture, nagbago ang lahat. I know Dennis. At hindi rin ako manhid para hindi ko malamang nagbabago na siya sa akin. He got more interested with Louise kaysa sa inihahanda naming kasal. And I'm too proud and practical para ipagpilitan ko pang ituloy ang kasal namin. Nakipaghiwalay ako. And you know what happened next. Kasal na nga sila ngayon," mahabang sabi niya.

"No hard feelings?" tanong nito.

"Ipokrita ako kung sasabihin kong okay lang ako. Noong simula siyempre, mahirap din. Kung hindi madaling ipagpalit ka ng fiance mo sa iba, mas lalong hindi madali na sa isang babaeng halos kapatid ko pa ang ipinagpalit sa akin. Pero marunong din akong humarap sa katotohanan. Inisip ko na lang na mabuti na rin iyon kaysa umabot pa sa puntong kung kailan kasal na kami ay saka naman mabaling kay Louise ang atensyon ni Dennis. Kung magkakarelasyon sila sa panahong kasal na kami halimbawa, bukod sa kasalanan na ay tiyak na magiging eskandalo pa iyon ng pamilya. And that would be more damaging."

"Sounds realistic and practical," komento nito.

"Indeed. And you don't have to worry about me. Matagal na akong naka-recover sa pangyayari na iyon. Siguro ay hindi ka maniniwala kung sasabihin ko sa iyo na natanggap ko na ngayon si Dennis bilang parang bayaw pero iyon ang totoo. Medyo nakakaasiwa nga lang talaga kung minsan ang paghaharap naming tatlo. Hindi ko alam kung kanino ibabaling ang sisi pero sa tingin ko, si Louise din naman ang dapat sisihin. Siya itong insecure pa rin sa kabila nang pinakasalan na siya't lahat ni Dennis."

"Si Dennis, hindi ba siya nagi-guilty na ipinagpalit ka niya ay Louise?"

"Hello, Tim! Mas nauna siyang nagkagusto kay Louise bago nagkagusto si Louise sa kanya. Bakit siya magi-guilty ngayon? Besides, kung iyon man ang nararamdaman niya, well, wala na akong magagawa roon. He's now a thing of my past now. Anuman ang nararamdaman ko sa kanya noon ay nabura nang lahat sa paglipas ng panahon."

"Pero wala ka pa ring boyfriend until now."

"Wala nga. At hindi ko naman pinoproblema ang tungkol doon."

"Pero pinoproblema nila."

"Well, bahala sila. Basta ako, kuntento naman ako sa buhay ko ngayon."

"Kahit walang boyfriend?"

"Tim, hindi ka rin makulit, ano?"

Tumawa ito. Yaong uri ng tawang kilalang-kilala niya. Magaan na tawa na parang sa bata, na parang kay gaan ng tingin nito sa lahat ng nangyayari sa mundo.

Nakitawa si Haidee. And while they were sharing a good laugh, na-realize niya kung gaano niya na-miss ang binata.

*****

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Wedding Girls Series 19 - HaideeWhere stories live. Discover now