WG Haidee - Part 9

366 12 0
                                    

"KAIN TAYO sa labas, Haidee. Treat ko," sabi sa kanya ni Sydney.

Katatapos lamang ng isang kasalan kung saan nagtrabaho siya bilang emcee at singer naman si Sydney. At kagaya ng dati, kung sabay silang nagpunta sa venue ay sabay na rin silang uuwi. Pareho lang silang sa Pasig nakatira. At pabor sa kanyang masabay kay Sydney dahil may kotse ito at nalilibre na siya sa pamasahe.

"Hindi ka pa ba nabusog sa mga kinain natin?" kantiyaw niya dito.

Ang totoo ay hindi mahahalata kay Sydney ang pagiging magana nitong kumain. Hindi lang siya ang wedding girl na naiinggit kay Sydney kung hubog ng katawan ang pag-uusapan. Parang nakikiraan lamang sa katawan nito ang pagkain. Isang malaking biyaya kay Sydney na mabilis ang metabolismo ng katawan nito. Ni walang makakapa dito ga-kurot mang bilbil.

"Eh, ang layo kaya nitong Bulacan sa uuwian natin? Baka ma-traffic pa tayo sa daan. Pagdating natin ng Balintawak, gutom na ako. Hindi naman madaling magmaneho, 'no? Nakakagutom iyon!"

Lumapad ang ngiti niya. "Kungsabagay, ikaw na ang maysabing treat mo. So, bakit pa ako tatanggi?"

"Malaki ang tip na ibinigay sa akin noong mga ikinasal kaya feeling generous ako ngayon."

"Ouch! Ako din naman binigyan ng tip. Pero hindi ko naiisip na manlibre."

"Palibhasa'y kuripit ka!" kantiyaw nito. "Masama iyan, Haidee. Baka makasanayan mo ang pagtitipid. Bandang huli, kahit may gagastahin ka na, ayaw mo nang maglabas ng pera."

"Hindi naman," depensa niya. may pinag-iipunan lang ako. Look at you, may kotse ka na at sunod ang lahat ng luho mo. Someday, gusto ko rin namang makapagpundar ng sarili kong sasakyan."

"Mura lang ang sasakyan. Huwag kang bumili ng brand new para makatipid ka. Iyong mga slightly used na second hand ang hanapin. Malaki ang matitipid mo."

"Hindi naman kaya malaking sakit ng ulo lang ang segunda-mano? Baka mamaya, mas madalas pang nasa talyer iyon kaysa nagagamit ko."

"Depende iyan sa bibilhin mo. Kaya nga ang advise ko sa iyo, iyong slightly used ang hanapin mo. Iyong mga one or two years old pa lang. Malaki na ang kamurahan niyon kumpara sa brand new pero parang bago pa ang andar ng ganoon lalo na kung ang matatapatan mong mabili ang iyong mababa pa ang mileage."

"I'll bear that in mind. Malaki na rin ang naitatabi ko para pambili ng kotse. Probably, before the end of this year, I'll be driving my own car na."

"Sana nga. And I wish, before the end of this year, magka-boyfriend ka na rin. Iyong totoong boyfriend, hindi bogus na kagaya ng dinala mo sa hotel para lang may maipakilala ka sa pamilya mo. And speaking of that, kumusta na kayo ni Dao Ming Si?"

"Dao Ming Si?!"

Tumawa si Sydney. "Iyong Intsik na bogus boyfriend mo. Ano na nga pala ang balita sa kanya? Hindi ka man lang nagkukuwento ng tungkol sa kanya."

"Ah," kaswal na react niya at sandaling nag-isip.

Mahigit isang linggo na rin ang lumipas matapos ang dinner na iyon. Inihatid siya ni Tim sa tinitirhan niya at nagpalitan sila ng cellphone number. Ilang beses din silang nagpalitan ng text hanggang sa sumunod na dalawang araw pero pagkatapos niyon ay naputol ang kanilang komunikasyon.

Natatandaan pa niyang siya ang huling nag-text sa binata. Pinadalhan lang naman niya ito ng forward message na bumabati ng magandang umaga. Hindi nag-reply si Tim. At inisip niya, kaysa sa kanya ay hamak namang mas abalang tao si Tim.

Siya, nagiging abala lang nang husto kapag may kasalan siyang pupuntahan upang magtrabaho. Sa ibang maluwag ang kanyang araw ay nakapirmi lang siya sa bahay. Paminsan-minsan ay nakakatanggap din siya ng hosting job sa ibang events pero mas madalas na kumikita siya bilang wedding emcee.

Wedding Girls Series 19 - HaideeHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin