WG Haidee - Part 14

306 7 0
                                    

SUMUNOD na araw ay natapos na rin ang pakay ni Tim para sa isa pang negosyong papasukin nito.

Hindi man naiintindihan ni Haidee ang transaksyon nito ay alam niya kung ano ang produktong aangkatin ni Tim.

Chinese herbs.

Bagaman parang kabute nang nagkalat sa Binondo ang iba't ibang botikang Intsik, malaki pa rin naman daw ang market para sa Chinese herbs dahil higit na may sampalataya ang mga Intsik sa kung anu-anong pinatuyong dahon at sanga ng kahoy kaysa sa mga kimikal na gamot.

Tinupad ni Tim na dadalhin siya nito sa Window of the World. Tuwang-tuwa naman siya.

Kinulang pa ang nalalabing oras ng maghapon kaya kinulit siya ni Tim na bumalik uli sila doon kinabukasan.

"Ayaw mo bang mamasyal sa Great Wall of China?" tanong nito sa kanya.

"Gusto ko rin. Kaya lang bitin pa ako sa Window of the World. Gusto kong bumalik pa doon."

"Okay. After that, punta tayo sa Great Wall."

Umungol siya. "Pamilyar na sa akin ang Great Wall. Kahit sa design ng cross stitch, may makikita kang Great Wall of China."

Natawa ang binata. "Mas maganda kung magkakaroon ka ng picture na background mo mismo ang Great Wall. Saka kulang ang pamamasyal mo dito sa China kung hindi ka pupunta doon. Ako nga, noong first time na matuntong dito, doon ako agad nag-aya."

"Eh, Intsik ka naman. Siyempre, bahagi ng kultura at kasaysayan ng lahi mo ang Great Wall. Ako, Pinay. Pinay na Pinay," ngisi niya. "Pero hindi ako interesadong pumunta sa Luneta kung saan binaril si Rizal."

"Dahil pumangit na ang image ng Luneta. Bukod sa maraming masasamang-loob na nagkalat doon, naging tipikal pang puntahan ng mga katulong at Bisayang dumadayo sa Maynila. Iyong medyo sosi na kagaya mo, kinalimutan na ang Luneta. Mas gusto ninyong magbabad sa mall o kung saan pang gimikan."

Pinagtaasan niya ito ng kilay. "Kung magsalita ka, akala mo, kung sino kang nationalistic. Aber, kung nationalistic ka nga, bakit hindi ka na lang dito sa China tumira? Ano ang ginagawa mo sa Pilipinas."

"Nagnenegosyo," mabilis na sagot nito. "Saka mixed culture na ako. Mahal ko rin ang bayan ng Perlas ng Silanganan."

"OA!" kantiyaw niya.

"Pikon ka naman," ganting-kantiyaw nito.



PAGDATING nila sa hotel ay ibinaba lang ni Haidee sa paanan ng kanyang kama ang ilang shopping bags.

Nasira ang pagiging kuripot niya sa lugar na iyon. Pagkatapos ng dinner ay dinala siya ni Tim sa isang night market. Nakakaengganyo ang mga bilihin dahil lubhang mura ang mga iyon. At dahil marunong si Tim na mag-Mandarin, mura na ang mga iyon ay lalo pa silang nakamura kapag tumatawad ang binata.

"Matutulog ka na?" tanong sa kanya ni Tim.

Magkasama sila sa hotel room. Dalawang single bed ang laman niyon kaya hindi naman sila magkatabi sa pagtulog. Of course, hindi na siya humihiling ng higit pa roon.

Masaya na siyang ilang araw na silang magkasama ni Tim. At maging sa pagtulog ay magkasama pa rin sila. Hindi na bale kung mayroong ilang dipa na layo ang kanilang mga kama.

Nakatingin siya kay Tim nang maghubad ito ng T-shirt. Hindi na siya nagulat nang basta na lang nito initsa iyon sa silya.

Ganoon din ang gawi nito nang nakaraang araw kaya nasira nag ganda ng kuwarto ng hotel na tinutuluyan nila dahil para itong ahas na basta na lang naghuhunos sa kung saan.

Tila balewala dito ang maghubad kung naroroon lang siya. Wala nga marahil malisyang iniisip si Tim sa pagitan nilang dalawa.

Pero sorry na lang ang binata. Dahil kahit hindi siya kumikibo at patingin-tingin lang dito, malaking kasiyahan naman ang nagiging dulot niyon sa dibdib niya.

Tim had a nice body.

Hindi man kalakihan ang katawan nito ay hindi rin naman ito payat. Siksik ang mga laman nito. Pipis ang tiyan at makinis pa ang balat. Palaisipan tuloy sa kanya kung kagaya din kaya ito ng mga babaeng Intsik na ugali nang maligo ng tsaa dahil pampakinis daw iyon ng kutis.

Kinalas din nito ang sinturon pero hindi nito inalis sa sinturera ng pantalon iyon. Sa wari ay nais lang nitong makahinga nang maayos. Niyuko nito ang suot na rubber shoes at hinubad iyon. Isinuksok ang medyas sa loob ng sapatos bago iyon sinipa patungo sa ilalim ng sofa.

"Yuck!" aniyang hindi nakatiis na mag-react. "Kadiri ka, Timoteo. Bakit hindi mo kaya ilagay sa laundry bag ang medyas mo? Gusto mo pang lumlumin. Di bale sana kung mabango."

"Bakit, hindi naman amoy patay na daga ang paa ko, ah?" depensa nito at itinaas ang mga binti sa mesita.

"Kahit na ba, eh. Napawisan na ang paa mo sa buong maghapon. Dapat sa medyas, kung hindi mo man malabhan agad, eh, huwag mong itago sa loob ng sapatos kagaya ng ginawa mo. Pati sapatos mo, babaho."

"Nagger," tudyo nito sa kanya. Niyuko nito ang sapatos at kinuha roon ang hinubad na medyas. Initsa nito iyon sa isang sulok kung saan may nakatambak na marurumi nitong damit. "There. Satisfied?" ngisi nito sa kanya.

"Grabe! Napakakalat mo," aniya.

"Sleep, Haidee. Hindi ba't matutulog ka na? Baka mawala pa ang antok mo kapag pinansin mo pa ang lahat ng kilos ko. This is me. Magtiis ka sa kalat ko." At ngumisi ito uli sa kanya.

"Kung ako ang makakasama mo sa habambuhay, hindi puwede ang ganyan. Itatapon ko sa basurahan ang mga iyan."

"Di, bibili na lang ako uli," pilosopong sabi nito at pahinamad na sumandal sa sofa. "Anong oras tayo gigising bukas?" tanong nito mayamaya.

"Ewan ko sa iyo. Saan ba tayo pupunta?"

"Kung saan mo gusto. After breakfast, kung gusto mo ay bumalik tayo sa Window of the World. Kapag sawa ka na doon, punta naman tayos a Great Wall."

Napangiti siya. "Talagang hindi ka papayag na hindi ako makarating sa Great Wall, ano?"

"Sayang naman ang punta mo dito kung hindi ka pupunta doon. I'm telling you, mag-e-enjoy ka doon."

"Sure ka?"

"Sure na sure! Matulog ka na para hindi ka mahirap gisingin bukas. Para ka pa namang mantika kung matulog. Kung thirty minutes lang, ginigising kita."

Sa pagkakataong iyon ay siya naman ang ngumisi na tila nang-aasar. Sa ilang araw nilang magkasama ay nadidiskubre na rin nila ang ugali ng isa't isa. "Bakit ba, eh, ang sarap matulog," katwiran pa niya. "Good night, Tim."

"Good night."

Bumiling siya ng higa patalikod dito. Kahit nararamdaman na niya ang antok ay alam niyang hindi siya agad na makakatulog kung kaunting dilat lang ang gagawin niya ay si Tim ang makikita niya.

Nang ipinikit niya ang mga mata ay narinig niyang nag-Hello si Tim. Pinigil niya ang mapabuntong-hininga. Alam niya, si Ching ang tinatawagan nito. At minsan pa ay nakadama siya ng pagseselos.

*****

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Wedding Girls Series 19 - HaideeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon