WG Haidee - Part 13

322 11 0
                                    

"HINDI pa rin ako makapagdesisyon, Haidee," sabi sa kanya ni Lucille nang tumawag ito uli. "Nabanggit ko na sa papa mo na mag-out of town kami. Okay naman sa kanya. Ako pa nga ang pinapapili kung saan ko gustong pumunta. Kaya lang, parang gusto ko pa ring magpa-party."

"Tita, kung magpapa-party ka, baka hindi ako makarating," sabi na niya agad. "Aalis ako, eh."

"Saan ka naman pupunta?" nagulat na tanong nito.

"Sa China. Isinasama ako ni Tim."

"China?" mas gulat na reaksyon nito. At bigla ay nagbago ito ng tono. "Naroroon ba ang pamilya ni Tim? Ipapakila ka na niya sa pamilya niya?" may halo pang kilig na tanong nito.

Wish ko lang! gusto sana niyang isagot. "Hindi ko alam, Tita," paiwas na sagot niya. "Basta isinasama niya ako, eh."

"Well, if that's the case, malamang nga ay mag-out of town na lang kami ng papa mo. Teka, itinawag mo na ba sa papa mo ang tungkol sa pagsama mo kay Tim sa China? Alam mo naman ang papa mo. Minsan ay umaandar din ang pagka-conservative niyon."

"Itatawag ko nga sana sa kanya ngayon pero nauna na ang tawag ninyo."

"Hayaan mong ako na lang ang magsabi sa kanya, Haidee. I'll tell him about our out of town trip. Gusto kong maging excited muna siya sa magiging bakasyon namin at saka ko bubuksan ang topic tungkol sa iyo."

"Ikaw ang bahala, Tita. May passport naman ako. Ipinapaayos lang ni Tim ang visa ko para makapasok ako sa China. I guess we'll be leaving soon."

"Have a good time, Haidee. Sana pagbabalik ninyo ay kasalan na ang pag-uusapan natin."

Malabo iyong mangyari, nais sana niyang isagot.



China

LIKAS NA mahilig sa adventure si Haidee kaya kahit hindi pamilyar sa kanya ang lugar na iyon sa China ay balewala lang sa kanya. Ni hindi niya matandaan ang pangalan ng probinsyang pinagdalhan sa kanya ni Tim. Maunlad lang iyon nang kaunti sa rural area. At tila ang palatandaan lang ng komersyalisasyon doon ay ang garment factory na pinuntahan nila.

Iyon ang una nilang itinerary. Matapos nilang i-check in sa isang hotel sa mainland China ang kanilang bagahe ay doon na sila dumiretso. In fairness, hindi naman kinalimutan ni Tim na pakainin siya. Bukod sa pinakain siya nito nang busog na busog, may baon pa silang pagkain habang bumibiyahe. Makakabalik sila sa hotel na busog pa rin.

Nasa visitor's lounge siya ng naturang pabrika. Buhat doon ay tanaw ang mga makinaryang ginagamit para mabuo ang tela hanggang sa pagrorolyo ng finished product niyon.

Si Tim naman ay abot-tanaw din niya habang kausap nito ang may-ari. Isang malaking salamin ang dibisyon ng opisina nito at visitor's lounge. Kanina pa nag-uusap ang dalawa. At ang totoo ay inaya siya ni Tim na pumasok din sa naturang opisina, iyon nga lang ay tumanggi siya.

Alam niya, useless din naman kung nasa malapit siya sa mga ito. Ano ba ang malay niyang umintindi ng lengguwahe ng Intsik?

Pero hanga din siya kay Tim. Hindi niya inaasahang dalubhasa na rin ito sa wikang iyon. Noong college sila, ang paniniwala niya ay hanggang sa itsura lang ni Timoteo ang pagiging Intsik nito. Mukha itong hopeless case pagdating sa wika ng lahing pinagmulan nito.

But she thought wrong. Mukha pa ngang tunog-ibon ang mga salitang sinasabi ni Tim dahil sa bilis at intonasyon nito.

Mahigit isang oras din siyang naghintay bago lumabas si Tim at ang kausap nito. Inaya siya ng mga ito sa pinaka-pantry ng pabrika at doon nagpahanda ng pagkain ang kausap ni Tim. Bagaman hirap ito sa pag-i-Ingles ay kitang-kita naman ang effort nito na maestima din siya.

Wedding Girls Series 19 - HaideeWhere stories live. Discover now