WG Haidee - Part 7

331 11 2
                                    

"ANY WEDDING plans in the future?" kaswal na tanong ni Lucille nang nagde-dessert na sila.

Muntik nang masamid si Haidee.

Seryosong-seryoso ang tinig ng kanyang madrasta. At dahil siguro doon kaya natuon sa kanila ang atensyon ng lahat. Sa minsang pagsulyap niya sa kanyang ama ay nakita niyang naghihintay din ito ng isasagot niya.

At hindi niya alam kung ano ang pumipigil sa kanya upang sumagot agad. Kung tutuusin ay napakadali lang ng isasagot niya. Sasabihin lang niya na wala pa silang balak ni Tim subalit parang hindi makaalpas ang ganoong pangungusap sa kanyang lalamunan.

"Napag-uusapan na rin naman namin," narinig niyang sabi ni Tim at bigla siyang napalingon dito.

Bumaling din naman sa kanya ang binata. Matamis siyang nginitian at inabot pa ang kanyang kamay na nasa ibabaw ng mesa. Kasabay ng banayad na pagpisil doon ni Tim ay ang pagtutok ng mga mata ng kaharap nila sa mga kamay nilang magkadaop.

Muli ay tila naguluhan ang pakiramdam ni Haidee.

Aware siyang bahagi lang ng pagpapanggap ang ganoong kilos pero bakit parang apektadong-apektado siya?

As if, she was wishing everything was for real.

Hindi puwede, mabilis na dikta niya sa sarili. May girlfriend na si Timoteo.

"W-wala pa kayong engagement ring?" tanong ni Dennis.

Napalingon si Haidee sa lalaki at hindi naiwasang mapakunot nang bahagya ang noo.

Kaswal lang ang tanong na iyon pero iniisip niya kung gaano kaya kahalaga para sa lalaki ang isasagot niya?

O baka naman nagiging paranoid lang siya sa sitwasyon nila. Pinigil niyang mapabuntong-hininga. Naisip na sana ay hindi na lang siya nakisali sa dinner na iyon.

Pero naisip din niya agad, makatakas man siya sa pagkakataong iyon ay hindi naman puwedeng palagi na lang ganoon ang gagawin niya. Sa ayaw man niya o sa gusto ay hindi uubrang hindi magtagpo ang landas nila ni Dennis sapagkat para na rin silang isang pamilya ngayon.

"Yeah, kung napapag-usapan ninyo na ang tungkol sa kasal, ibig bang sabihin ay hanggang doon pa lang?" usisa ni Louise. "Hindi ka pa ba nagpo-propose kay Haidee, Tim?"

At ngayon ay siguradong-sigurado na si Haidee. Kung may posibilidad na kaswal na tanong lang ang binitiwan ni Dennis, iba si Louise. Dahil kilalang-kilala niya ang babae.

At base sa tono nito ngayon, alam niya, importanteng-importante dito na masagot ang tungkol doon.

"Soon," narinig naman niyang sagot ni Tim.

Nag-react ang kamay niya subalit mas maagap ang naging higpit ng hawak doon ng binata. Na para bagang sinasabing hayaan niya ito sa pagsagot sa mga tanong ng kanilang kaharap.

"How soon?"

Ang kanyang papa ang nagtanong niyon. At dahil doon ay parang sinilihan si Haidee sa inuupuan. Madali para sa kanya ang pagpapanggap sa tatlo pang naroroon pero kapag ang papa na niya ang involved ay inaatake siya ng nerbiyos. Hindi niya ugaling magsinungaling sa kanyang papa. Pero alam din niya, hindi iyon ang pagkakataon upang maging tapat.

Alangan namang sabihin na lang niyang bigla na hindi naman totoo ang palabas nila ni Tim at magkaibigan lang naman silang talaga?

"Sir, mayroong engagement ring ang mother ko. It's a heirloom. Ilang henerasyon na rin ang pinagsalinan at nabanggit ko sa kanyang in the near future ay hihingin ko iyon sa kanya para naman ibigay sa babaeng pakakasalan ko, si Haidee nga."

Wedding Girls Series 19 - HaideeWhere stories live. Discover now