[17] Second Wave

299 17 8
                                    

DELVIN

MALALAKAS NA putok ng baril ang maririnig sa bawat sulok ng abandonadong warehouse na ni-raid ng pulisya. Matapos ang dalawang araw na paghahanap kay Sebastian, napadpad kami sa Subic para sa isang rescue operation. Natagalan din kasi kami sa pagtunton sa lokasyon niya kaya sana'y maayos pa ang kaniyang kalagayan.

Kung 'di lang nag-operate ang cellphone ni Sebastian sampung oras bago ang raid, malabo naming ma-trace ang kinaroroonan niya nang mabilis. Idagdag mo pa ang tagal ng pakikipag-communicate ng Angeles Police sa awtoridad ng Subic para maisagawa ang rescue operation.

Noong una, iniisip namin na baka patibong lamang 'to dahil bakit biglang bubuksan ng abductor ni Sebastian ang cellphone ng kasama ko? Pero 'di naman siya tumawag, o nag-online kaya masasabi kong 'di niya kami nili-lead patungo sa lungga niya—maliban na lang kung alam niya ang hidden tracking app sa cellphone. Hula ko'y may tinignan lang siya sa r'on.

Meroon man o wala, maganda nang kumilos kami habang may oras pa. 'Di namin alam kung ano'ng mangyayari sa aming kasama habang pinapatagal ang paghahanap. Kung may pintuang bumukas sa harapan namin, kailangan naming pumasok!

Thank God! Tama ang desisyon namin.

Bumuntong-hininga ako habang pumupuslit sa warzone. Buti na lamang ay madilim dito't naka-itim ako na long-sleeved. Nakikibagay din sa kadiliman ang dark tan skin ko. Gabi na rin. Malabong makita ako ng sinuman nang 'di ako naiilawan. Nakakakita naman ako salamat sa night vision contact lens na binigay ni Professor Salazar.

Sa totoo lang, 'di ako pinapasama ni Inspector Guerrero sa raid na 'to. Dapat nga'y nasa Angeles ako ngayon, nagdarasal sa magiging kahihinatnan ng kanilang misyon. 'Yon nga lang, matagal na akong lumaya sa pagiging tamed lion, kaya patago akong sumama patungo rito.

"Tulong!" paulit-ulit na sigaw ng isang pamilyar na tinig.

Kumunot ang aking noo habang iniisip kung kanino nga ba ang boses na 'yon. Pinakinggan ko nang maigi habang sinusundan ang tinig na palakas nang palakas habang tinatahak ang deretsong direksiyon. Gayunpaman, biglang tumigil ang sigaw, pero nararamdaman kong malapit na ako. Pinatahimik ba siya ng kung sino?

Ilang metro ang layo mula sa akin, mayroon akong nakitang anino na may karga-kargang parang tao. Pagkalabas niya sa isang pinto'y dumeretso siya sa direksiyong tinatahak ko. Balak ko sana siyang habulin, pero napatigil ako sa kuwartong konektado sa apat na lagusan nang mapansin ang taong nakahandusay sa silid na may malabong ilaw sa gitna, sa likuran ng mesa sa harapan ko.

Punit-punit ang kasuotan niya mula sa kaniyang black slacks at puting polo. Malabong ang kaniyang buhok. Kitang-kita sa kaniyang kasuotan ang pulang likido. Pagkalapit ko sa kaniya'y napasigaw na lang ako, "Sebastian!"

Pinunit ko ang likurang parte ng kaniyang polo na namantsaan ng dugo't grasa. Mukhang mayroong bumaril mula sa kaniyang likuran na tumama sa kanang tagiliran. Posible kayang ang tumatakas na anino kanina ang may kagagawan nito?

Kaagad kong hinubad ang itim na long-sleeved sweater ko't pinagpupunit 'to. Nilapat ko ang ibang strips sa gunshot wound niya't diniinan ko 'yon para mapigilan ang pagdanak ng dugo. Walang reaksiyon sa kaniyang mukha kaya masasabi kong tuluyan na siyang nawalan ng malay. Pinaikot ko sa kaniyang katawan ang natitirang strips upang bendahan ang sugat.

'Di kami p'wedeng manatili rito. Malubha na ang lagay ng nag-iinit ding katawan ng kasama ko. Kung hihintayin muna naming matapos ang putukan sa labas, siguradong 'di na makakaabot nang buhay sa ospital si Sebastian. Nakakabahala na rin ang paghina ng kaniyang pulso.

Napakamot na lamang ako ng ulo habang iniisip kung ano'ng gagawin. If I were Denzin, anong direksiyon ang tatahakin ko? S'yempre! Ang direksiyong mas mataas ang tiyansa na mapataboy si Kamatayan.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: May 23, 2020 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

The Incomplete Detective [Volume 1]Where stories live. Discover now