Mission #1

5.4K 226 40
                                    

Mark Kieffer Montilla

Kasalukuyan akong naglalakad na mag-isa sa kahabaan ng pasilyo ng Cyber High. Damang-dama ko ang malamig na simoy ng hangin kasabay ng paghampas nito sa aking mukha.

Na-miss ko tuloy sa probinsya namin sa Palawan kung saan ako dating nakatira. Lumipat ako ako dito sa Maynila para dito na mag-aral ng senior high dahil hanggang grade school lang ang ino-offer ng mga eskwelahan sa amin.

Bukod dito, may isa pa akong dahilan kung bakit ako nagdesisyong lumipat dito sa Maynila at sa Cyber High napiling mag-aral. Ito ay dahil sa kababata kong si Reed Chaves.

Dito rin siya nag-aaral at hindi ko maiwasang makaramdam ng kaba sa posibilidad na magkita kami ngayong unang araw ng klase. Sa tagal ng panahon na hindi kami nagkikita ay baka hindi na niya ako makilala.

Simula nang magkamuwang kami sa mundo ay naging malapit na kami sa isat isa at dahil na rin sa mga magulang namin. Simula Grade 1 hanggang Grade 5 ay magkaibigan na kami ni Reed. Halos hindi na kami mapaghiwalay noon at kulang na lang ay magtabi kami sa isang kama sa pagtulog.

Doon din nagsimulang mahulog ang loob ko sa kaniya. Mali. Iyan ang una kong sinabi sa sarili ko. Mali ang nararamdaman ko para sa kaniya subalit habang tumatagal ay mas lalo lamang tumitingkad ang paghanga ko sa kaniya. Iyon ang unang araw na nakaramdam ako ng pagmamahal sa isang tao, at lalo na sa kapwa ko lalaki.
Halos araw-araw ay lagi akong sumasama kay Reed sa bahay nila upang maglaro. Halos sunduin na nga ako nila Mama at Papa dahil gabi na ako kung umwi. Masaya ako kapag nasa paligid ko si Reed. Komportable ako sa tuwing kasama ko siya.

Pero nagbago ang lahat ng iyan nang malaman kong umalis na ng Palawan sina Reed kasama ang kaniyang pamilya upang sa Maynila na manirahan. Umalis na rin ang Mama ni Reed na isang guro sa aming paaralan.

Hindi man lang siya nakapagpaalam sa akin nang araw na iyon dahil sobrang taas ng lagnat ko noon. Halos nawalan na ako ng gana sa araw-araw na pagpasok sa eskuwelahan dahil wala na ang matalik kong kaibigan at doon na rin nagsimula na makaranas ako ng pambu-bully.

Dati ay hindi ako takot na ma-bully dahil nandiyan si Reed upang ipagtanggol ako pero nawala lahat ng iyon ng tumuntong ako ng Grade 6. Hanggang sa makapagtapos ako ay siya lang ang nasa isip ko. Sabihin niyo nang baliw ako pero sobra-sobra ang pagmamahal ko sa kaniya.

Lagi akong updated sa social media accounts ni Reed simula noon at hanggang ngayon. Doon ko rin nalaman na dito siya mag aaral sa Cyber High.

Dahil sa nabalitaan kong iyon ay nakiusap ako kay Mama na sa Maynila na ako magpapatuloy ng pag-aaral. Noong una ay ayaw pang pumayag nina Mama at Papa dahil ayaw nilang mahiwalay ako sa kanila dahil ako lang ang kaisa-isang anak nila pero wala silang magawa dahil gustong-gusto ko talagang magpatuloy sa pag aaral dito. Nangako naman ako sa kanila na iingatan ko ang sarili ko at uuwi tuwing bakasyon.

Ngayon nga ay nandito na ako sa Cyber High upang magsimula ng bagong yugto ng aking buhay bilang isang mag-aaral at upang hanapin na rin ang kaibigan kong si Reed.

“OMG, best kita mo iyon ang gwapo niya, sh*t! Ano kayang section niya? Grabe, mukhang may bago na namang gwapong nilalang ang napadpad dito sa Cyber High!” narinig kong bulong ng isang babae nang mapadaan ako sa school cafeteria.

“Naku, best, sure ka bang guwapo iyan baka naman barbie, tingnan mo ang lakad niya.” Gusto kong matawa sa sinasabi nila sa akin pero nanatili na lang ako sa paglalakad.

Wala naman akong pakialam sa sasabihin sa akin ng mga tao dito dahil sa isang tao lang naman ako may pakialamkay Reed.

Habang naglalakad ay may narinig akong nagsisigawan na grupo ng mga babae. Wala na sana akong balak na pansinin iyon nang marinig ko ang sinisigaw na pangalan ng mga ito.

“OMG, guys, nandiyan na si Reed.”
Halos magpanting ang tainga ko dahil doon, agad akong lumapit sa nagkakagulong grupo ng mga babae at nakipagsiksikan na rin para lang makita kung sino ang pinagkakaguluhan nila. Bahagya namang nagtaka ang mga babaeng nagkakagulo dahil sa ginagawa ko.

Halos hindi ko na makita si Reed dahil sobrang daming matatangkad na babae ang nakaharang sa unahan, yong iba pa ay may mga dalang banners na alam ko na para kay Reed.

“Wow, ganito na pala kasikat si Reed, for sure sobrang laki na ng pinagbago niya ngayon,” bulong ko sa aking sarili.
Nakipagsiksikan pa rin ako sa mga babaeng nakaharang pero kahit anong gawin ko ay hindi ko man lang magawang umusad. Halos maapakan na nga nila ang sapatos na kabibili ko pa lang nang unang araw na dumating ako dito sa Maynila.

Laking gulat ko nang biglang may tumulak sa aking isang babae.

“OMG, sorry po talaga hindi ko po sinasadya na mabangga kayo.” Nilahad niya ang kamay niya sa akin. Aabutin ko na sana ito nang biglang may humatak sa kamay kong dapat sa babae ko iaabot.

"Are you okay?" tanong ng isang pamilyar na tinig.

Halos manlamig ang buo kong katawan, feeling ko tuloy tumigil sa pagdaloy ang dugo ko nang marinig kong muli ang boses na iyon. Medyo may pinagbago nang kaunti sa kaniyang boses pero gano’n na gano’n pa rin ang dating nito. Parang musika sa aking tainga ang boses niya.

“Hey, are you okay?” he asked again.
Nag-angat ako ng tingin upang masilayan ulit ang kaniyang mukha. And I was surprised nang makitang nakangiti siya sa akin.

“O-oo, okay lang ako!” nauutal na sagot ko.

“Sa susunod, huwag ka nang makikipagsiksikan sa mga babaeng ito!” sabi niya sabay turo sa mga babaeng kanina lang ay nagkakagulo pero ngayon ay parang isang grupo ng maamong tupa.

“Napadaan lang naman ako dito, hindi ko akalaing nagkakagulo pala sila, saad ko.

Nginitian niya lamang ako at iniwan na akong nakatulala doon. Pati ang mga fan girls niya ay parang asong nagsisunod sa kaniya. Pinagmasdan ko lang ang malapad na likod ni Reed habang papalayo ito nang papalayo.

“Grabe, hindi man lang ba niya ako nakilala?” tanong ko sa aking sarili.

“Hoy, baklita!”

“Ay palaka!” Halos lumundag ang puso ko dahil sa babaeng nanggulat sa akin.

“Bakit ka ba nanggugulat?” naiinis kong buwelta sa kaniya.

“Wala, trip ko lang at excuse me, mas maganda yata ako sa palaka,” sarkastikong sagot nito. Iiwan ko na sana siya doon upang sundan si Reed pero bigla niyang hinawakan ang kamay ko.

“Ano ba, may topak ka ba?" naasar kong sabi sa kaniya.

“Ikaw yata ang may topak, sa tingin mo ba makaka-survive ka sa bulto-bultong babae na fans ni Reed,” nainis niyang sabi.

“Ano bang pakialam mo at teka nga sino ka ba?”

Umayos siya ng pagkakatayo at tiningnan akong maigi sa mata, ngayon ko lang napansin na singkit pala siya.

“I'm Chinny Chua, half filipino half Chinese,” sabay lahad niya ng kamay sa akin.

Tinitigan ko lang ito sabay talikod dahil hindi ako interesado sa kaniya.

“Ay ang suplado naman nito, guwapo sana eh, ang sungit lang,” narinig kong bulong niya.

Dahil sa inis ay muli ko siyang hinarap. Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya nang may ngiting kakaiba sa labi. Kita ko ang kaba sa kaniyang mukha na ikinatuwa ko naman.

“Hoy, anong balak mong gawin, ha. Kung may balak ka sa aking masama puwedeng huwag dito?”

Aba, humirit pa itong babaitang ito, ah. Nang magkalapit kami ay dahan-dahan kong inilapit ang aking mukha sa kaniyang mukha.

“Gusto ko lang sabihin sa iyo na puwedeng hayaan mo ako sa gusto kong gawin. At puwede huwag mo akong tawaging guwapo dahil hindi ako guwapo.”

I used my charms sa babaeng ito para tigilan na niya ako kahit sobrang sukang-suka na ako sa pinaggagagawa ko. Iniwan ko na siya doon at nagsimula na ulit maglakad.

“Ba-barbie ka?” narinig ko pang sabi niya.

Napangisi na lang ako dahil sa naging reaksyon niya. Hindi naman ako bakla o baklita o kung ano man ang tawag nila doon. Never pa ako nakaramdam na isa ako sa grupo ng mga bakla. Ang alam ko lang ay inlove ako kay Reed. Nothing more nothing less.

Addicted To You |BxB| (Published Under TBC Publications)Where stories live. Discover now