"Ancient Phoenix Shrine. Ang bilis n'yong umaksyon... at hinahangaan ko kayo dahil sa hakbang niyong ito..." pabulong na sambit ng pigurang nakasuot ng ginintuang maskara. "Gayunman, kung sakaling salungatin n'yo ako at pakialaman n'yo ang aking misyon, iyon na rin ang katapusan n'yo... at kasama na ako."

Tumingin ang pigura sa itaas. Nakatingin lang siya at mapapansin bigla ang takot sa kanyang pares ng pilak na mga mata.

--

Mabilis na lumipas ang tatlong araw. Sa tatlong araw na ito, nagpatuloy ang kasiyahan. Kainan, inuman, kwentuhan, batian at pagpapakilala ng mga Adventurers na nagmula sa iba't ibang dako ng kontinente. Maraming nagkakilalanlan sa bayang ito. Mayroong mga hari, prinsipe, prinsesa, ministro at maiimpluwensya Adventurer. Kahit na mataas ang kanilang estado sa buhay, hindi sila nangahas na magyabang o magmalaki sa lugar na ito. Ang mga away sa pagitan ng bawat kaharian ay hindi rin naungkat dito at ang dahilan, dahil sa presensya ng pinuno ng Adventurers Guild at ng mga protektor ni Finn Doria.

Natatakot sila kay Eliseo at sa pwersang pinamumunuan nito. Nagawa nilang wakasan ang Ancestral Family, s'yempre, sa tulong ng misteryosong Adventurer na protektor ni Finn Doria. Kahit na mataas ang katayuan nila sa kani-kanilang kaharian, hindi pa rin ibig sabihin noon ay wala na silang dapat katakutan. Pagtitipon ito ng malalakas, at sa bayang ito, hindi abot ang kanilang impluwensya.

Sa kasalukuyan, katatapos lang ng kasiyahan. Nasa malaking koloseo na ang lahat ng panauhin ng Craftsman Alliance at kasalukuyang nakaupo ang mga panauhin habang nakatingin sa gitna ng koloseo.

Ang koloseo na ito ay ipinagawa ni Finn Doria sa pamunuan ng Craftsman Alliance para sa pagtitipon na ito at sa mga susunod pang pagtitipon. Isa itong malaki at malawak na ampiteatro na ang pangunahing gamit ay sa paglalaban.

Libo-libong manonood ang kasya sa koloseo na ito. At ngayon, may maliit na pagpapasikat na ipapakita ang pamunuan ng Craftsman Alliance sa mga Adventurers na nagmula sa iba't ibang dako ng kontinente.

Sa kasalukuyan, mayroong tatlong grupo ang nasa gitna ng koloseo. Ang bawat grupo ay pinamumunuan ng tatlong Alliance Master; sina Creed, Augustus at Earl.

Bawat grupo, kasama ang Alliance Master ay binubuo ng anim na katao. Nakasuot ang bawat isa ng magkakaibang uniporme. Bughaw para sa grupo ni Creed, ginintuan para sa grupo ni Augustus at itim para sa grupo nina Earl.

Nagtataka at humahanga ang mga manonood nang makita nila ang bawat grupo. Hindi nila alam kung anong mayroon pero nanatili silang nagbubulungan at nagbibigay ng kanya-kanyang reaksyon.

"Mga mababang antas ng Sky Rank lamang sila..." pabulong na sabi ng isa.

"Kung ako sa 'yo, hindi ko na uulitin ang mga salitang iyan," agad na sabi naman ng kanyang katabi. "H'wag mong kalilimutan na nasa teritoryo nila tayo... marahil may rason sila kung bakit mababang antas ng Sky Rank ang kanilang mga pinuno."

Natahimik ang kaninang bumulong at kinakabang napatitig na lamang sa nasa gitna ng koloseo.

"H'wag kayong mag-alala. Hindi naman gano'n ang Craftsman Alliance..." komento ng isang lalaki na nakasuot ng balabal. "Mapagkumbaba sila at wala silang pakialam hangga't hindi tayo lumalagpas sa kanilang limitasyon."

Napatingin ang dalawang nag-uusap sa nagsalita. Nagkatinginan ang dalawa habang ang lalaking nakabalabal naman ay nakatitig pa rin sa kinaroroonan ng tatlong grupo. Ang mga mata ng lalaki ay nakatuon kay Creed.

Samantala, kinakabahan naman ang bawat isang naroroon sa gitna ng koloseo. Mayroong ilang nanginginig habang inililibot nila ang kanilang paningin sa mga manonood.

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Where stories live. Discover now