Hindi nila kayang pumagitna. Natatakot silang baka lalong lumala ang lahat. Isa pa, alam nilang hindi gagawa ang munting nilalang nang ikapapahamak ni Finn Doria at ito ang kanilang pinanghahawakan.

Nang mapansin ng binata na hindi siya pinapansin ni Munting Black, agad siyang lumutang at lumipad paalis sa lugar na iyon. Mababakas sa kanyang mukha ang galit at matinding inis. Masyadong nagiging magspang ang ugali ng munting nilalang sa kanya. Madalas siya nitong inuutusan na para bang isa siyang alipin.

Mayroong pinangangalagaang pagmamalaki ang binata. Hindi niya gustong matapakan lang ito nang kahit sino, kahit pa ang misteryosong munting itim na nilalang. Alam naman ng binata kung bakit ganito ang pakikitungo sa kanya ni Munting Black. Ito ay dahil sa pagtanggi niya sa gusto nitong mangyari, sa pagharap niya sa kanyang itinakdang kapalaran.

Nang makaalis si Finn Doria sa lugar na kinaroroonan nila Eon, agad namang mayroong hindi nakikitang barrier ang pumalibot sa apat. Isa itong uri ng barrier para hindi marinig ng iba, ang Sound Concealing Skill.

Kasalukuyan pa ring nakatingin sina Eon, Leonel at Loen sa itaas kung saan lumipad palayo si Finn Doria. Sa totoo lang, nais nilang sumunod sa binata upang samahan ito pero dahil kailangan sila ni Munting Black, hindi naman nila maaaring suwayin ang utos nito.

"Nakaalis na ang hangal na 'yon kaya makakapag-usap na tayo," seryosong sambit ni Munting Black.

Para namang naluluha si Eon nang tumingin siya kay Munting Black. Makikita sa kanyang mukha ang pagmamakaawa pero halata namang pinepeke niya lang ito, "Guro... pwede po bang maging malambot kayo kay master... kahit kaunti lang..."

Nang marinig at makita ni Munting Black ang pagmamakaawa ni Eon, napasinghal siya at tumalim ang kanyang mga tingin, "Bakit ko gagawin ang bagay na 'yon? Masyadong mapagmalaki ang binatang iyon at hindi niya man lang iniisip ang iba maliban sa kanyang angkan, pamilya at kaibigan. Masyado siyang umaasa sa kanyang mga kayamanan at sa inyong tatlo. Masyado na siyang napapanatag dahil alam niyang wala nang mangangahas na manggulo sa kanyang pamilya dahil sa inyong tatlo..."

Matalim na tumitig si Munting Black kay Eon at malamig na nagsalita, "Itigil mo na ang iyong pag-akto. Totoong bata ka palang pero hindi bagay sa tulad mong dumaan na sa maraming paghihirap at sakripisyo ang umiyak. Isa pa, ayoko nang makarinig ng kahit anong tungkol sa bagay na ito."

Seryosong tumingin si Munting Black sa tatlo at seryosong nagsalita, "Ihanda n'yo ang inyong mga sarili. Isang malakas na Adventurer ang kasalukuyang naririto sa maliit na mundong ito."

Huminto na si Eon sa pagkukunwari. Napabaling muna siya sa kanyang mga magulang bago magsalita, "Malakas na Adventurer? Paanong magkakaroon ng malakas na Adventurer sa maliit na mundong ito? At kahit na mayroon pa man, hindi kami natatakot nina ama at ina sa kanya o kanila."

Mayabang at punong-puno ng kumpyansang tugon ni Eon kay Munting Black. Mapapansing ganoon din ang makikitang kumpyansa sa mukha ng mag-asawa. Tiwala sila sa kanilang kakayahan dahil sa pagkakaalam nila, walang sino man, maliban kay Munting Black ang makatatalo sa kanilang tatlo. Mga Heavenly Lord Rank sila at hindi sila basta-basta Heaven Rank lang na hangganan na ng maliit na mundong ito.

"Kung gayon, kaya niyo nang tapatan ang isang Heavenly Chaos Rank. Magaling kung gano'n na nga," malamig at nanghahamak na hayag ni Munting Black sa tatlo.

Tila nabingi sila sa kanilang narinig. Natulala at bumakas ang pagtatanong sa kanilang mukha. Mayroon ding mababakas na takot sa kanilang mga mata. Malinaw na natatakot sila noong banggitin ni Munting Black ang salitang 'Heavenly Chaos Rank'.

"He...heavenly... Chaos Rank...? Heavenly Chaos Rank?!" paulit-ulit na bulong nina Eon sa kanilang sarili. Nakatingin sila kay Munting Black at mababakas ang takot at pangamba sa kanilang mga mukha.

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon