16

2.6K 61 0
                                    

CHAPTER 16

The Devil Brother

REN

HINDI AKO MAPAKALI sa kinauupuan ko sa traysikel papasok ng klase dahil katabi ko si Knight. Sumabay ito sa akin palabas dahil mayroon daw itong kukuning shipment sa bayan na malapit sa school. Hindi ako nagkakaganito nang dahil lamang sa pagtatabi namin dahil hindi na ako naninibago. Nagkakaganito ako dahil hindi ko maialis sa isip kong ginamit ko ang tuwalya niya at nagamit niya pala ang tuwalya ko kaninang madaling araw nang hindi niya napapansin dahil sa magkakulay ang mga ito at magkatabi lamang sa hook.

Nagmadali akong bumaba nang makarating ang sasakyan sa gate at saka agad na naglakad nang marinig kong sabihan niya ang drayber na bumalik dahil may nakalimutan siya.

Napailing na lang ako sa kawirduhan niya.

Alas tres pa lamang ay pinauwi na kami dahil may mahalagang pagpupulong ang mga guro ngunit hindi naman nila kami hinayaang umuwing humahalakhak dahil pinabaunan nila kami ng sandamakmak na takdang-gawain. Naglakad na lamang ako pauwi para na rin madaanan ko sina Mang Ador baka sakaling may ipagagawa siya sa akin.

"Nak! Tawag niya sa akin mula sa kanyang garahe."

"Bakit po? May ipagagawa po ba kayo?"

"Ah, wala naman, 'nak. Kunin mo na nga pala yung mga kadena rito, baka pwede mong ipamalit sa nasa bisikleta mo."

"Ah, sige po. Hindi niyo na po ba kailangan?"

"Nako, naiipon lang eh, wala namang gaanong nangangailangan dito. Eh kaysa naman nandyan lang, naiipunan ng alikabok, kunin mo na lang," masayahin nitong saad sa akin. Mayamaya pa ay binuksan niya ang isang malaking toolbox at saka iniabot sa akin ang isang itim na plastic bag. "Heto. Ikaw na ang bahalang magkabit ha?"

"Naku, oo naman po. Salamat Mang Ador. Siya nga po pala, sira nap o yung selpon ko. Baka bigla ninyong tawagan iyon, wala pa po akong bagong ginagamit eh. Ibibigay ko na lang po sa inyo ang bago kong numero kapag nakabili nap o ako ng bago."

Iniangat niya ang kanyang sombrero bago ako umalis.

Nakaabot ako ng bahay at dali-daling nagbihis para dumiretso sa sulok ng mga walis at bunot sa labas ng bahay kung saan ko isinisilong ang aking bisikletang may sidecar. Hindi naman ako nahirapang palitan ang kadena ngunit natural na magrasahan ang aking braso kaya naman nang matapos kong linisan ang aking pinagtrabahuhan ay kaagad din akong naglinis ng katawan, nagpunas gamit na rin lang ang pinagbihisan ko dahil basa sa sampayan ang mga tuwalya namin ni Knight na tanto ko'y nilabhan niya, at saka dali-daling nagbihis muli.

Hindi ko mahagilap si Lolo ngunit baka sana kapitbahay lamang siya gaya ng dati. Maging si Knight ay wala kaya naman ikinandado ko ang pinto bago ako umalis. Alam naman na nilang dalawa ang kinalalagyan ng spare key kaya hindi na problema ang pagkakandado.

Nagmadali akong maglakad dala ang aking papel na may listahan ng mga takdang-gawain upang makahanap ng internet shop na may bakante. Nakadalawang shop muna ako bago ako nakaupo. Hindi ko kilala ang mga tao sa bandang ito ng aming lugar marahil dahil hindi ako nagkakaraket dito kaya naman hindi ako nakakampante sa paminsan-minsang pagpapahaging ng mga naglalaro ng DOTA 2 sa tabi ko.

"Ang bilis magtype ni ate, parang galit sa ka-chat!"

"Sino yung nagtetetris?"

"Hinay-hinay naman sa pagbrowse, kaya kami natatalo eh!"

Kung titimbangin ay sila lamang na grupong naglalaro ang nasa café at ako kaya kung hindi man ako ganun ka-tanga para hindi malamang ako ang pinahahagingan ay hindi ko na alam, baka may iba kaming kasamang sila lang ang nakakakita.

That Boystown Girl [COMPLETE]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon