CHAPTER 6

91 15 0
                                    

Maagang nagising si Dashnielle nang umagang iyon. Hindi nga niya alam kung nakatulog ba talaga siya buong magdamag. Kung dati ay ganadong-ganado siya kapag papasok na sa trabaho, ngayon naman ay parang mas gusto na lang niyang magburo sa bahay kaysa makita ang Jeighcob na iyon.

Naabala siya sa pagmumuni-muni nang biglang pumasok sa silid niya si Buknoy na nakagayak na sa pagpasok.

"Ate, bumangon ka na raw diyan. Mag-a-almusal na tayo," wika nito.

"Sige, susunod na ako," tugon niya rito.

Matapos ayusin ang kanyang kama ay bumaba na rin siya at nadatnan ang kanyang ina na naghahain ng almusal. Pumunta siya sa lababo upang magmumog nang mapansin niya na wala nang laman ang maliit na planggana kung saan ibinabad niya ang polo ni Jeighcob. Naalarma siya.

"Ma, nasaan po 'yong damit na nakababad dito sa planggana kagabi?" natatarantang tanong niya sa kanyang ina.

"Ah iyon ba? Nakasampay doon sa likod---"

Dali-dali siyang pumunta sa likod ng kanilang bahay upang tingnan ang damit. Natanggal kaya 'yong mantsa ng kape?

Laking-tuwa niya nang makita ang naka-hanger na damit ng binata. Mas ikinatuwa pa niya nang mapagtantong wala na ang marka ng kape rito. Effective pala talaga ang clorox? Namamanghang wika niya sa isip.

Masaya niyang kinuha ang damit at tsaka pumasok sa loob ng bahay. Ha! Ngayon mapapatunayan ko na sa ugok na 'yon na effective talaga ang clorox! At tumawa pa siya sa kanyang naisip.

"Ikaw talagang bata ka, nagsasalita pa ako umalis ka kaagad," bungad sa kanya ng kanyang ina nang makapasok siya sa bahay.

"Ay pasensiya na kayo Ma. Ano nga po ulit 'yong sinasabi niyo?" natutuwa pa ring usal niya.

"Iyan 'kakong polo na 'yan, hindi mo dapat 'yan masyadong nilunod sa clorox. Aba'y kung hindi ko pa 'yan nakita kagabi baka gato na 'yan ngayon."

Ha?

"Kung ganon, paano po naalis 'yong mantsa dito?" naguguluhang tanong niya sa kanyang ina.

"Aba'y sa tagal ko ba namang naglalabada, siyempre hasang-hasa na ako sa pagtatanggal ng iba't ibang klase ng mantsa kaya sisiw na sa akin ang ganyan anak," pagmamalaki naman ng kanyang ina.

Buong galak niyang niyakap ang kanyang ina. "Thank you Ma! 'Da best talaga kayo!" sabay halik sa pisngi nito.

"Asus! Nambola ka pa. Kanino ba ang polong iyan 'nak? May nobyo ka na ba?" wika nito sa nangingilatis na tono.

Nagulat siya sa tanong nito. "Naku wala po Ma ah! 'Yong isa po naming customer ang may-ari niyan. Aksidente ko po kasi siyang natapunan ng kape. Pero malamig na naman po 'yon kaya di naman siya napaso," pagsisinungaling niya.

"Aba'y buti't hindi nagreklamo iyong customer ninyo. Sa susunod kasi ay mag-iingat ka," paalala nito sa kanya.

"Opo," pilit siyang ngumiti rito. Sorry Ma! Pero promise, mag-iingat na talaga ako sa susunod at titingin na ako sa dinaraanan ko.

*****

"Maaga ka ata ngayon?" Nag-aayos si Dashnielle ng kanyang uniporme nang bigla siyang lapitan ni Acky. Kararating lang nito.

"Siyempre. Bawi-bawi rin kapag late," nakangising-tugon niya rito.

Nagsimula na muli ang kanilang daily routine sa coffee shop. Serve dito, serve doon. Mop dito, mop doon. Mayamaya pa'y dumating na ang boss nila na si Sir Jed.

"Good morning Sir! Mukhang blooming ata kayo ngayon ah," panunukso niya rito.

"Naku Dashnielle, gasgas na sa akin 'yang mga lines mo na ganyan. Wala bang bago?" wika nito.

Coffee FateWhere stories live. Discover now