Nabubuhay ako para sa Sarili ko

1.1K 12 0
                                    

Anong pake ko sa'yo? Eh nabubuhay lang naman ako para sa sarili ko tulad ng isang buwaya na nabubuhay sa ilog na nais lamang na maiangat ang sarili at ang nasa baba ay manatiling nasa ibaba.

Yan ba? Yan ba ang bukambibig ng mga taong walang maipantig dahil sa kanilang tindig pa lang alam mo nang nagbubulag-bulagan.

Oo, nagbubulag-bulagan! Sa mali ng kapaligiran, sa mali ng bayan, sa mali ng bansa. Saan? Bakit? Paano? Hanggang kailan? Hanggang kailan mo sasambitin ang pangungusap na 'Anong Pake ko Sa'yo?'

Hanggang kailan ka magtatago at magpapanggap na hindi mo nakikita ang dumi ng mundo, ang dumi ng bayan, ang mantsa ng kultura na kinagisnan ng mga naunang henerasyon. Bakit? Dahil ba sa wala kang alam? Dahil ba sa hindi mo nasilayan ang mga nangyari noong bago ka isinilang? Dahil ba hindi mo alam kung ano ang puso ng isang may diwang makabayan? Dahil ba sa hindi mo alam ang hirap na dinanas ng ating mga ninuno para lamang maipagpatuloy ang henerasyon na akala nila ay magiging pundasyon ng isang solusyon ng mga taong hindi ANONG PAKE KO SA'YO ang bukambibig kundi ang pagnanais na maialis ang buhay sa isang maliit na kahon upang maging parte ng isang mas malaking misyon.

Malaking kahon, Oo! Kahon na kinukulong ka sa pamamahala ng gobyerno na sumasabay lamang sa globalisasyon. Kahon na kinukulong ka sa maliit na pag-iisip upang hindi ka na makialam sa mga ginagawa nilang aksyon.

Aksyon nga bang tunay? Kung ito'y aksyon, bakit hindi nila kayang hikayatin ang mga organisasyon? Organisasyong binubuo ng mga kabataan. 
Kabataang nais malaman ang tunay na kahulugan ng kasaysayan. 
Kasaysayan na saligan ng diwang makabayan!

Anong pake ko sa'yo? Sa inyo? Sa kanila? Yan ba ay narinig mo na sa mga taong pinilit na ipaglaban ka? Yan ba ay nabanggit ni minsan ng mga taong namatay para sa iyo? 
Tulad ni Rizal, Bonifacio, at iba pang mga bayani na hindi hinayaang sumabay sa pagtalsik ng kanilang dugo ang pagnanais ng pagbabago. Pagbabagong di mangyayari kung hindi mo naman sisimulan sa sarili mo. Pagbabago na nagdudulot ng kapayapaan, kalayaan, at kapanatagan ng loob. Pagbabago na mag-uungkat ng tunay na kuwento at ng tunay na kahulugan ng totoong diwa ng kasaysayan. Ito ang magmumulat sa mga mamamayan, sa pamahalaan, at sa komunidad na kung KASAYSAYAN ang batayan ng pagiging Makabayan, bakit hindi natin subukan?

Subukang magkaroon ng pake sa paligid, subukang imbis na maghilahan pababa ay magsama-sama para sa pagbabago. Pagbabago na siyang magbibigay kinang sa mga problema ng bayang ito, sa mali ng kapaligiran, sa dumi ng bansa, at sa mantsa ng kulturang kinagisnan. At kapag nangyari yan, kapani-paniwala na ang Kasaysayan ang Saligan ng Diwang Makabayan.

Unspoken PoetryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon