Tapos Na.

2.9K 24 2
                                    

Sa gabing ito, ako'y nasa gitna nang walang tigil na hagikhikan at halikan
ng mga kaluluwang hindi ma-pirme sa kanilang katawan.
At sa gitna ng kababalaghan na nagaganap, sa gitna ng sigwa ng kalabisan,
ang hapdi ng iyong paglisan pa rin ang naglalaro si gilid ng aking paningin.
Ang bawat bira ng tugtog ay pinapaalala ang tibok ng iyong puso
noong panahong nahimlay ako sa iyong dibdib pagkatapos magtalik;
tila padyak ng mga paang nabuhol-buhol sa tango.
Ang bawat tagay at lagok sa alak ay gunita ng iyong mga labi:
mainit at mamasa-masa
at nakakalasing.
Kaya sa gabing ito, kahit na ako'y napalilibutan ng mundo't kamunduhan,
pilit na bumabalot ang anino ng iyong nakaraan sa marahas na kinang ng nagsasayawang ilaw
at ang lamig ng iyong huling yakap ang tanging kapiling sa gitna ng naguumpukang mga tao.
At ang tunay na trahedya ay alam kong ako'y bilanggo ng iyong paglaya.
Ang bawat pag-ikot mo sa aking isipan ay pag-ikot ng kadena't tanikala sa aking katawan.
Pasikip nang pasikip at nakatatawag-pansin,
hanggang ang kadena, tanikala, at pangungulila na lang ang matira sa akin.
Nawa'y lubayan na ako ng pinangako mong langit,
dahil ang nais ko lamang ay malugmok sa yurak at ingay
ng sarili kong wala sa piling mo.
Dahil ang impiyerno ay hindi isang nagliliyab na pook;
ang impiyerno ay kung saan wala ka.
At ngayon, hahayaan kong maging palaruan ng kasalanan ang aking katawan,
magsasayaw sa bisyo at layaw
at sana
sana
lubayan na ako ng iyong alaala.

Magaling siyang gumuhit,
Ngunit bawat likha niya, sa aki'y nagbibigay sakit.
Bawat guhit niya ng mga linya, siya ay pipikit,
Nais niya lang naman mapawi ang sakit kahit na sa kaunting saglit.
Pintura na kulay pula,
Aagos mula sa kanyang mga obra.
Kasabay ang pagbagsak ng kanyang mga luha,
Sabay sambit ng mga katagang, "Tama na! Ayoko na!"
Magaling din siya sa larangan nang pagpipinta
Pipinta nang nakangiting maskara
Iyon ang isinusuot niya sa kanyang walang emosyon na mukha
Para hindi makita ang kalungkutan sa kaniyang itsura
Isa pa, magaling din siya sa larangan nang pag-arte,
Mula sa mga salitang, "Ayos lang ako."--- siya'y p'wedeng-p'wede!
Bawat pagbigkas niya, dulot naman nito sa aki'y kuryente,
Hindi man niya nais, ngunit ang isip niya na ang mismong nagrerebelde.
Ay! Isa rin pala siyang magaling na kuwentista!
Sobrang dami niyang kwento, siguro iyon ay aabutin ng ilang mga talata.
Kaso lang, walang gustong makinig at umunawa,
Kaya wala siyang magagawa kung hindi ang lumuha.
Oh, eto pa! Mahusay rin siyang manunulat!
Bawat letra, katumbas nila'y mga sugat.
Baka mamaya niyan, ituloy niya na sa ugat!
Dahil kapag sa ugat na--- doon na magtatapos ang lahat.
Teka! Teka! Kilala niyo na ba siya?
Siya lang naman iyong babaeng lagi niyong nakikitang masaya.
Siya rin iyong laging nakatawa!
Kung ngumiti, abot na hanggang tainga!
Ngunit, alam niyo bang ang lahat ng iyon ay kasinungalingan lang talaga?
Dahil sa likod ng mga iyon, ay ang totoo niyang itsura..
Walang emosyon na mga mata,
Mga labing nagsasabi ng mga kasinungalingang salita,
Mapanlinlang na mga tawa,
Binging mga tainga,
At ang mismong utak niya na ang nanloloko sa kanya.
Nalalayo na sa lahat,
Walang ibang natira kung hindi ang mga sugat sa kanyang balat.
Sa pagmamahal at pag-unawa siya ay salat,
Baka iyon na lang ang solusyon para siya ay maawat.
Ngunit, hindi! Madami na siyang nilikhang katauhan!
Kung sino siya? Hindi niya na maintindihan!
Sobrang daming boses ang nagbibigay sa kanya ng kasinungalingan!
Ang paglaban? Ewan ko, pero alam kong matagal niya na itong sinukuan.
Tatanungin ko kayo, kilala niyo na ba siya?
Huwag kayong tatawa kung sabihin kong, AKO at ang BABAENG aking tinutukoy ay IISA.

Ihahanda ko na ang papel, tinta at pluma
Susubukang gumawa ng isang kanta
Masuring pipiliin ang mga katagang gagamitin
Hahaluan ng bugso ng ating damdamin
Ikaw ang magiging anino ng mga lirikong mabubuo
Tibok ng puso mo ang pagbabatayan ng ritmo
Masasayang mga ala-ala ang koro
Babagalan ng kaunti ang tempo
Susulitin ang bawat bagsak ng nota
Sasabayan ng indak ng mga paa
Ihahagis ng sabay ang mga sarili sa hardin ng kalayaan
Pipigilan ang pag-ikot ng kamay ng orasan
Gustong-gusto kong inaawit mo ang bahaging ito
Kung saan paulit-ulit mong binibigkas kung gaano ako kahalaga sa'yo
Ramdam ko ang taos-puso mong paghandog ng iyong sarili sa akin
Katulad ng pag-abot mo ng timbre ng isang awitin
Pero katulad ng ibang kanta
Ang pagwawakas ang isa sa mga masasakit na bagay sa mundo
Nagsisisi tuloy ako kung bakit ko ito sinimulan
Nawawala na ako sa tugmaan
Liriko ay nagkakawalaan
Hindi na rin ito ang ritmong nakasanayan
Hindi na ito ang ating kundiman
Unti-unting kumukupas ang tunog
Ang ugong ay naging dagundong
Nawala ang dating harmoniya
Napalitan ng pagluluksa ang karikit-rikit na melodiya
Ang tunog na ng mga yapak mo papalayo ang ginawang ritmo
Masalimuot na ang kinahinatnan ng mga liriko
Hindi na "tayo" ang tinatalakay ng koro
Nawala na ang dating sigla ng tiyempo
Ang tunog ay naging ingay
Kanta ay nawalan ng saysay
Ang awit na tumatalakay sa ating pagmamahalan
Ay naging awit pamamaalam.

Unspoken PoetryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon