Ikatlong Bahagi: Baggage Counter

241 7 0
                                    

Ika-02 ng Enero, 2014 (9:40 -11:40 pm)

Bawat isa sa atin ay mga alalahanin sa buhay, mga bagay na bumabagabag sa atin sa hindi natin mawaring dahilan. Mga bagay na pilit man nating itanggi ay patuloy pa ring sumisiksik sa ating gunita. Mga bagay na nagpapahirap sa atin, mga bagay na pumipigil sa atin upang lalong maging masaya. Kung anoman 'yon, aba'y malay ko sa iyo, buhay mo 'yan. Isa pa, 'di naman kita kilala. Pero ito lang ang masasabi ko, subukan mong palayain ang sarili mo, baka sakaling gumaan at bumuti ang pakiramdam mo. Iwanan at itapon mo ang mga basura ng kahapong nagdaan, at pumulot ng bagong basura. Biro lang! Ang ibig kong sabihin pumulot o kumuha ng mga bagong bagay na makapagpapasaya sa iyo sa kasalukuyan.

Simulan na natin. Alam ko naiinip ka na at nais malaman ang nilalaman ng bahaging ito. Sa pagkakataong ito medyo seryoso tayo. Ang bahaging ito at ang mga susunod pa ay ting-iba ng sa una. Alam n'yo na, baliw nga kasi kaya nawala na naman sa pagkakalinya ang utak. Sana, kahit na nawi-weird-uhan ka sa akin at pakiramdam mong walang kwenta itong aklat na 'to, sana ay ipagpatuloy mo pa rin ang pagbabasa nito. Dahil hindi naman masasayang ang perang ipinambili mo nito.

S'ya nga pala, ang bahaging ito ay naisulat ko anim na araw na ang nakakalipas-as in sulat talaga, tinamad kasi akong magtype at mas feel kong magsulat gamit ang ballpen at papel, at ngayon nga dahil hindi ako makatulog naisipan ko na lamang itong i-type, may napala pa ako. Habang malayang kumakawala sa aking isipan ang mga nilalaman nito, hindi ko maiwasang maging malungkot. 'Yong kalungkutang bigla na lamang lumukob sa puso na mahirap ipaliwanag.

BAGGAGE COUNTER

Minsan kailangan nating palayain ang ating mga sarili mula sa nakaraan, bitawan, iwanan o itapon ang mga alaalang patuloy at pauli-ulit na nagdudulot sa atin ng pasakit. Dahil kung patuloy tayong kakapit dito ay patuloy lamang tayong masasaktan. Paano tayo magiging masaya kung patuloy tayong nakatali sa nakaraan? Minsan kailangan nating gawin ang ganoong mga bagay para sa sarili natin, dahil hindi natin mararanasan ang tunay na kaligayahang hinahanap natin kung may bagahe tayong dala-dala.

Oo alam ko, ang nakaraan ay bahagi ng buo nating pagkatao. Na hindi tayo magiging tayo kung hindi dahil dito. Pero paano natin makakamit ang mga bagay o kaganapang hinahangad natin, kung hindi natin ito bibitiwan? Lalo na kung ang nakaraang ito ang patuloy na humahadlang upang maging masaya tayo, upang makita natin ang hinahanap natin, at upang marating o makamit natin ang ating mga pangarap.

Oo nga't malaki ang ginampanan nito sa buhay natin noon, pero hindi na ngayon. Pagkat malaki ang pagkakaiba ng noon sa kasalukuyan. Ang mga bagay na nangyari noon ay hindi na muling maibabalik pa , habang ang kasalukuyan ay mananatili. Oo, lumilipas ang panahon at ang mga bagay na nangyayari sa atin sa araw-araw ay nagiging bahagi na lamang ng mga alaala, ng nakaraan. Pero huwag naman nating hayaang mabuhay na lamang tayo sa mga alaala. Maikli lang ang buhay at dapat natin itong pahalagahan, dapat tayong mamuhay sa paraang makapagpapasaya sa atin.

Ang kasalukuyan ay 'di ginawa para mabuhay tayo sa nakaraan, ngunit ang nakaraan ay ginawa para mabuhay tayo sa kasalukuyan.

Nakaka-stress talaga ang life kung minsan, pero naisip ko lang, ang stress naman kasi iniisip lang natin, kung hindi tayo nagpapaapekto, e 'di wala tayong pinoproblema. Nasa tao rin kasing nagdadala 'yan kung paano niyang tratratuhin ang mga bagay o pangyayari nagaganap sa kaniya. Kung hindi n'ya iniisip, e 'di, hindi siya mag-iisip.

Mabalik tayo, ito na ang karugtong na bahagi ng Baggage Counter.

Hindi ko sinadyang makalimot, sinubukan ko lang lumayo at umiwas, dahil alam kong ito lang ang tanging paraan upang hindi ako lalong masaktan. Lumilipas ang panahon, nagbabago ang lahat, pero hindi maiaalis ang katotohanang naging bahagi kayo ng buhay ko, ngunit kailangan kong bumitiw, kailangan kong sumulong dahil kung hindi ko gagawin iyon maiiwan ako.

Aklat ng BaliwWhere stories live. Discover now