Takot

1.6K 77 18
                                    


            Sa gitna ng tila mga kabaong na gusali, sa kumikindat-kindat na mga ilaw, sa mangilan-ngilan na táong parang mga patay na nagmamadaling umuwi at sa mga humahagibis na sasakyan sa EDSA, pilit kong hinahanap kung ano ang aking kinatatakutan. Madali lámang kung iisipin. Malalaman kong takót ako kung tumitindig ang aking balahibo o kung ako'y nasa gitna ng banta o panganib. Ang kaibahan, hindi ko nararamdaman at nararanasan ang mga iyon ngayon, habang naglalakad nang umiiyak at hawak ang ginasumot na limanlibo. Ngunit, nararamdaman ko, natatakot ako.

Nakikita ko sa aking harapan ang mga alaala na gusto ko nang kalimutan. Para akong nanood ng isang malaking telebisyon na nakalutang sa hangin at iyon lámang ang aking kayang makita. Hindi ko kayang ilingon ang aking leeg kagaya ng mga bilanggo sa Alegorya ng Yungib ni Plato. Doon lang nakatutok ang aking paningin. Para akong sanggol na nasa isang gumagalaw na duyan at tanging kisame lang ang nakikita.

Sa unang pagkakataon, nakita ko ang aking sarili na nasa loob ng isang maliit na kahon at iniwanan ng sariling ina. Ilang sandali pa'y lumitaw ang imahe ng umiiyak na si Jocelyn habang hawak ang kaniyang manika na si Ganda at ang pagkukuwento niya kung paano siya pinagsamantalahan ng kaniyang ama. Unti-unti iyong naglaho. Napalitan ito ng dumurugong ulo ni Betong at ang pagbagsak niya sa gusali, ng pagsasamantala sa akin ni Teacher K, ng paggahasa sa aking kinakapatid ng pitong batang lalaki. Maya-maya'y napalitan ito ng imahe ni Romelyn, sa kung paano niya ako hinayaang bugbugin ng grupo nina Sergio, na kaagad napalitan ng pagkamatay ni Leo, ng paglisan ni Tito Julius, ng pang-iiwan sa amin ni Tatay at ng pagkarumi ng aking pagkatao dahil sa ginawa ni Shao.

Para itong salamin na dahan-dahang nabasag. Napahinga ako nang malalim nang nawala na ang mga alaala. Ngunit, nararamdaman ko pa rin ang tákot.

Hinahaplos ako ng malamig na simoy ng hangin habang nakatingin sa kalangitan na walang bituin. Naroon ang liwanag, ngunit, nagtatago ang buwan. Sana, ako na lámang ang buwan. Dahil alam ko, na mayroong araw na handang magsakripisyo upang ako naman ang maghari sa kalangitan. Marahil, kaya ko nang ipahinga ang aking nilalagnat na kaluluwa. Kaya ko nang huminga.

Napatingin ako sa ibaba. Mataas na ang aking kinatatayuan. Hindi ko alam kung paano ako sa napunta sa footbridge na ito. Ngunit, ang alam ko lang, nang nakita ko ang pag-andar ng mga sasakyan sa ibaba, doon ko nakita ang kanina ko pa kinatatakutan. Hindi ang mga sasakyan, kung hindi ang pagkahulog. Takot akong mahulog. Takot na takot.

Pero, hindi mabubuo ang kuwentong ito kung hindi ko haharapin ang tákot na ngayon ko lámang naranasan at nakita. Itinaas ko ang aking dalawang kamay upang muling damhin ang malamig na simoy ng hangin. Para akong lumulutang sa alapaap. Ngunit, napagtanto ko na hindi pala ako lumulutang, kung hindi dahan-dahan na akong nahuhulog.

Sumalpok ang aking ulo sa kalsada na nagdulot ng pagkabasag ng aking bungo. Unti-unting umagos ang dugo. Nasagasaan ako ng isa, dalawa, ng hindi ko na mabilang na mga sasakyan. Ngunit, hindi ko ito naramdaman.

Napangiti ako. Sa wakas, nawala na ang aking tákot.   

TotoyOnde histórias criam vida. Descubra agora