Haplos

17.8K 341 43
                                    

Ang kaniyang tinig ay napakagandang musika sa aking pandinig. Ngunit kahit isang beses, hindi ko pa nasisilayan ang kaniyang mukha. Marahil ay nasa labas siya ng aking mundo. Ng aking napakadilim na mundo.


Isang beses, nagising na lang ako sa isang panaginip na hindi ko matandaan.


Ginising ako ng isang boses. Boses na kakaiba sa lahat. Tila dinadala nito ako sa kapayapaan. Kasabay ng tibok ng isang puso. Kasabay ng mga pighati, sigalot at pangambang nararamdaman ko na dala-dala ng nilalang na 'yon. Alam kong lumuluha siya. Pero sa likod ng mga luha na 'yon, kasama ang mga pagsusumano at paghingi ng patawad.


Minsan, nakaririnig ako ng tila umaagos na tubig. Ng ritmo ng bawat paghinga, ng taguktok ng mga yabag, ng dalamhati ng pag-ibig.


Hindi ko alam kung nasaan ako. Ang tanging alam ko lang ay paglunok, pagpikit at pagdama sa labas ng mundong ito.


Nakaririnig ako ng ibang mga boses. Ang iba'y malalim, mabagal, matigas, mabilis. Pero nangingibabaw ang kaniyang himig. Alam kong hinahaplos niya ako. Pero ang haplos na iyon ay hindi ko maramdaman. Gusto kong maranasan ang init ng kaniyang balat. Habang kinakantahan ako. Habang nakikita ko ang kanyang magagandang mga mata. Habang magkasama kaming magsasaya sa isang napakagandang mundo.


Kadalasan, nananaginip ako. Nakikita ko ang aking sarili. Kasama ng isang babaeng tuwang-tuwa akong pinagmamasdan.


Sa pagmulat pa lang ng aking mga mata, nararamdaman ko na ang kakaibang init ng liwanag. Dahan-dahan akong bumangon. Nakita ko ang mga berdeng bagay. Tila sumasayaw sa ritmo ng isang awitin. Pero hindi ko makita ang dahilan nito. Nararamdaman ko ngunit hindi ko nasisilayan.


Bago naman pumikit ang aking mga mata, nasisilayan ko ang mga kumikinang na bagay mula sa itaas. Napakasarap nilang pagmasdan. Ito ang dahilan kung bakit kumukurba ang ngiti sa aking labi.


Paulit-ulit ang ganoong panaginip. Pero kahit isang beses, hindi ako nagsawa. Alam ko, masisilayan ko rin ang tagpong iyon gamit ang aking mata. Mahahawakan ko sila. Mararamdaman.


Sumipa ako sa hindi malamang dahilan. Kumakalam na ang aking sikmura. Ngayon lang ito nangyari. Naririnig ko na naman ang hagulhol niya. Naaawa ako. Kasabay nito ang pagsigaw ng isang malakas na boses. Naririnig ko rin ang mga palo. Ang mga hampas. Ang mga pasakit. Ano ang nangyayari?


Ipinikit ko na lang ang aking mga mata. Ayokong marinig ang mga iyon.


At unti-unti, nawala na ang ingay. Naririnig ko ang mabilis na tibok ng isang puso. Ang nahihirapang paghinga.


Nararamdaman kong may humahaplos na naman sa akin. At makaraan ang ilang sandali, narinig ko na naman ang kanyang pagsusumano na bago sa aking pandinig.


Patawad, anak. Mahal na mahal ka ni Nanay.









TotoyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon