Apoy

2.2K 107 5
                                    

Napatingin sa akin ang lalaki. Nakita ko ang saya sa kaniyang mga mata. Tila natagpuan niya ang isang malayong bituin na nais niyang makamit. Lumapit siya sa akin at bigla akong niyakap.

Nagulat ako. Hindi sa kaniyang biglaang pagyakap kung hindi dahil sa epekto nito. Epekto na nagdulot ng kakaibang tibok ng aking puso. Bakit ganito ang aking pakiramdam? 

"Mabuti naman at maayos na ang iyong kalagayan. Noong huli kitang nakita ay halos madurog ang aking puso. Bigla kitang napanaginipan kagabi. Nagmamakaawa ka. Tinatawag mo ang aking pangalan."

Sino ba ang lalaking ito? Marahil ay siya 'yong naghatid sa akin noong binugbog ako. Hindi ko inaasahan na magkakatotoo ang aking hinala. Siya nga 'yong nasa larawan na iniwan ni Teacher K.

"S-Salamat nga po pala sa paghahatid sa akin noon, Kuya."

Nakita kong napatawa siya dahil sa aking sinabi.

"Masyado na akong matanda para tawagin mong kuya. Tawagin mo na lang akong Tito Julius. Julius Mercado ang aking tunay na pangalan. Guro ako sa kabilang paaralan. Bigla akong napadaan dito kaya dala ko pa ang mga papel ng aking mga estudyante. Siguro ay itinadhana talaga ang pagpunta ko noon sa inyong paaralan para matulungan ka."

Seryoso siya kung magsalita. Pero sa mga salitang iyon ay mararamdaman ang kaniyang damdamin. 

Lagi akong napapatitig sa kaniyang mukha. Hindi ako makapaniwala na may tao pala na kawangis na kawangis ng aking hitsura. 

"Siguro nga po."

Pinagbihis muna ako ni Ina. Binigyan niya ng pagkain ang aming bisita. Hindi ko alam pero napakagaan ng loob ko sa kaniya. Na sa tuwing kausap ko siya, pakiramdam ko ay protektado ang aking pagkatao.  

Posible kaya na siya ay ang aking ama? Hindi. Ayoko na siyang makilala. Ayoko nang makita ang aking tunay na magulang. Hindi ko matanggap na nagawa nila akong saktan. Kahit kailan ay hinding-hindi ako sasama sa kanila. Lumuhod man sila sa aking harapan.

Pinuntahan ko muli si Tito Julius. Ngumiti siya sa akin. Mas lalo kong nakita ang aking sarili sa kaniya. Kahit sa pagngiti ay kagaya ko siya. 

Umupo ako sa kaniyang tabi. Inaalok niya ako ng tinapay ngunit tumanggi ako. Kahit gutom na gutom ako ay hindi ako kakain. Gusto ko lang siyang makausap nang walang sagabal. Gusto ko siyang makilala pa. Gusto ko siya maging pangalawang ama. Sa lahat ng tao na aking nakilala ay siya lang ang tanging nakaapekto sa akin nang ganito. Kakaiba siya sa lahat. 

"Nasa anong baitang ka na, Totoy?"

"Grade 4 pa lang po. Matanda na po kasi ako nang ipasok."

Muling sumilay ang ngiti sa kaniyang mukha.

"Ayos lang iyon. 'Yong iba nga kasing tanda ko na, nasa elementarya pa rin. Nasa tao naman 'yon. Kung gusto mo makamit ang iyong pangarap, gagawin mo ang lahat kahit pa husgaan ka pa ng iba."

Gusto ko ang kaniyang pag-iisip. Sa tingin ko ay malalim ang pagtingin niya sa mga bagay.

"Kaya nga po. Mayroon na po ba kayong pamilya?"

Naging malungkot ang maaliwalas niyang mukha. Marahil ay hindi maganda ang kwento ng kaniyang buhay. Iba ang nagagawa ng ngiti. Kaya nitong itago ang lahat. Kaya nitong wasakin ang takot. 

"Wala. Ako lang mag-isa. Mayroon akong asawa. Iniwan ko siya noong dinadala niya pa ang aming anak dahil malayo ang loob ko sa kaniya. Lasing kasi ako noong nagawa namin ang bagay na 'iyon'. Nagkaroon ng bunga ang aming pagmamahalan nang walang pagmamahal. Nagsisisi ako sa aking ginawa dahil anak ko pa rin ang kaniyang dinadala. Gusto ko ring maranasan ang maging isang ama. Pero naisip ko lang ang mga bagay na iyon nang binalot na ako ng pagkasawa at pagkatakot. Pagkatapos ay nakilala ko ang isang babae. Parehas kaming guro. Minahal ko siya. Pero dumating ang panahon na niloko niya ako. Ipinagpalit niya ako sa isang kano na mabilis din siyang iniwan. Nabalitaan ko na lang na nagpakamatay siya. Kaya ito, mag-isa lang ako sa bahay. Gusto kong balikan ang aking mag-ina pero hindi ko na sila matagpuan."

Nagulat ako sa kaniyang pahayag. Hindi ko aakalain na ganoon ang kwento ng kaniyang buhay. Hindi ko rin inaasahan na ganoon pala ang ginawa ni Teacher K. Bakit kailangan niya pang maghanap ng iba? Ganoon ba talaga ang tao? Hindi marunong makuntento.  Kahit nagmahal ka nang todo, hindi maiiwasan na masaktan ang iyong damdamin at pagkatao.

Nahalata niya na wala akong masabi kaya iniba na niya ang aming pag-uusapan.

"Ano nga pala ang gusto mo pagtanda?"

"Wala pa po. Hindi ko pa naiisip ang aking pangarap. Dahil naniniwala ako na darating ito sa panahon na kilala mo na ang iyong sarili. Mahirap magsalita ngayon dahil kahit ako ay hindi ko pa alam ang aking mga kakayahan. Isa lang akong maliit na halaman na mula sa isang binhi. Wala pang nagdidilig sa akin upang maging isang mayabong na puno. Wala pang nakakapagsabi ng aking pangarap."

Bigla siyang natawa.

"Bata ka pa pero napakalalim mo nang mag-isip. Kung sabagay, marami pa namang panahon para makapag-isip. Pero maganda na rin 'yong may pangarap ka. Ngunit huwag mo sanang piliin ang pagiging isang pulitiko. Malapit na naman pala ang eleksyon. Tingnan mo, 'yong mga iskwater, hindi nila papaalisin. Malamang nagpapalakas at nagpapaganda ng imahe. Pero pagkatapos ng botohan, sila na mismo ang nagpapasunog ng mga bahay. Pinapalabas lang na aksidente ang lahat pero pulitiko talaga ang may gawa. At ang mas matindi, pati midya, nagpapaloko."

Tiningnan niya ang orasan. Inihanda na niya ang kaniyang mga gamit at tumayo.

"Kailangan ko na palang umalis. Aasikasuhin ko muna itong gawa ng aking mga estudyante. Salamat naman at nakilala na kita."

Narinig na ito ni Ina at nagpasalamat sa kaniya. Nalungkot ako bigla. Hindi ko alam pero gusto kong sumama sa kaniya. Nakakainis! Bakit ba ako nagkakaganito? Wala kaming koneksyon sa isa't-isa. Iniligtas niya lang ako. At doon nagtatapos ang kwento.

Paglabas niya ng pintuan ay sinundan ko siya nang tingin. Parang bumabalik sa akin ang lahat ng sakit. Alam kong walang rason para ako magkaganito. Siguro ay dala lang ito ng pagod. Siguro.


Kinagabihan ay maraming dumadaan na ambulansya. Binuksan namin ang telibisyon at nagulat kami dumating na balita. Tinutupok ng apoy ang lugar na aming tinitirhan noon. Hanggang ngayon ay hindi pa nila alam kung ano ang dahilan ng sunog. Biglang pumasok sa aking isipan ang sinabi ni Tito Julius. Posible kaya na ipinasunog talaga 'yon? 

Tito Julius. Hanggang ngayon ay hindi ko siya makalimutan. Hindi ko na kaya. Bukas, pupuntahan ko siya sa paaralang kaniyang tinuturuan. Ang paaralan na naging parte ng aking masakit na nakaraan. Marahil siya ang magiging susi upang matapos na ang aking paghihirap. 

Maraming salamat, Tito. 


TotoyWhere stories live. Discover now