Hibang

1.9K 88 19
                                    

"Umalis na tayo rito. Hindi ko talaga kaya," saad ko kay Jocelyn habang hinihila niya ako papasok sa loob ng bahay nina Star. Mula sa labas ay naririnig ko ang malakas na tugtog na sinasaliwan ng kuwentuhan at tawanan ng mga tao.

Hindi ko talaga gusto ang ganitong klaseng lugar. Mas gugustuhin ko pang magmukmok sa isang sulok at magbasa ng mga nakasasakit sa ulong kuwento na isinalin sa Filipino na nakalagay sa modyul namin. Ayaw ko makipagsabayan sa mga taong nagpapayabangan o kaya naman ay nagpupumilit maging sosyal. Naroon din ang ibang tao na walang ginawa kung hindi kumuha nang kumuha ng pagkain na tila walang kabusugan.

Pero, tila may bumubulong sa aking isipan na hindi naman talaga 'yon ang mga dahilan kung bakit ayaw kong pumunta sa birthday ni Star. Ayaw mong pumunta kasi naiilang ka. Crush mo kaya 'yon. Unang pagkasawi mo sa pag-ibig.

"Duh. Para kang tanga. Minsan lang tayo pumunta sa ganito."

"Wala ka kasi sa kalagayan ko, Jocelyn. 'Wag kang magsalita nang ganiyan," naiinis kong sambit.

"Galit 'agad? Napakasungit mo talaga. Daig mo pa ako kapag 'nagkakaroon'."

"Totoy! Jocelyn! Ano pang ginagawa n'yo diyan? Pumasok na kayo," sigaw ni Star. Hindi ko maiwasang matulala sa kaniya habang lumalabas siya ng kanilang bahay. Bagay na bagay sa kaniya ang pulang kasuotan.

"Nag-iinarte pa kasi 'tong si Totoy. Parang mamamatay kapag lumalapit ka," natatawang sabi ni Jocelyn.

Nakita ko ang pag-iiba ng ekspresiyon ni Star. Ngunit mabilis niya 'agad itong nabawi sa pamamagitan ng isang pilit na ngiti.

"'Wag kang maniwala sa kaniya, S-Star. Hindi ako naiilang sa'yo. Hindi ako kinakahaban sa tuwing kinakausap mo ako. Minsan nga hindi ko na maintindihan kung ano ang sinasabi mo dahil nakatingin lang ako sa mukha mo. Buwisit. Ano'ng ginawa mo sa akin? Nababaliw na yata ako."

Puta. Nasabi ko ba talaga 'yon? Sana, bigla akong sagasaan ng malaking sasakyan.

"Ha? P-Pasok na kayo," tugon ni Star. Halatang hindi niya malaman kung ano'ng gagawin niya dahil sa sinabi ko. Nakaiinis kasi si Jocelyn. Sinabi ko na sa kaniya na ayaw ko pumunta rito pero nagpumilit pa rin siya. Ganito tuloy ang nangyari.

Tawa nang tawa si Jocelyn habang papasok kami sa bahay. Kung nakita ko lang daw ang hitsura ko kanina pagkatapos kong sambitin ang mga bagay na 'yon, siguradong maiiyak ako sa sobrang kahihiyan.

Hindi ko na lang siya pinansin. Balang araw, makagaganti rin ako sa mga kabaliwan niya.

Napatingin sa amin ang mga tao sa loob. Namumukhaan ko ang ilan dahil mga kaklase ko ang mga ito at ang iba naman ay Tipaklongians din. Hindi naman pala ito ganoon kasama kagaya ng aking inaasahan. 'Agad akong iniwan ni Jocelyn at nilapitan ang aming mga kaklase. Nakaiinis talaga ang babaeng 'yon. Isinama niya ako rito tapos iiwan din pala?

Narinig ko ang kuwentuhan nila tungkol sa pagbabagong anyo no'ng Carrot man na hindi ko naman kilala. Nagtitilian pa ang ilan sa kanila habang ang mga lalaki ko namang kaklase ay nakatutok sa kanilang mga cellphones habang naglalaro ng kung ano-ano. Mga tipikal na kabataan.

"Guys, kain na kayo!" pagyaya ni Star sa amin. Tumayo na ang mga tao at pumila na para sa pagkuha ng pagkain. Nakisunod na rin ako sa kanila bago pa ako malapitan ni Star. Oo, umaasa ako na kakausapin niya ako dahil sa sinabi ko kanina. Wala namang masamang umasa. Marami lang tao ang nagsasabi na masakit daw kapag hindi ito natupad. Para sa akin, nasasa'yo naman iyon kung aasa ka na lang basta at hindi iisipin ang mga puwedeng mangyari. Kaya lang naman sila nasasaktan ay dahil iniisip nila na masakit. Sila rin naman ang may kasalanan. Sino ba ang may sabi na umasa sila?

TotoyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon