Anghel

2K 119 22
                                    

Nakita ako ni Romelyn. Bigla niya akong niyakap. Kakaiba ang iyak niya. May halong takot. May halong kalungkutan at galit.

"Anong pag-iinarte na naman 'yan? At bakit naandito siya?" biglang sabat ni Jocelyn. Napatingin ako sa kaniya. Kasama niya ang mga bago niyang kaibigan.

"Jocelyn! Mahiya ka naman. Hindi mo alam ang pinagdadaanan ni Romelyn kaya hindi mo dapat siya sabihan ng ganiyan," sabi ni Ina.

"Bakit? Totoo naman na maarte siya. Pumunta lang 'yan dito para kaawaan ni Totoy. At kayo, nagpauto naman. Alam n'yo ba ang kwento kung bakit umiiyak 'yan? Malamang nawawalan lang 'yan ng pera o laruan." 

Nagulat ako nang sinampal ni Ina si Jocelyn. Unti-unting tumulo ang luha niya.

"Hindi kita pinalaking ganiyan, Jocelyn. Ano ba ang nangyayari sa'yo?"

Pilit na tumawa si Jocelyn at mabilis na umalis kasama ng kaniyang mga kaibigan. Sinapo ni Ina ang kaniyang noo. 

Kumalas sa yakap si Romelyn at umupo. Tahimik lang siyang tumatangis. Nilapitan ko siya.

"Bakit, Romelyn? Ano ang problema?"

"K-Kasi si Nanay. Niloko niya ako. 'Yong Hongkong na sinasabi niya, sa Malate pala. Nakita ko, binayaran siya no'ng isang lalaki. Hindi ko alam ang ginagawa niya noon. Ang sabi niya, may bibilhin lang daw siya saglit kaya magpaiwan na muna ako kasama 'yong lalaki. Pagkaalis niya, nakita ko ang kakaibang ngiti no'ng kasama ko. Sabi niya sa akin, igagala niya raw ako muna ako saglit. Pero dinala niya ako sa isang motel. Dahan-dahan siyang naghubad. Hindi ko alam ang gagawin ko."

Umiyak siya nang umiyak pagkatapos magkwento. Hindi ako makapaniwala na mangyayari sa kaniya 'yon. Naiinis ako sa lahat. Sa nanay niya, sa lalaking 'yon, sa mundo. Bakit ba kailangan pang mangyari 'to?

"Tapos pinaghubad niya ako. Hindi ako pumayag. Nagalit siya at sinampal ako. Pinunit niya 'yong damit ko. Mabilis. Marahas. At bigla niya akong hinalikan. Mula sa labi, sa leeg, sa dibdib. Hanggang sa makarating siya sa gusto niya. Nagwawala ako noon. Bigla siyang tumayo at dinuraan ako sa mukha. Sabi niya, ibinugaw na raw ako ng aking nanay kaya dapat akong pumayag. Umalis siya. Akala ko tapos na ang lahat. Pero nagulat ako nang bigla siyang dumating. May dala na siyang tali."

"Kaya mo pa ba ikwento? Huwag mo na lang alalahanin, Romelyn. Kung nasasaktan ka lalo, itigil mo na."

Hindi niya pinakinggan ang sinabi ko. Tuloy-tuloy pa rin siyang nagsalaysay.

"Itinali niya ako sa kama. Hindi na ako makapalag. Nagagawa niya na ang lahat sa akin nang wala akong kalaban-laban. Ang nasa isip ko lang noon, sana panaganip lang ang lahat ng ito. Hindi ako makapaniwala na magagawa ito ni Nanay sa akin. Akala ko mahal niya ako. Pero hindi pala. Ibinenta niya lang ako. Dalawang araw. Dalawang araw akong nakatali. Pinagsasamantahalan niya ako kahit anong oras. Isang beses niya lang akong pinapakain. At 'yong tira niya pa. Akala ko habang buhay na akong ganoon. Pero kanina, umalis siya. Nagsisigaw ako. Pilit kong kinakalas ang tali. Buti na lang at narinig ako ng isang trabahador. Kinalas niya ang tali sa akin at pinakawalan ako. Binihisan niya ako ng bagong damit. Hindi niya na raw ako matutulungan pang makauwi dahil ayaw niyang mapahamak. Kaya naglakad-lakad na lang ako. Hanggang sa makarating sa bahay n'yo."

Niyakap ko siya. Naaawa ako sa kaniya. Akala ko, 'yong nangyari kay Jocelyn ang huli kong maririnig na ganoong kwento. Pero mayroon pa pala. Mas masahol pa ito sa palabas na katatakutan. Ito ang tinatawag na multo ng totoong buhay. 

Bakit ganoon ang nanay niya? Siguro ay may problema ito sa pera, ngunit bakit kailangan pa niyang gawin iyon sa kaniyang anak? Bigla kong naalala. Iniwan nga pala ako ng sarili kong ina.

Ano ba talaga ang isang ina? Kasi ako, hindi ko pa nararanasan ang sinasabi nila na ang ina raw ay mas mahal pa ang anak nila kaysa sa kanilang sarili. Totoo ba 'yon? Bakit ako at si Jocelyn, iniwan? Bakit si Romelyn ibinenta?

"Diyos ko. Bakit magagawa iyon ni Alaiza sa kaniyang anak? Kilala ko ang iyong ina. Mapagmahal iyon at maalaga. Hindi ko inaasahan na magagawa niya ang bagay na 'yon," sabi ni Ina.

"Ilang gabi po siyang umiiyak. Mayroon kasing pumupunta sa amin na mga lalaki at sinisingil siya. Hindi ko alam kung sino ang mga iyon. Basta, takot si nanay sa kanila."

Napatahimik  na lang si Ina. Tila may iniisip. 

"Dito ka na lang muna sa amin. Alam kong hindi mo pa kayang umuwi."

"Hindi na. Doon na lang ako sa mga pinsan ko. Sa kabilang kalye 'yon. Alam kong magagalit lang si Jocelyn kapag nalaman niya na dito muna ako mamamalagi."

"Hindi. Huwag kang mag-alala, ipagtatanggol kita sa kaniya. Doon ka na lang muna sa kwarto ko matulog mamaya. Dito ako sa sala."

"Nakakahiya naman. Huwag na. Aalis na ako. Salamat sa inyo kasi medyo gumaan ang pakiramdam ko."

"Dito ka na lang. Sige na. Aalagaan kita."

Ningitian ko siya. Sana ay mawala na ang kaniyang kalungkutan. Naaawa ako sa kaniya. Sisiguraduhin ko na hindi na muling mangyayari sa kaniya ang bagay na iyon. Poprotektahan ko siya. Hindi lang dahil gusto ko siya. Kung hindi dahil alam ko kung gaano kasakit na saktan ng sariling ina.

"S-Sige. Ilang araw lang."

Tila nagdiwang ang aking pagkatao sa sagot niya. 

Huwag kang mag-alala, Romelyn. Ako ang magsisilbi mong anghel.


TotoyWhere stories live. Discover now