Lamok

2.2K 125 30
                                    

Lumipas ang ilang buwan. Lumipas ang ilang taon. Masaya kaming lahat dahil nagsasalita na ulit si Jocelyn.

Sa unang pagkakataon, ang boses niya ay tila musika na nakakapagpasaya sa akin.

Marami na ang nangyari. Nakalipat na kami ng bahay. Mas malaki at mas maaaliwalas. Nagkaroon na rin ng trabaho si Itay kaya hindi na masyadong nahihirapan si Ina. Naging mas maayos na ang aming pag-aaral.

Paborito ko ang gurong nasa aking unahan. Sa kaniya ako natututo ng mga bagay na nakakatulong upang mas imulat ako sa katotohanan.

Mayroon siyang salamin. Maputi ang balat. Medyo panot na ang buhok dahil sa katandaan. Kapag nagsasalita ay talagang kakikitaan siya ng kakintalan. Siya ay si Mister Angelo S. Talino.

Ngunit ngayon, hindi ako makapakinig sa kaniya nang maayos. Bakit ba kasi inilapit niya ako sa bago naming kaklase? Hindi ako makatutok sa tinuturo niya dahil hindi ko maiwasan na tingnan ang aking kalapit. Maganda ang kaniyang mukha. Makinis ang balat. Ngunit hindi ko pa naririnig ang kaniyang boses. Basta ang alam ko lang, Romelyn ang kaniyang pangalan.

Kahit nahihirapan ako ay mas pinili kong ituon ang aking atensyon kay Sir Angelo.

"Alam n'yo, sabi ko noon, hindi ako magtatagal sa pagiging guro. Ayokong maging tuta ng gobyerno nang matagal. Kailangan, lagi na lang sila ang masusunod. Kapag nagreklamo ka, mapepeysbuk. Kapag napeysbuk, made-DepEd. Kapag na-DepEd, matatanggal. Wala ka na talagang magagawa. Kailangan mo talagang sumunod. Oo nga pala, hindi dapat Department of Education ang tawag sa kanila. Dapat, Department of Agriculture. Kasi lahat kami, kailangan laging agree nang agree. Pero tingnan n'yo ako ngayon, nagtuturo pa rin. Kahit anong reklamo ko, hindi ko pala talaga kayang umalis. Minahal ko na 'to. Minahal ko na ang baluktot na pamamalakad. Minahal ko na ang aking mga estudyante. Iyan ang tinatawag na kagustuhuhan. Kahit nahihirapan ka na, hindi ka pa rin magsasawa dahil mahal mo ang iyong ginagawa."

Kapag nagtuturo siya at nagpapahayag ng mga ganiyang linya, gusto kong pumalakpak. Ngunit hindi ko naman magawa dahil baka mapahiya lang ako.

"Ang galing niya," sabi ni Romelyn.

Nagsalita siya? Hindi ko alam pero tila huminto ang mundo ko. Napakaganda ng boses niya. Gusto ko ulit marinig. Kahit magmukha akong tanga para sa kaniya, gagawin ko.

Bigla kong pinalo ang kaniyang braso. Nagulat siya at nagulat din ako. Nagkatitigan ang aming mga mata. Akala ko'y, magagalit siya kaya bigla akong napatungo.

Narinig ko bigla ang tawa ng isang anghel. Mali. Hagikhik pala iyon ni Romelyn.

Tumingin siya sa akin.

"Bakit mo ako pinalo?" natatawa niyang tanong sa akin.

Kinakausap niya ako? Totoo ba ang lahat ng ito?

"M-May lamok kasi."

"Ganoon? Salamat," sabi niya.

Mas tumigil ang aking mundo nang ngumiti siya sa akin. Hindi ako makakilos.

"Alam n'yo ba na mayroong diksyunaryo dati na kung saan ang ibig sabihin ng salitang 'Filipina' ay katulong? Nakakagulat hindi ba, Totoy? Bakit parang naninigas ka diyan?"

Nagulat ako sa boses ni Sir Angelo. Nakita kong nakatingin lahat sa akin ang aking mga kaklase.

"Masama lang po kasi ang pakiramdam niya," sabat ni Jocelyn.

Kailan pa naging masama ang aking pakiramdam? Hindi na ako kumontra at nagpatuloy na sa pagtuturo ang aming guro.

Dumaan ang ilang oras at uwian na. Nilapitan ako ni Jocelyn.

"Bakit mo naman sinabi 'yon?"

"Alam ko kasing wala kang maisasagot. Hindi mo naman kasi masasabi na kinikilig ka kay Romelyn."

Bigla ako nagulat. Kinikilig ba ako kay Romelyn? Gusto ko na ba siya? Pero ang mas nakakapagtaka, bakit alam iyon ni Jocelyn?

"Huwag ka nang magtaka. Tinititigan ko kayo kanina at nakita ko lahat. Mula sa pamamalo hanggang sa pagkakilig mo," seryoso niyang sabi at bigla na lang naglakad nang mabilis.

Anong problema niya?

Napatigil ako sa paglalakad. Ano namang magugustuhan ko kay Romelyn? Maganda siya, mabait, matalino, maganda ang boses. May dahilan ba para hindi ko siya magustuhan? Alam kong maraming nagkakagusto sa kaniya pero hindi ko sila hahayaan.

Ngayon lang ako nagkaganito. Gusto ko siya. Ayoko siyang mapalapit sa iba. Akin lang siya.

Madamot na kung madamot pero gusto ko, sa akin lang siya ngingiti. At gusto ko, ako lang ang makakapagpasaya sa kaniya.

Ako si Totoy. Labing-isang taong gulang. At sa unang pagkakataon, nagkagusto ako sa isang babae, ginamit ang lamok bilang palusot at natutong maging madamot.




TotoyWhere stories live. Discover now