Laban

2.2K 106 13
                                    

Mabilis na lumipas ang mga araw sa unang taon namin sa sekondarya. Dalawang buwan na lang ay magtatapos na ang kabanatang ito ng aming buhay. 

Hindi ko namamalayan na ganoon kabilis tumakbo ang oras. Tila nakipagkakarerahan ito. Habang ang mga tao ay sumasabay sa pag-usad ng nagbabagong lipunan, unti-unti ring humuhulma ang pagbabago sa aking sarili. Mabilis akong naiirita sa aking paligid. Minsan ay gusto ko na lang mapag-isa kaya hindi ko maiwasan na masungitan si Jocelyn. Walang araw na hindi kami nagbabayangan sa paaralan man o sa bahay kaya lagi kaming napapagalitan ng aming magulang. 

Isang beses, nagkaklase kami sa asignaturang Filipino nang naramdaman kong nakatingin siya sa akin.

"Ano?" pabulong kong sambit.

"Totoo ba na nililigawan mo si Star?" 

Umiling ako. "Saan mo naman narinig 'yon?"

"Aba. Hintayin muna nating matapos ang pagbubulungan nina Don Fernando at Donya Valeryana bago tayo tumungo sa Ikalawang Kabanata ng Ibong Adarna," saad ni Mrs. Lamig. Matagal ko bago naisip na kami pala ang pinatutungkulan niya kaya biglang nagtawanan ang aking mga kaklase. Dahil dito, pinatayo niya kami sa unahan at kami ang nag-ulat ng ikalawang kabanata. 

Hanggang sa bahay ay hindi ko siya pinapansin. Umiinit ang ulo ko sa tuwing nakikita ko siya dahil naaalala ko na nasira ang aking imahe sa aking paboritong guro dahil sa kaniya. 

"OA ka, Totoy. Pansinin mo na ako. Ang drama mo."

"'Wag mo muna ako kausapin, puwede? Nakaiinis ka na," naiirita kong sambit.

"Bakit ba lagi ka na lang masungit? Para kang laging may dalaw!" 

"Bakit ba lagi kang papansin?"

Alam kong nasaktan siya sa aking sinabi kaya't tumungo siya sa kaniyang kuwarto at ibinalibag ang pintuan. Nasanay na ako sa gawain niyang ito dahil ito ang lagi niyang ginagawa sa tuwing nagsasagutan kami. At  katulad pa rin ng dati, lalapitan ako ni Ina upang tanungin ang aming pinag-awayan.

Bukod kay Jocelyn, kahit ang aking mga kaklase ay lagi ko ring nasusungitan. Pero sa likod nito, may isa pa ring tao na kahit kailan ay hindi ko magawang pagtaasan ng boses. Si Star.

Ilang buwan ko na siyang gusto. Isa lang ang pinagsabihan ko sa aking mga kaklase tungkol dito ngunit kinabukasan ay tila apoy ito na mabilis kumalat sa buong silid. Hiyang-hiya ako noon kay Star. Akala ko ay hindi na niya ako papansinin. Gusto ko sanang suntukin 'yong nagpakalat no'n ngunit nagulat ako dahil sa tuwing kausap ko siya ay tila normal lang ang lahat at wala siyang nalaman. Iniisip ko na ginagawa niya lang 'yon para hindi masira ang samahan namin bilang magkaklase. Ngunit minsan, pumapasok pa rin sa aking isipan ang ideya na marahil gusto niya rin ako at gusto niyang maging malapit pa kami lalo sa isa't isa. 

Minsan, nakikita ko siyang nakatingin sa akin tuwing nagkaklase kami. Tuwing wala kaming ginagawa, nilalapitan niya ako upang makipagkuwentuhan. Kapag mayroon kaming gawain na pandalawahan, nilalapitan niya ako at kami na lang daw ang magkapares. Hindi ko kasalanan na umasa dahil sa mga ipinapakita niya. 

Kumalat ang balitang nililigawan ko siya. Nagulat ako nang malaman ko iyon dahil wala pa iyon sa aking isipan. Kahit alam ko ang konsepto ng panliligaw, sa tingin ko ay wala pa ako sa tamang edad para gawin ang bagay na 'yon. Sa tuwing nakakikita ako ng taong magkasintahan sa aming paaralan ay hindi ko maiwasan na mapaisip. Siguradong ang 'pagmamahalan' nila ngayon ay hindi tunay dahil masyado pa silang bata para sa pag-ibig. Marahil naghahanap lang sila ng panandaliang libangan para matakpan ang puwang sa kanilang puso. Binubulag lang sila ng kanilang emosyon. Marami pa akong paniniwala tungkol sa mga magkasintahan kaya nainis ako nang malaman ang balitang 'yon. 

TotoyWhere stories live. Discover now