Dyolibi

2.1K 101 29
                                    


"Umupo na ang lahat at humanda na sa pag-aalay," saad ng tagapagsalita sa simbahan. Nagsimula nang kumanta ang choir habang naglalakad ang tatlong tao na may hawak na sisidlan.

Napatingin ako sa paligid. Naroon ang mayamang mag-asawang Mendoza na laging nagsisimba at nagbibigay ng malaking salapi sa simbahan. Naghulog sila ng dalawang-daan sa sisidlan.

Kilala silang relihiyoso ngunit nasisira ang kanilang imahe dahil sa kanilang anak na drogista na laging napababalita sa aming bayan. Naroon din ang mga babae na halos buong buhay nila ay ibinubuhos para paglingkuran ang Panginoon. Handa na raw silang magpakuha kay Lord kahit anong oras. Ngunit nagtataka ako. Bakit sa tuwing nagkakaroon sila ng sakit, umiinom pa rin sila ng gamot? Paano kung 'yong pagkakasakit pala nila ang daan para kuhanin sila ni Lord? O kung mayroong magpapasabog ng bomba, malamang ay magmamakaawa sila at sasabihing, "Huwag mo iyan gawin. Paano na ang pamilya namin?" Hindi ba't dapat ay magpasalamat na lang sila sa taong magpapasabog dahil mas mapapadali ang pagpunta nila sa langit?

Mahigit kumulang tatlong-daang taong sinakop ng mga Kastila ang Pilipinas na nagdulot ng paglaganap ng Katolisismo sa bansa. Ito na ang naging relihiyon ng marami. Ngunit naroon pa rin ang katotohanan na mayroon pa ring ibang paniniwala ang mga tao. Dahil dito, nagbago ang pagtingin ko sa buhay.

Hindi na ako naniniwala sa relihiyon, sa bibliya, sa langit o sa impiyerno. Ngunit naniniwala ako na mayroong Diyos na nagbabantay sa atin. Nagsisimba lang ako dahil ito ang gusto ng aking pamilya. Wala rin namang nakaaalam na ganito ang aking paniniwala. Minsan, tinatanong ako ni Jocelyn kung bakit daw ako laging nagpapapilit para sumama sa simbahan. Hindi ko siya sinasagot, sa halip ay sasaraduhan ko na lang siya ng pinto upang magbihis para sa pagsimba. Naalala ko tuloy 'yong isang pagkakataon na nahuli niya akong nagme-Mary palm.

Maraming nagtataas ng kilay at hinugusgahan ang karamihan sa mga Atheist o 'yong mga tao na mayroong perspektibo na taliwas sa karamihan. Hindi sila naniniwala sa Diyos o relihiyon. Lahat tayo ay mayroong sariling paniniwala. Ngunit, hindi natin alam kung ano at sino nga ba ang tama. Naroon ang pag-aaway ng iba't ibang relihiyon na nagdudulot ng giyera sa isang bansa. Hindi ba't hindi iyon makatarungan?

Kahit kailanman, hindi naging basehan ang relihiyong pinaniniwalaan sa ugaling ipinapakita ng isang indibiduwal. Maaaring ang kilala mong banal noon ay maging kriminal dahil sa hirap ng buhay o ang kilala mong hindi naniniwala sa Diyos ay siya pang magbigay ng tulong sa nangangailangan. Oo, isinilang tayo sa mundong ito na mayroong dadalhing paniniwala o relihiyon dahil sa ating mga magulang. Ngunit, nasa tao pa rin naman iyon kung tatanggapin niya ito o hindi. Hindi kailangang sa lahat ng bagay ay mayroon kang dapat panigan dahil puwede mo namang tahakin ang daan kung saan mayroon kang pinaniniwalaan ngunit wala kang tinatapakang iba.

"Hoy, Totoy!" sigaw sa akin ni Joceyn. Nakakunot ang kaniyang noo. "Alam mo bang hanggang sa matapos ang misa, nakatulala ka? Nababaliw ka na ba?"

Napatingin ako sa kaniya. "May iniisip lang ako. Naririnig ko naman ang mga ginagawa n'yo."

Tumayo na kami nina Ina para pumunta sa kainan dahil oras na ng panananghalian. Ito ang gusto ko sa tuwing magsisimba kami. Laging diretso sa masarap na kainan kung saan naroon ang malaking bubuyog na laging nagsasayaw para mapasaya ang mga uto-utong bata. Inaamin ko, naging isa rin ako sa mga uto-utong iyon noon. Lagi kong hinihintay ang mascot niya pero ilang beses ko pa lang siya nakita dahil minsan lang kaming kumain dati rito. Hindi pa kasi kami nakaaahon sa kahirapan noon. Hindi kagaya ngayon na kahit papaano, nakakaain na kami ng masasarap sa Dyolibi.

Pagkapasok namin ay sinabi ni Ina sa babaeng nanghihingi ng order kung ano ang aming kakainin. Pinapunta na niya kami sa taas ni Jocelyn para maghanap ng mauupan. Marami kasing tao sa ganitong panahon. Nagulat ako nang lumabas ang malaking bubuyog. Nagsimula na ring sumigaw ang mga bata dahil sa tuwa. Dali-daling kumuha ng gadgets ang mga magulang para kuhanan ng litrato ang mascot na kasama ang kanilang mga anak. Tumunog ang masayang musika kaya nagsimula nang sumayaw si Dyolibi. Iba na talaga ngayon, wala na siyang epekto sa akin. Kaya masarap maging bata, nagagawa mong maging masaya kahit sa maliit na bagay. Mahirap kapag ganito na ang iyong edad. Hindi mo alam kung paano ka magiging masaya. Mayroon kang hinahanap na hindi mo matagpuan. Ngunit kahit anong kapa mo sa bagay na 'yon, hindi mo makita dahil minsan, hindi mo alam kung ano nga ba ang iyong hinahanap.

TotoyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon